KALBARYO NG MARALITA
kanina, aming isinagawa
itong Kalbaryo ng Maralita
sa Mendiola kami patutungo
sa Morayta hinarangang buo
ng mga pulis ang maralita
sa Morayta na lang nagsalita
mga maralita'y di nasindak
kahit sangkaterba pa ang parak
isyu sana'y nais iparinig
sa Malakanyang at mga kabig
imbes Malakanyang, sa FEU
hinaing ay pinarinig dito
trabaho't pabahay, hindi ChaCha
ang 4PH ay hindi pangmasa
ang manpower agencies na linta
ay marapat nang buwaging sadya
tuloy ang pagtaas ng bilihin
at di mabayaran ang bayarin
sa lowcost housing at relokasyon
may banta pa rin ng demolisyon
dito'y aming mga panawagan
ChaCha ay ilantad at tutulan
ang krisis sa kabuhayan, klima
at karapatan ay wakasan na
4PH ay di pangmaralita
kaya isinusumpa ng dukha
4PH ay pangkapitalista
kaya dapat itong ibasura
di payag na sandaang porsyento
lupain ay ariin ng dayo
ang iskwater sa sariling bayan
ay di na dapat pang madagdagan
patuloy na nadaramang sadya
itong Kalbaryo ng Maralita
kailan ba giginhawa sila?
pag sistemang bulok, nabago na?
- gregoriovbituinjr.
03.26.2024
* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa Kalbaryo ng Maralita, sa tapat ng UST bago magmartsa patungong Mendiola, Marso 26, 2024
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento