Huwebes, Disyembre 31, 2015

Liham para sa pagsalubong sa Bagong Taon

Disyembre 31, 2015

Dear Kababayan,

Una sa lahat, Happy New Year. Manigong Bagong Taon sa iyo at sa iyong pamilya.

Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan ng iyong pamilya sa pagsalubong sa bagong taon. May pang-buena noche at masayang magkakasama.

Ngunit ako'y nababahala, kababayan, sa maraming balita sa tuwing sasapit ang bagong taon. May naputukan ng kamay, may tinamaan ng ligaw na bala.

Paano ba natin dapat salubungin ang bagong taon? Bagong taong walang daliri? Bagong taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa tama ng ligaw na bala? Bakit kailangang magpaputok ng iba't ibang klaseng paputok, tulad ng labintador, superlolo, goodbye Philippines, at ngayon, may paputok pang super-AlDub.

Napakaraming biktima ng paputok at mga ligaw na bala ay pawang mga bata. Hindi ba tayo naaawa sa kanila? Dahil ba hindi natin sila kaanu-ano ay balewala na ang balita tungkol sa pagkawasak ng kanilang daliri, o pagkamatay nila sa tama ng ligaw na bala? At mapapansin lang natin sila pag isa na sa mga kamag-anak natin, o sabihin nating anak natin, ang maputulan ng kamay o mamatay nang walang kalaban-laban.

Noong 2015, umabot na sa 730 ang nasaktan sa paputok (Youth suffer most of PH's 730 fireworks-related injuries, http://www.rappler.com/nation/79694-youth-firecracker-injuries-philippines). Noong 2014 naman, umabot sa 933 ang nasaktan sa paputok (New Year revelry injuries rise to 933 - DOH, http://www.philstar.com/headlines/2014/01/03/1274767/new-year-revelry-injuries-rise-933-doh)

Noong bagong taon ng 2013, isang pitong taong gulang na bata mula sa Tala, Caloocan, ang natamaan ng ligaw na bala, si Stephanie Nicole Ella. Ipinalabas ito ng ilang araw sa telebisyon. Di ko na nasubaybayan kung nakilala pa, nahuli at nakulong ang suspek. 

Bagong taon ng 2013 din namatay sa tama ng bala ang batang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer na taga-Mandaluyong nang lumabas ito ng kanilang bahay upang manood ng mga paputok. Sa pagkakaalam ko'y nahuli ang suspek na may hawak na sumpak.

Ang matindi ay nitong Bagong Taon ng 2014, isang tatlong buwang bata, oo, tatlong buwan pa lang, ang natamaan ng ligaw na bala sa Ilocos Sur - si Vhon Alexander Llagas. Kasabay nito'y namatay din sa ligaw na bala ang dalawang taong gulang na batang si Rhanz Angelo Corpuz na mula naman sa Ilocos Norte.

Noong Bagong Taon ng 2015, namatay din sa tama ng ligaw ng bala ang 11 taong gulang na batang si Jercy Decym Buenafe Tabaday sa Abra. Bago mag-Bagong Taon ng 2016 ay may mga napapabalita na ring mga natamaan ng ligaw na bala.

Ano bang magagawa natin, kababayan, upang maiwasan natin ang ganito, at paano tayo makakatulong? Hihintayin pa ba nating tayo ang mabiktima nito bago tayo magsikilos? Magiging istadistika na lang ba ang mga naputukan ng kamay, nawalan ng daliri, nawalan ng buhay dahil sa ligaw na bala? Hindi pa ba nakakaalarma ang ganitong sitwasyon?

Paano nga ba nagsimula ang pagpapaputok na ito tuwing Bagong Taon? Ayon sa isang artikulo sa Moms Magazine na sinulat ng isang Nathan Maliuat, nagsimula ang pagpapaputok na ito ng mga firecrackers sa pagsapit ng bagong taon sa bansang Tsina. Noon daw unang panahon, pinaniniwalaan ng mga Tsino na nililigalig ng isang halimaw na tinatawag na Nian ang kanilang mamamayan at nilulusob nito ang mga nayon. At ginagamit ng mga Tsino noon ang mga paputok o firecrackers upang maitaboy ang halimaw. At dahil naniniwala silang sa pagsapit ng bagong taon lumalabas si Nian, nakagawian na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon upang maitaboy ang halimaw na ito, o sa kasalukuyang termino, ay masamang espiritu.

Ngunit sa tindi na ng mga armas na naimbento ng tao, may laban kaya ang halimaw na ito? At dahil itinuturing na ngayon ito na masamang espiritu, aba'y di uubra ang anumang armas dito. Kaya itinataboy na lang ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

Subalit ang paniniwalang ito'y bakit ipinagpapatuloy pa natin? Di naman tayo Tsino. Bakit kailangan nating itaboy ang masasamang espiritu sa pamamagitan ng paputok, gayong hindi naman talaga sila naitataboy? Palilipasin lang nila ang ingay at usok ng ilang oras ay baka makapasok na sila. Para ba itong tunnel na lumilitaw lang pagsapit ng alas-dose at sa oras na iyon papasok ang masamang espiritu? Kayrami pa rin namang masasamang espiritu na naglipana, na karamihan ay nasa kalakalan at nasa pamahalaan, mga tiwaling trapo o traditional politician. 

Hindi ba't ang mga masasamang-loob na trapo ang sila pang nagpapaputok, di lang ng labintador, di lang ng baril, kundi ng mabahong utot ng katiwalian? 

Hindi ba't ang mga tusong kapitalista ay hindi maitaboy ng mga paputok kaya patuloy ang mababang pasahod at salot na kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa?

Hindi ba't ang masamang espiritu ng trapik ay hindi pa rin mawala at patuloy pa rin ang masikip na trapiko sa tuwid na daan tulad ng Edsa? 

Hindi ba't sa kabila ng taun-taong pagpapaputok upang maitaboy umano ang masamang espiritu, talamak pa rin ang korupsyon sa pamahalaan, at di pa rin maibigay ang kahilingan ng mga guro at karaniwang manggagawa sa pagtaas ng kanilang sahod, na di makasabay sa pagtaas ng mga bilihin, gayong kayrami palang savings ng pamahalaan na pawang badyet na hindi ginamit. At kung ginamit man ay hindi nagamit ng tama, tulad ng palagiang paghuhukay sa kalsada, at iiwanang nakatiwangwang?

Ano nga ba ang itinataboy na masamang espiritu ng mga paputok na ito gayong paglipas lang ng ilang oras o araw ay mapapawi na ang usok na ito na nagdudulot ng polusyon? At pagpawi ng mga usok na ito ay nandyan na uli ang masamang espiritu? Balewala rin.

Ang dapat nating gawin, kababayan, imbis na gastusin sa pambili ng paputok ang iyong perang pinaghirapan, aba'y ipambili mo na lang ng pagkain. Imbes salubungin sa paputok ang bagong taon, aba'y mag-ingay na lang tayo at kalampagin ang kaldero (mas malakas na pagkalampag na higit pa sa pagkalampag ng nagugutom na preso sa bilibid). Hindi ba't maitataboy din ng mga ingay ang masasamang espiritu para di sila makapasok sa bagong taon at maiwan na sila sa lumang taon? Dagdag pa rito, naglipana sa kalye ang nagbebenta ng watusi, at nabebentahan nito ay ang mga kabataang wala pang sampung taong gulang. Pinapayagan ba ito ng pamahalaan? May balita nga na may batang nakalunok ng watusi. Maaari ring magdulot ng sunog ang watusi.

Huwag na nating tangkilikin ang mga paputok. Huwag na tayong bumili ng pampaingay lang na maaari pang makadisgrasya. Palitan na rin natin ang dahilan ng pagsalubong sa bagong taon, di ang pagtataboy sa masamang espiritu o kamalasan.

Sinasalubong natin ang bagong taon dahil nais natin ng mas masagana, mas maunlad, at mas mabuting taon para sa ating pamilya.

Huwag ring magpaputok ng baril dahil baka makapatay ng mga inosenteng bata o karaniwang mamamayan.

Dapat magtulung-tulong ang mamamayan sa bawat barangay, at huwag iasa lagi sa kapulisan o sa pamahalaan, na mapigilan ang sinumang nais magpaputok ng baril. Dapat kilalanin kung sino ang may baril sa inyong barangay upang malaman kung sino ang maaaring nagpaputok ng baril na naging dahilan ng kamatayan ng isang bata.

Kung nais makakita ng mga nagliliwanag na paputok lalo na sa himpapawid, iwan na lang natin ito sa mga eksperto sa paputok, hindi sa mga bata. Magtukoy na lang ng isang lugar kung saan magpapaputok at panoorin ang mga eksperto sa kanilang firecracker o firework displays.

Sa pinakabuod, kababayan, ito ang aking munting hiling. Palitan na natin ang paniniwala tungkol sa pagtataboy ng masamang espiritu kaya sinasalubong ng paputok ang bagong taon. Maaari pa namang mabago ang mga maling kaugalian o kultura.

Kung noon, uso ang pananakit sa bata upang madisiplina sila, tulad ng sinasabi ni Padre Damaso sa Noli Me Tangere, ngayon po ay bawal na iyon, lalo na sa usaping karapatan ng mga bata, na nakasaad sa Convention on the Rights of the Child.

Kung noon ay hindi pinaboboto ang kababaihan, ngayon po ay nakakaboto na ang kababaihan nang maipanalo ng mga kababaihan ang universal suffrage, na karapatang bumoto at oportunidad na makaboto nang walang pinipiling kulay ng balat, paniniwala, yaman, kasarian, o kalagayan sa lipunan.

Ganito rin sa pagsalubong sa bagong taon. Baguhin na natin ang kinaugalian. Ipagbawal na ang mga paputok, upang wala nang madisgrasyang mga bata, upang wala nang maputulan ng daliri, upang di na nag-aabang ng mga naputukan ng daliri sa mga ospital, upang makapagpahinga at makasama ng mga doktor at nars ang kanilang pamilya sa bagong taon.

Maging mapagmasid tayo, at tiyaking hindi makapagpapaputok ng baril ang sinumang may baril, lisensyado man o wala. 

Ang paputok ay nakasasama sa kalusugan, di pa dahil sa naputulan ng daliri, kundi dahil ito'y toxic o nakalalason. Kaya nga ang EcoWaste Coalition ay taun-taon na may kampanyang Iwas Paputoxic dahil nakasasama umano ito sa kalusugan, at maaari pang makapagdulot ng sunog at kalat sa maraming lugar.

Ang pagpapaputok ng baril sa ere upang sabayan lang ang ingay ng bagong taon ay dapat nang matigil. Dapat patindihin pa ng kapulisan ang pagtukoy kung sino ang may mga loose firearms o yaong naglipanang baril na walang lisensya. At dapat mismong mga may tsapang may baril ay tiyaking di sila magpapaputok ng baril sa bagong taon.

Inaakala ng mga batang walang muwang na natural lang ang pagpapaputok ng labintador sa pagsalubong sa bagong taon. Pag naputulan na sila ng daliri, saka lang sila magsisisi. Malaki na ang nawalang oportunidad sa kanila. Kung nais nilang magpulis o magsundalo, o kaya'y magpiloto ng eroplano, baka yaong kulang sa daliri ay hindi rin matanggap. Magkano ang sinusunog nilang perang imbis na ipambili ng pagkain ay ipambibili ng paputok, at kapag naputukan ay ipambibili ng gamot. Hindi naman libre ang gamot sa naputukan, dahil pag nasugatan ka, ikaw pa rin ang gagastos. 

Sasagutin ba ng mga manufacturer ng paputok ang pampagamot at pambili ng gamot ng mga naputukan? Hindi! Pero limpak-limpak na tubo ang kanilang kinikita sa nakamamatay nilang produkto! Wala silang pakialam sa iyo! Pakialam lang nila ay bilhin mo ang kanilang produkto para sila kumita, lumaki ang tubo, at lalong yumaman. Samantalang ikaw, pag nasugatan sa paputok, nganga.

Basahin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 7183, o "An Act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers and other pyrotechnic devices" at baka sakaling makatulong ito sa atin, lalo na sa kampanya laban sa paputok. Makikita ito sa http://www.chanrobles.com/republicactno7183.htm.

Basahin rin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 10591 o ang “Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations thereof” na isinabatas noong ika-29 ng Mayo 2013. Makikita ito sa http://laws.chanrobles.com/republicacts/106_republicacts.php?id=10246.

Kababayan, halina't ingatan natin ang ating mga anak, ang ating pamilya, ang ating kapwa. Panahon nang simulan natin sa ating mga sarili ang pag-iwas sa paputok, at pagbabago ng kulturang nakakadisgrasya sa maraming kabataan.

Kung hindi natin ito sisimulan ngayon, ilan pang bata ang mawawalan ng daliri sa pag-aakalang sa pagpapaputok dapat simulan ang pagsalubong sa bagong taon? Ilan pang tao ang mamamatay sa tama ng ligaw na bala dahil sa mga siraulong nais kalabitin ang gatilyo ng baril kasabay ng ingay ng mga paputok?

Anong klaseng kultura ang ipababaon natin sa mga susunod na salinlahi kung patuloy ang ganitong pagpapaputok? Ikaw, ano ang mga panukala mo upang maiwasan na ang mga napipinsala ng paputok at namamatay sa tama ng ligaw na bala? Di sapat ang salitang "sana", dapat may gawin tayong tama. Panahon na upang baguhin natin ang ganitong sistema!

Nawa, kababayan, ay may makinig sa munting mensaheng ito. Maraming salamat sa iyong matiyagang pagbabasa.

Mabuhay ka!

Lubos na gumagalang,

Gregorio V. Bituin Jr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento