TITSER NA-DEPRESS, NAGPASAGASA SA TRAK, PATAY!
BULA, Camarines Sur - Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng 52-anyos na babaeng guro matapos na pinaniniwalaang sinadya nitong magpasagasa sa paparating na trak sa kahabaan ng national highway sa Zone-5, Brgy. Palsong sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, dakong alas-6 ng gabi ay nakita mismo sa kuha ng CCTV camera sa naturang lugar na naglalakad ang biktima sa tabi ng highway. Gayunman, bigla siyang tumakbo sa gitna at sinalubong ang paparating na trak... ~ ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 14, 2024, pahina 9
O, kaytindi pag ang dinanas mo'y depresyon
na mismong sarili'y gagawan ng represyon
lalo't di kinaya ang problemang naipon
na ang sariling buhay na'y nais itapon
nakagugulat na mismong gurong na-depress
ay nagpasagasa sa trak, ito na'y labis
di ba naresolba ang problemang tiniis?
kaya dinamay ang trak na humahagibis?
grabe ang ulat sa pahayagang nabasa
lalo pa't guro'y ikalawang magulang na
ngunit tao rin siyang may dalang problema
sa paaralan, sa kasama, sa pamilya
wala ba ritong nakapansing kapwa guro?
na depresyon nitong guro'y di naglalaho?
na problema nito'y tila naghalo-halo?
animo'y karambolang nagkalabo-labo?
sa pamilya pong naiwan, pakikiramay
di natin masabing ganyan kasi ang buhay
minsan, masaya; madalas puno ng lumbay
mahalaga, problema'y kakayaning tunay
- gregoriovbituinjr.
03.15.2024
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento