Linggo, Hulyo 21, 2024

Makahiya

MAKAHIYA

hinipo ko ang damong Makahiya
tumiklop agad, parang nahihiya
di ko dalumat ang aking nagawa
nasiyahan ba sila o namutla

ako'y napadaan sa kasukalan
at ang Makahiya'y nahipo lamang
subalit sila'y agad nagtiklupan
na para bang dalagang matimtiman

at napaisip ako ng pabula
kung bakit sila'y tila nahihiya
dahil alaga sila ng diwata
at ang hipo ko'y hipo ng binata

naligaw lang ako sa kagubatan
ang diwata'y di naman liligawan
sapagkat ako'y may-asawang hirang
dahil sa hipo ko'y nagkahiyaan

marahil ganyan lang ang Makahiya
ramdam nila'y dalagang minumutya
na tila pagdating ko'y nagbabadya
na irog akong magtatalusira

- gregoriovbituinjr.
07.21.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tEnsTcp-Gq/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento