PARALEGAL AT LABAN NG DUKHA
oo, inaamin ko, di ako magaling
halimbawa, sa paralegal na usapin
kayraming batas at butas ang aaralin
mga pasikot-sikot nito'y aalamin
anong mga nanalo at natalong kaso?
laban ng dukha'y paano maipanalo?
sa pamamagitan lang ba ng dokumento?
at nakapanghihikayat na argumento?
kung mga dukha'y tinaboy ng demolisyon
dahil walang dokumentong kanila iyon
sa papel pa lang, talo na, paano ngayon?
hahayaang parang dagang mataboy doon?
pera pa ng burgesya kapag naglabasan
pulis at hukuman ay baka masuhulan
mga walang-wala'y paano pa lalaban?
kundi kapitbisig ang tanging kasagutan
dapat mga dukha'y organisahing lubos
turuan bakit sistema'y dapat makalos
bakit lipunang ito'y di kampi sa kapos
at bigyang aral sa kolektibong pagkilos
minsan, di makukuha sa usaping legal
ang panalo laban sa burgesyang animal
panalo ng Sitio Mendez ay isang aral
sama-samang pagkilos, pagbawi ng dangal
- gregoriovbituinjr.
09.09.2024
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento