Sabado, Mayo 4, 2024

350 klasikong kwento ang babasahin

350 KLASIKONG KWENTO ANG BABASAHIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pitong aklat na may limampung kwento bawat isa ang aking nabili nitong nakaraan lamang sa National Book Store. Nagkakahalaga ng P245.00 bawat isa, kaya P245.00 x 7 - P1,715.00 sa kabuuan. Subalit hindi ito isang bilihan, dahil pinag-ipunan ito ko muna ang mga ito hanggang sa makumpleto. Isa muna sa una, dalawa sa pangalawang bili, dalawa uli sa ikatlong bili, at dalawa sa ikaapat na bili.

Una kong nabili ang 50 Greatest Short Stories. Nakita ko rin ang iba pa. Hindi ko muna ipinagsabi at baka maunahan. Kaya pinuntirya ko talaga ang mga ito. Nag-ipon na ako, lalo na't mga klasikong kwento ito sa panitikang pandaigdig.

Ikalawa kong binili ang 50 Greatest Love Stories at ang 50 Greatest Detective Stories. Naghalungkat pa ako kung mayroon pa ba itong mga kasama, at nakita ko nga ang 50 Greatest Horror Stories na sa susunod kong punta na bibilhin.

Ikatlong pagpunta sa National Book Store ay binili ko na ang 50 Greatest Horror Stories at nakita ko pa ang 50 Creepy and Blood-Curdling Tales na aking isinabay na rin, na pawang dalawang aklat ng katatakutan. Iniisip ko ring magsanay ng paggawa ng maikling kwentong katatakutan noon, dahil nakapagbabasa na ako ng maiikling kwentong katatakuyan, tulad ng mga kwento ni Edgar Allan Poe.

Ikaapat na bili ay dalawa uli. Ang isa'y mga kwento ng kababalaghan habang ang isa'y mga kwento ng kabayanihan at kamatayan sa digmaan. Ito ang 50 Strange and Astonishing Tales, na hinggil sa mga kababalaghan, at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished, na mga kwento hinggil sa digmaan, kabayanihan, at namatay sa labanan.

Ang naglathala ng pitong aklat na ito'y ang Rupa Publications India Pvt. Ltd, 7/16 Ansari Road, Daryaganj, New Delhi 110002. Lahat din ay nakasulat ang Printed in India. Bagamat iba-iba ang taon ng pagkalathala.

Pawang naglalaman ng mga akda ng mga klasikong manunulat, tulad nina Edgar Allan Poe, Guy de Maupassant, Sir Arthur Conan Doyle, Virginia Woolf, Rudyard Kipling,  H. G. Wells, Bram Stoker, Joseph Conrad, Jack London, Stephen Crane, Ernest Hemingway, at marami pang idolo ko sa pagsusulat.

Hindi makakaya kung bawat gabi ay magbabasa ng isang kwento dahil na rin sa maraming gawain. Subalit halimbawang makatapos ka ng isang kwento sa bawat gabi, at sunod-sunod na gabi, mababasa mo ito sa loob ng labing-isang buwan at labinlimang araw (350 kwento sa 350 araw) o kulang ng kalahating buwan sa isang buong taon (365 araw) ay matatapos mong basahin ang lahat ng kwento.

365 araw kada taon - kulang pa ng 15 kwento para sa isang buong taon. Nais kong makakatha rin ng mga kwentong ganito na pawang may lalim at naging klasiko na. Sa ngayon ay nalalathala ang aking mga kinathang maikling kwento, o dagli, sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na hinggil naman sa napapanahong mga isyu ng mga maralita't manggagawa.

Kaya ang pagbabasa ng pitong aklat na nabanggit ay dapat bigyan ng panahon upang mas malinang pa ang aking kakayahang magsulat ng kwento. Kaya hindi lamang ang mga ito koleksyon sa aklatan kundi mapag-aralan din ang mga estilo ng mga klasikong manunulat.

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

PITONG AKLAT NG KWENTO

pitong aklat ng maikling kwento ang nabili ko
limampung kwento ang nilalaman ng bawat libro
na pinag-ipunan upang mabili kong totoo
at mailagay sa aklatan at mabasa ito

una kong binili ang 50 Greatest Short Stories
sunod ay pinag-ipunan ang librong ninanais
sa pangalawang bili'y 50 Greatest Love Stories
na kasabay ng 50 Greatest Detective Stories

katatakutan ang 50 Greatest Horror Stories
pati ang aklat na 50 Creepy and Blood-Curdling Tales
sunod na bili'y 50 Strange and Astonishing Tales 
at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished

limampung kwento ang nilalaman ng bawat aklat
tatlong daan at limampung kwento ang mabubuklat
at mababasa, bawat isa nawa'y madalumat
mabatid ang estilo ng klasikong manunulat

mga ito'y iba't ibang genre kung tutuusin
kayraming awtor at estilong pagkamalikhain
mga kwento'y nanamnamin, alamin at aralin
kung nais magpakabihasa sa kwento'y basahin

pagkatha ng maiikling kwento'y paghuhusayan
hinggil sa isyu ng api't pinagsamantalahan
kakathai'y kwento ng dukha, manggagawa't bayan
upang makatulong sa pagmulat sa sambayanan

05.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala, Mayo 4, 2024

Muli, tsaa't pandesal

MULI, TSAA'T PANDESAL

binili kong muli ay pandesal
at tsaang lagundi sa almusal
upang sa maghapon ay tumagal
sa mga gawang nakapapagal

ay, nakapapagod ding mag-isip
ng mga akdang di pa malirip
minumutya ko ba'y masasagip
mula sa masamang panaginip

aking kasangga ang manggagawa
laban sa sistemang mapanira
at pagsasamantalang kuhila
upang bayang ito'y mapalaya

itatala bawat kaganapan
ikukwento bawat sagupaan
pilit babaguhin ang lipunan
at gawing patas ang kalakaran

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

Engkanto at maligno

ENGKANTO AT MALIGNO

sa palaisipang ito
ay talagang nakita ko
kahulugan ng engkanto
ang lumabas ay maligno

maligno'y ano ba naman
kundi pangit na nilalang
pinalabas sa sinehan
at pati sa panitikan

ngunit engkanto'y enchanted
animo'y kaakit-akit
may diwatang maririkit
kakaiba ang daigdig

ang diwata'y maligno ba
sila'y kaygagandang nimpa
kaya nakapagtataka
kung engkanto'y maligno na

maligno'y tulad ng aswang
tiyanak, kapre, tikbalang
na sadyang katatakutan
na ugali'y mapanlamang

sila'y pawang mapanakit
upang tao'y magkasakit
malas ang kanilang bitbit
at sila'y sadyang kaylupit

doon nga sa Enkantadia
ada'y kahali-halina
animo'y mga diyosa
patas pang palakad nila

ang engkanto'y di maligno
sa pakahulugang ito
kaya ang krosword na ito
ay dapat namang iwasto

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Mayo 2, 2024, pahina 11

Biyernes, Mayo 3, 2024

Ang kamatayan, ayon kay Shakespeare

ANG KAMATAYAN, AYON KAY SHAKESPEARE
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ilang ulit na ring namamatay
ang mga duwag bago mamatay.
Habang minsan lamang makatikim
ng kamatayan yaong magiting.
Sa lahat ng aking napakinggan
ay kaiba ang katatakutan,
Na kamatayan ay mamamalas
pag kailangan na'y pagwawakas
Kamatayang susulpot sa atin
at darating kung ito'y darating.

-Julius Caesar (Akto Ikalawa [Senaryo II])

Ang orihinal na nasa Ingles:

Cowards die many times before their deaths;
The valiant never taste of death but once.
Of all the wonders that I yet have heard,
It seems to me most strange that men should fear,
Seeing that death, a necessary end,
Will come when it will come.

-Julius Caesar (Act Two [Scene II])

Lasenggero at lasenggo

LASENGGERO AT LASENGGO

anang ulat, kaybabata pa'y naging lasenggero
habang sa isang kolum, kaybabata ng lasenggo
ang nagsulat sa una sa wari ko'y Manilenyo
ang wika sa kolum ay lalawiganing totoo

kapwa salitang Tagalog subalit magkaiba
lasenggero't lasenggo'y pabata at pabata na
bagamat ulat ay nakababahala talaga
pagkat sa murang edad ay nagbabarik na sila

iba ang Tagalog-probinsya't Tagalog Maynila
sa lasenggero't lasenggo'y kita na nating sadya
bakit manginginom ay pabata na ng pabata
problema ba ng mga kabataa'y lumalala

ang isyung ito'y dapat tugunan at solusyunan
bago pa lumala't lumikha pa ng kaguluhan
ang lasenggero't lasenggo'y iba ang kaisipan
nawawala sa huwisyo pag nalangong tuluyan

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2 at sa pahayagang Bulgar, Mayo 3, 2024, pahina 3

Pandesal at tsaa

PANDESAL AT TSAA

agahan ko'y pandesal at tsaa
tara, tayo'y mag-almusal muna
bago pumasok sa opisina
o di kaya'y bago mangalsada

dapat laging may karga ang tiyan
upang di manghina ang katawan
dapat palakasin ang kalamnan
upang di mahilo sa labasan

habang patuloy sa pagninilay
ng paksa sa kabila ng lumbay
kayrami pang dapat isalaysay
at isulat na isyu't palagay

madalas, almusal ko'y ganito
at ako'y tatagal nang totoo
marami nang paksa't kuro-kuro
at masusulat na tula't kwento

- gregoriovbituinjr.
05.03.2024

Pagkilala sa literatura

PAGKILALA SA LITERATURA

limang pahina sa pesbuk ang kumilala
sa inyong lingkod na umano'y palabasa
hinggil sa mga paksa sa literatura
larang itong pinagbubutihang talaga

pagkat panitikan na'y bahagi ng buhay
pagkat nagsusulat tuwina ng sanaysay
pagkat pagkatha ng kwento'y pinaghuhusay
pagkat sa balana tula ang aking tulay

pagkilala man itong walang sertipiko
pagkilala'y mahalaga na ring totoo
limang pahinang marahil ay pinindot ko
kaya napabilang ako sa buong linggo

gayunpaman, taospusong pasasalamat
inspirasyon ito upang sadyang magsikap
patuloy na kumatha, lumikha, magsulat
tagumpay man sa larangang ito'y kay-ilap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2024

Huwebes, Mayo 2, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Ulat sa Mayo Uno

ULAT SA MAYO UNO

sa apat na pangmasang pahayagang binili ko
dalawa lang ang nag-ulat hinggil sa Mayo Uno
sa mga nangyaring pagkilos ng uring obrero
habang ang iba'y hinggil sa pahayag ng pangulo

pagpupugay sa mga nagsilahok kahit saglit
sa rali ng uring manggagawa kahit mainit
karapatan nila bilang obrero'y iginiit
laban sa mapagsamantalang talagang kaylupit

sigaw: Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!
tunay na hukbong sa sistema'y nais kumawala
misyon ninyo sa daigdig ay talagang dakila
laban sa kapitalismong mapang-api't kuhila

mabuhay kayo, Manggagawa, mabuhay! Mabuhay!
sa inyo'y saludo, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
05.02.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 2, 2024, pahina 2
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2

Bakit daw umiinom ng mainit na kape ang matanda?

BAKIT DAW UMIINOM NG MAINIT NA KAPE ANG MATANDA?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May nakapagkwento sa aking isang nasa pitumpung gulang na matandang lalaki kung bakit kapeng mainit agad ang iniinom niya sa umaga. Minsan ay sa hapon at sa gabi. Aniya, bukod sa nakasanayan na niya, at maganda sa katawan, ang mainit na kape rin daw ang nagtatanggal ng mga nakabarang taba sa ugat.

Napatanong tuloy ako ng paano po.

Ang tugon niya, pagmasdan mo ang mamantika o sebo pag nilagay mo sa ref ang natira mong adobo, hindi ba't namumuo. Subalit pag ininit mo ang adobo, ang sebong namuo ay natutunaw. Ganyan din ang sebo sa ating mga ugat, lalo na't mahilig tayong kumain ng karne, tulad ng litson at adobo, matutunaw din at lalabas sa ating katawan ang mga sebong iyon. Kaya mahalaga talaga ang uminom lagi ng kapeng mainit. Sa umaga man, sa tanghali, hapon o gabi.

Napatango naman ako, bagamat wala pa akong nababasang ganoon sa aklat, pahayagan, o maging sa mga scientific journal.

Nang makauwi ako ng bahay, naalala ko ang kwento ng matanda dahil pinainit ni misis ang nakalagay sa ref na natirang adobong baboy. Nakita kong may namuong sebo. At nang aking painitin sa kalan, talaga namang natunaw ang sebo, at muling naging mantika.

Tunay nga kaya ang teorya ng matanda hinggil sa mainit na kape? Wala namang mawawala kung paniwalaan ko. Huwag lang lalagyan ng maraming asukal ang kape dahil baka lumala ang diabetes kung meron ka niyon.

Kumatha ako ng tula hinggil sa usapang iyon.

ANG TEORYA NG MATANDA SA MAINIT NA KAPE

kinwento sa akin ng isang matanda kung bakit
palagi niyang iniinom ay kapeng mainit
may teorya siyang sa balikat ko'y nagpakibit
na marahil ay tama kung iisipin kong pilit

pantanggal daw ito ng sebo sa ating katawan
masdan mo raw ang adobong nanigas nang tuluyan
nang nilagay na sa ref at talagang nalamigan
namuo ang sebo, at natunaw nang mainitan

ganyan din daw pag katawan nati'y puno ng sebo
na sa mainit na kape'y matatanggal nang todo
sa kanya ko lamang narinig ang teoryang ito
na di ko pa nabasa sa dyaryong siyentipiko

wala bang mawawala kung sundin ko ang sinabi?
basta huwag lang sobrahan ang asukal sa kape
kahit paano'y lohikal din ang kanyang mensahe
heto, kapeng barako'y iniinom ko na dine

05.02.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala

Miyerkules, Mayo 1, 2024

Akin pang naaalala (Pasintabi kay Freddie Aguilar)

AKIN PANG NAAALALA
(pasintabi kay Freddie Aguilar)

bilin noon ni Itay
ay aking napagnilay
ngayong siya'y humimlay
at nawala nang tunay

ang sabi niya'y Greggy
mag-aral kang mabuti
tulungan ang sarili
nang buhay mo'y umigi

nagbasa ako ng aklat
upang ako'y mamulat
at naaral kong sukat
ang sistema ng salat

tanda ko ang mensahe
ng namayapang Daddy
kaya ako'y nagsilbi
sa bansa ng bayani

sa rali'y naroroon
nang gampanan ang misyon
na palitan paglaon
ang kabulukang yaon

sistema'y babaguhin
at itatayo natin
ang lipunang mithiin
sa puso'y adhikain

akin ngang naalala
ang mensahe ni Ama
kaya ako'y kasama
at naglingkod sa masa

- gregoriovbituinjr.
05.01.2024

Martes, Abril 30, 2024

Dalawang app game sa selpon

DALAWANG APP GAME SA SELPON

sinagot sa panahong tahimik
o maingay ngunit walang imik
na sa selpon ay aking pinitik
sambuwan ng Sudoku't Word Connect

sa dami man ng mga gawain
nagpapatuloy man sa layunin
pinakapahinga na ang app game
sa hapon o pagkagat ng dilim

naiiba ang ihip ng utak
matapos sa rali'y magtatalak
ng mga isyu't paksang palasak
at katiwalian ding talamak

mabuti't utak ay mapadugo
sa app game na nakararahuyo
pahinga ko na ang paglalaro
lalo't isyu'y nakapanlulumo

- gregoriovbituinjr.
04.30.2024

Lunes, Abril 29, 2024

Indian missile, nasa Pinas na

INDIAN MISSILE, NASA PINAS NA

BhraMos supersonic cruise missile na mula sa India
ang dumating sa bansa para raw armas sa gera
mahal man ito, bansa'y naghahanda na talaga
nang sa mundo'y ipakitang tayo'y may pandepensa

upang ipakitang bansa'y di basta makawawa
at di basta makagalaw ang nagbabantang bansa
missile upang ipagtanggol ang tinubuang lupa
habang kapitalista ng armas ay tuwang-tuwa

ang bansa'y nagiging magnet o balani ng sindak
ginawang base ng U.S. na EDCA ang inanak
siyam na base ng Kano sa bansa sinalaksak
habang Pinoy pag nagkadigma'y gagapang sa lusak

missile na iyan ay di naman sa atin tutubos
kundi mangwawasak lang ng mga buhay na kapos
dinadamay lang tayo sa digmaan, inuulos
ng U.S. at Tsinang bawat isa'y nais mapulbos

aralin natin ang kasaysayan ng rebong Ruso
masa'y di sinuportahan ang Tsar sa gera nito
kundi inorganisa nina Lenin ang obrero
upang mapalitan ang sistema nang magkagulo

tungkulin ng manggagawang itayo ang lipunan
nila, di ipagtanggol ang burgesya't mayayaman
dapat labanan ang tuso't elitistang gahaman
na pawang nagsibundatan at pahirap sa bayan

- gregoriovbituinjr.
04.29.2024

* Ulat mula sa pahayagang Abante, Abril 22, 2024, kasabay ng paggunita sa Earth Day

Linggo, Abril 28, 2024

Panghilod

PANGHILOD

gamit ni misis sa aking likod
ang mahiwagang batong panghilod
hiniluran ko naman ang tuhod
binti, sakong, hanggang sa mapagod

natanggal ang isang kilong libag
nang mahiluran ay nangalaglag
para bang aking puso'y binihag
ng magandang diwatang lagalag

nang makaligo, ramdam na'y presko
libag pa'y nabawasang totoo
napatitig ako sa kuwago
at sa parot na maraming kwento

kaygaling ng panghilod ni misis
isang kilong libag ko'y napalis

- gregoriovbituinjr.
04.28.2024

Pinta para sa Kababaihan

PINTA PARA SA KABABAIHAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development).

Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC.

Matapos ang unang rali ay tumuloy agad ako sa Liwasang Diokno ng CHR kung saan idinaos ang Art and Painting activity ng Women's Committee ng FDC. Dumating ako roon sa ganap na ikalabing-isa ng umaga. Bagamat nakapagpinta na ako noon, halimbawa, sa mga pader katuwang ang mga kasama sa Climate Walk ng 2014 at 2023, iyon  ang una kong solong painting. Maraming salamat sa pagbibigay ng pagkakataon. Napaisip nga ako na kung kaya ko palang gumawa ng ganoon ay ituloy ko na sa mga libreng oras ko. Tulad ng pagkatha ng tula at maikling kwento ay hasain ko na rin ang aking sarili sa pagguhit ng larawan at pagpinta sa kambas.

Kasama ko sa litrato rito ang batikang pintor na si kasamang Lito Ringor ng ZOTO, habang kinatawan naman ako sa nasabing aktibidad ng XDI (Ex-Political Detainees Initiative) at KPML bilang kanilang sekretaryo heneral.

Kumatha ako ng tula hinggil dito.

PINTA PARA SA KABABAIHAN

buti't dumalo ako sa aktibidad na iyon
ng Women's Committee ng Freedom from Debt Coalition
paksa'y isyung kababaihan at kanilang misyon
at ako'y lumahok sa pagpipintang nilalayon

matapos ang rali sa Morayta hinggil sa klima 
agad nang naglakbay ng ikasampu ng umaga
upang sa Diokno Hall ng CHR ay pumunta
upang aking madaluhan ang doo'y paanyaya

binigyan ng kambas, pintura't pinsel, napaisip
babae't lalaki'y magkatuwang, aking nalirip,
sa paglaya ng uri, ng bayan, at ng daigdig
at nagpinta akong tila makatang nagpapantig

pinasa ko bagamat iyon lang ang nakayanan
una ko mang pinta'y maipagmamalaki naman
dahil mula iyon sa puso, diwa't karanasan
bilang manunulat at abang makata ng bayan

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa nasabing aktibidad

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Sabado, Abril 27, 2024

Pagdungaw ni Muning

PAGDUNGAW NI MUNING

nabigla ako't akala'y daga
ang naroong dumungaw na sadya
iyon pala'y ang aming alaga
si Muning, ang buntis naming pusa

mga bubuwit ang kanyang hanap
kahit tulog ako't nangangarap
minsan, lumundag ang pusang yakap
at sinagpang ang daga ng iglap

kaytapang ng mga dagang iyan
na nakikita ko sa tahanan
daga pa'y nakikipagtitigan
sa akin hanggang magbulabugan

ang mga daga'y nakakapraning
mabuti't naririyan si Muning
at mag-utol na Lambong at Lambing
at nakakatulog nang mahimbing

- gregoriovbituinjr.
04.27.2024

Biyernes, Abril 26, 2024

Oda sa sinta

ODA SA SINTA

may kwento habang natutulog
ako raw ay nagkukumahog
sa paghabol sa sintang irog
pag-ibig ang iniluluhog

ang pasya ko'y di na sungkitin
sa kalangitan ang bituin
at buwang iyong kukwitasin
tungong pag-iibigan natin

di kita bibigyan ng rosas
handog ko'y isang sakong bigas
upang sa gutom makaiwas
para sa maligayang bukas

oda sa iyo'y aking alay
habang patuloy sa pagnilay
ang iyong OO'y hinihintay
tanda ng pag-ibig na tunay

- gregoriovbituinjr.
04.26.2024

Huwebes, Abril 25, 2024

069

069

estilong aso raw o dog style, anila
ang numerong sixty-nine, tayo'y natatawa
o nangingiti sa haraya at pantasya
lalo na't may ka-partner ka o may asawa

numero iyon ng nasakyan kong traysikel
nakaupo roong sa diwa'y umukilkil
animo itong isipa'y napakatabil
gayong di naman matambok ang aking bilbil

anong palagay mo sa sisenta't nuwebe,
animnapu't siyam, sixty-nine, anong siste
lalo't magkasuyo'y magtatalik sa gabi
baka nasa isip, may kondom bang binili

edad sisenta'y nuwebe sana'y abutan
at kung maaari, iyon ay malampasan
na malakas pa rin ang tuhod at katawan
na nagagawa pa ang estilong sixty-nine

- gregoriovbituinjr.
04.25.2024

Miyerkules, Abril 24, 2024

50 Greatest na Kwento

50 GREATEST NA KWENTO

nabiling aklat ay walang kaparis
una'y ang Fifty Greatest Short Stories
sunod ay Fifty Greatest Love Stories
at Fifty Greatest Detective Stories

pinuntirya't pinag-ipunang sadya
ang mga librong tila pambihira
klasikong awtor at klasikong akda
na babasahin mo mula't simula

mga dagdag sa munti kong aklatan
habang dumadaloy ang panitikan
sa aking ugat at mga kalamnan
sa aking puso, bituka't isipan

mga librong para sa aki'y ginto
upang pagsusulat pa'y mapalago
mga kwentong paksa'y saya't siphayo
na mula pa sa iba't ibang dako

mga aklat nga itong inspirasyon
upang magkaroon ng bagong layon
Fifty Greatest Kwentong Pinoy matipon
at malathala rin ito paglaon

- gregoriovbituinjr.
04.24.2024

Martes, Abril 23, 2024

Pulahan

PULAHAN

ako nga ba ay isang pulahan
na dapat lang daw i-redtag naman
ngayon na ba'y isang kasalanan
ang pagkilos nang para sa bayan

may pula nga sa ating bandila
tanda ng magigiting sa bansa
na lumaban para sa paglaya
mula mananakop na Kastila

pula ang kulay ng ating dugo
pula ang dumadaloy sa puso
pag nasugatan tatapang lalo
tinalupa't balat ma'y maghalo

itayo'y makataong lipunan
karapatang pantao'y igalang
pati panlipunang katarungan
prinsipyong iyan ba'y kasalanan

pawis sa noo'y tumatagaktak
ngunit di mapagapang sa lusak
ang tulad kong Spartan na tibak
na di papayag na hinahamak

ay, siyang tunay, pulahan ako
tanda ng mapagpalayang tao
e, ano, pulahan ang tulad ko
babarilin mo ba agad ako

kung ganyan ka, ikaw ang berdugo
pumapatay ng walang proseso
mga halang ang bituka ninyo
kayong bulok nga ang pagkatao

- gregoriovbituinjr.
04.23.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Lunes, Abril 22, 2024

Kalikasan

KALIKASAN

sino pang magtutulong
kung tayo'y ginagatong
ng klimang urong-sulong
na dulot ay linggatong

sistemang capitalist
bayan na'y tinitikis
isigaw: Climate Justice
wakasan ang Just-Tiis

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Ngayong Earth Day

NGAYONG EARTH DAY

halina't tayo'y magsikilos
para sa kalikasang lubos
at nang masa'y makahulugpos
sa sistemang mapambusabos

kapitalismo'y mapangyurak
dignidad ng tao'y hinamak
dukha'y pinagapang sa lusak
ang kalikasan pa'y winasak

ngayong Earth Day ay magkaisa
upang baguhin ang sistema
dignidad ay bigyang halaga
kapitalismo'y palitan na

protektahan ang sambayanan
hanggang maitayo ng bayan
yaong makataong lipunan
at maayos na daigdigan

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019.

Linggo, Abril 21, 2024

Pandesal muli ang almusal

PANDESAL MULI ANG ALMUSAL

pandesal muli ang almusal
habang naritong nagtatsaa
almusal muli ay pandesal
tulad ng karaniwang masa

tara na't mag-agahan tayo
kailangan nating kumain
upang sumigla ring totoo
itong katawan pagkagising

kaysaya't kasalo si misis
na sabay laging mag-agahan
nang iwing gutom ay maalis
lumakas naman ang katawan

pandesal sa agaha'y sikat
hanap ng masa pag nagmulat

- gregoriovbituinjr.
04.21.2024

Pagbabalik

PAGBABALIK

nakabalik na sa Pilipinas,
este Maynila, galing Batangas
upang gampanan ang inaatas
na pagtayo ng sistemang patas

kaya marapat ding isabuhay
ang pangarap na yakap na tunay
kaya patuloy na nagsisikhay
nang lipunang asam ay mataglay

tila lamay ay isang bakasyon
upang tuparin ang nilalayon
ngunit patuloy pa rin sa misyon
ang tibak na ito hanggang ngayon

kaya maghahanda ang makata
kasama'y nakikibakang dukha
upang maisiwalat sa madla
ang yakap na misyon at adhika

- gregoriovbituinjr.
04.21.2024

Paglisan

PAGLISAN

lumuwas na ng aking maybahay
mula sa ilang araw na lamay
mula nang mamayapa  si Itay
at damdamin ay tigib ng lumbay

lumuwas matapos ang pasiyam
habang naroon namang naiwan
ang mabubuting kamag-anakan
at si Inay at kapatid naman

nagdasal din at nagsalu-salo
at nagtungo rin sa sementeryo
doon ay nagnilay na totoo
kaya nagawa ang tulang ito

pang-apatnapung araw sasapit
ay kami'y muling uuwi, hirit
bilang pagrespeto'y aking sambit
babalikan si Dad na kaybait

- gregoriovbituinjr.
04.21.2024

Sabado, Abril 20, 2024

Salusalo sa pasiyam

SALUSALO SA PASIYAM

matapos ang dasal ay nagsasalusalo
ang magkakamag-anak at kakain dito
tulad ng inihandang pansit at adobo
habang namayapa'y inalayan din nito

tuyong kalamyas at sinaing na tulingan 
sa lamay at pasiyam ay muling natikman
inuulam ko pag napunta ng Balayan
sa tuyong kalamyas sila'y inuunahan

di na ako mahilig sa pansit at karne
bagamat may luto namang adobo rine
gulay at isda na lang ang aking putahe
o kaya'y magta-tsaa o barakong kape

may dasal sa umaga, sunod ay sa hapon
tutungong sementeryo bago dapithapon
pagka apatnapung araw pa ay mayroon
babangluksa naman sa susunod na taon

- gregoriovbituinjr.
04.20.2024

Tibaw

TIBAW

ngayon ang ikasiyam na araw
mayroon pang pasiyam o tibaw
bilang alaala sa namatay
at ipagbunyi ang kanyang buhay

nagsasama-sama ang kaanak
at kaibigan, ipagdarasal
ang namayapa bilang respeto
habang narito pa raw sa mundo

tradisyon na ang tibaw sa bansa
tayo'y tigib mang lumbay at luha
isang salusalong ginagawa't
ginugunita ang namayapa't 

ang masasaya nilang kahapon
babangluksa'y sa sunod pang taon

- gregoriovbituinjr.
04.20.2024

tibaw - sinaunang salusalong ginagawa sa ikatlo o sa ikasiyam na araw ng kamatayan ng isang tao; nagsasama-sama ang mga kaanak at kaibigan ng namatay upang ipagdasal ito, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino
* namatay si Dad ng Abril 12, kaya sa bilang na siyam na araw ay kasama ang petsa 12, kaya Abril 20 - Abril 11 = 9 na araw

Biyernes, Abril 19, 2024

Libing

LIBING

katanghaliang tapat nang nagmisa sa Balayan
bago dalhin si ama sa kanyang paghihimlayan
matapos ay hinatid ng labinlimang sasakyan
si ama patungong Calaca sa huling hantungan

napakainit ng tanghaling natigib ng luha
nang bumabaybay ang sasakyan patungong Calaca
ngunit hanging kaylamig ang humahampas sa mukha
hanggang marating ang sementeryong gabok ang lupa

tila ba sa kabaong si Dad ay himbing na himbing
bagamat alam nating di na siya magigising
inilagak na sa huling hantungan ang magiting
na amang sa asawa't mga anak ay kaylambing

pagpupugay sa iyo, Dad, sa inalay mong buhay
sa pamilya at sa kapwang natulungan mong tunay
pinakita sa iyong larang ang napakahusay
na serbisyo sa bayan at sa pamilyang kalakbay

- gregoriovbituinjr.
04.19.2024

* litratong kuha ng makatang gala nang inilagak ang labi ng kanyang ama sa sementeryo ng Calaca, ikatlo ng hapon, Abril 18, 2024
* ang nasa ilalim na lapida ay sa kanyang ama at ina

Huwebes, Abril 18, 2024

Huling gabi ng lamay

HULING GABI NG LAMAY

marami pa ring kamag-anakan
ang naroroong nagdaratingan
tulad ng tiyahi't magpipinsan
iba'y kaylayong pinanggalingan

di makatulog sa huling gabi
kaya nagbantay na lamang dine
sa pagninilay ipinipirmi
ang paksang itutula ko sabi

ang umalis sa sariling bayan
ay bumalik din sa pinagmulan
ang ipinanganak sa Balayan
sa bayang iyon uuwi naman

naritong pulos kape't salabat
nang sa huling lamay ay magluwat
patuloy na nagtutugma't sukat
buong araw tiyak ako'y puyat

- gregoriovbituinjr.
04.18.2024

Miyerkules, Abril 17, 2024

Ama bilang bayani ng pamilya

AMA BILANG BAYANI SA PAMILYA

sa bawat anak, bayani ang tatay
lalo't di nito bisyo ang tumagay
kundi anak ay pag-araling husay
anak nama'y makikinig na tunay

sa amin, si Dad ay isang bayani
na talagang maipagmamalaki
nagawaran pa siya ng Employee
of the Year noon ni Pangulong Cory

nagtrabaho sa kabila ng hirap
ng buhay ay talagang nagsumikap
sa pamilya'y tunay na may pangarap
na ginhawa'y makamit naming ganap

wala na si Dad, na namayapa na
sa edad niyang walumpu't dalawa
pagpupugay sa iyo, aming ama
tangi kong masasabi'y "Mabuhay ka!"

- gregoriovbituinjr.
04.17.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Tubig, kape at salabat

TUBIG, KAPE AT SALABAT

kayrami kong nainom sa lamay
di alak dahil doon ay bawal
walang sugal at walang pagtagay
kundi tubig, kape at salabat

may meryendang tinapay sa plastik
may mani at iba pang kutkutin
may butong pakwan, biskwit at kornik
habang nagsusulat, di antukin

inihanda sa mga bisita
at kamag-anak na naroroon
na kwento naman ang baon nila
pawang talakayan ng kahapon

ako sa kanila'y nakikinig
nakilala'y ibang kamag-anak
habang nagsasalabat o tubig
nabatid ko'y lalamnin ng pitak

- gregoriovbituinjr.
04.17.2024

Panganay

PANGANAY
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya.

Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat.

Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay.

Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibinalita agad niya sa aming magkakapatid. Kaya nagpasya na siyang umuwi ng Pilipinas upang makadalo sa libing ni Dad sa Abril 18. Dumating na rin mula Davao ang isa ko pang kapatid na si Greg Vergel, panglima sa magkakapatid, kasama ang kanyang pamilya.

Marahil ako lang ang kaiba sa magkakapatid, dahil ako lang ang naging aktibista. Nagsimula iyon sa pagbabasa at pagpunta-punta sa Popular Bookstore sa Doroteo Jose sa Maynila, noong bandang huling bahagi ng 80s, bago iyon lumipat sa Tomas Morato, malapit sa Boy Scouts Circle, sa Lungsod Quezon.

Hindi kami nagkita ni Ate bago ako lumuwas ng Maynila kahapon, Abril 16, upang daluhan muna ang isang talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa Philippine Normal University sa Abril 17, ngayong hapon. Pambihirang pagkakataon iyon na KWF mismo ay nag-email sa akin upang daluhan ko ang kanilang aktibidad sa PNU. Kaya kailangan kong lumuwas ng Maynila at babalik muli sa Balayan sa gabi para sa huling lamay.

Mabuti at nakabalik na si Ate sa Pilipinas, at kumpleto na kaming anim na magkakapatid upang ihatid sa huling hantungan si Dad sa Calaca bukas, Abril 18.

PANGANAY

mula Tate, dumating na si Ate
panganay sa aming magkakapatid
na sa akin ay magandang mensahe
at kumpleto na kaming maghahatid
sa aming Ama sa huling hantungan
na namatay na mula sa ospital
nagsikap para sa kinabukasan
si Dad na aming ikinararangal

si Ate naman ang punong abala
bagamat sa group chat lang nagkausap
si utol Vergel ay di pa nakita
na mula Davao pa'y sadyang lumipad
kasama ang kanyang buong pamilya
na sa Batangas ay di pa napadpad

04.17.2024