NAIS KO PA RING MAG-ARAL
di pa huli ang lahat / upang mag-aral muli
maganda ring tapusin / ang kurso kong pinili
kailangan ko lamang / talagang magpunyagi
gayong ako rin naman / ay di nagmamadali
o kaya'y palitan na / ang aking dating kurso
baka di na interes, / pumurol na ang ulo
di ko natapos noon / ang BS Math kong kurso
dahil agad nagpultaym / yakap ang aktibismo
baka kunin ko ngayon / BS Pilipino na,
malikhaing pagsulat / o pagdidiyarista
hahanapin kung saan / nababagay talaga
na pagtutuunan ko / ng sakripisyo't pwersa
bagamat aktibismo'y / di ko naman iiwan
sapagkat ako'y isang / aktibistang Spartan
adhika ko lang ngayo'y / makapagtapos naman
ng kursong nababatay / sa aking kakayahan
edad ko'y kalahating / siglo na ring mahigit
halos tatlong dekadang / pultaym, ngayon hihirit
taon ng pag-aaral / ay baka isang saglit
habang ipapasa ko / ang bawat pagsusulit
- gregoriovbituinjr.
06.05.2024
* litrato mula sa pahayagang Abante, 05.23.2024, p.8
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento