DI LANG PALAY KUNDI TALBOS
di lang palay ang tinutuka kundi talbos
ng sayote, mabuti't nagagawang lubos
halimbawang sa patuka na'y kinakapos
kayraming talbos na di agad mauubos
pag nasa lalawigan, manok ay malaya
subalit kinukulong pag nasa Maynila
kaya dito sa bundok ay pagala-gala
sila na ang naghahanap ng matutuka
paggising sa umaga, hanap na'y bulate
isang kahig at isang tuka ang diskarte
pag walang matuka, babaling sa sayote
na sa aming looban ay sadyang kayrami
ganyan ang pamumuhay ng alagang tandang
ngunit di upang isabak lang sa sabungan
kundi mga inahin ay buhayin naman
upang mangitlog, may bagong aalagaan
- gregoriovbituinjr.
08.26.2024
* mapapanood ang ilang segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uedWShIfQd/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento