DAPULAK
ang alam ko'y may salitang dapurak
nagpipiga ng katas sa pagtapak
habang sagot sa krosword ay dapulak
amag sa halaman pala ang linsyak!
dagdag sa nababatid na salita
at sa pag-unlad ng sariling wika
dapurak at dapulak, magkatugma
na sa pagtula'y talagang sariwa
mga katagang di agad mapansin
ngunit sadyang mahalaga sa atin
upang kaalaman ay paunlarin
at lumawig ang panitikan natin
muli, salamat sa palaisipan
umuunlad ang talasalitaan
- gregoriovbituinjr.
06.21.2024
* dapulak - maliliit at puting funggus sa halaman at puno
* dapurak - paulit-ulit na pagtapak ay pagpiga upang humiwalay ang katas sa tinatapakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 265
- palaisipan mula sa Pilipino Star Ngayon, Abril 28, 2024, p. 10
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento