Martes, Enero 21, 2014

Ang awiting "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park

ANG AWITING "DAKILANG GURO: TEODORO ASEDILLO" SA CONCERT AT THE PARK
 ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makabagbag-damdamin ang pag-awit ng tulang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park noong Enero 19, 2014.

Ang tulang iyon ay hiniling ng ka-facebook kong si Joel Costa Malabanan matapos kong i-upload sa facebook ang ilang litrato hinggil sa pagdalaw ko at ng aking mga kasamahan sa bahay ni Lola Rosa, ang bunsong anak ni bayaning si Teodoro Asedillo noong Enero 5, 2014. Isa si Ka Joel sa nakabasa ng aking artikulong "Teodoro Asedillo: Dakilang Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa aking blog. Ang artikulong iyon, na sinulat ko noong 2006 ay nalathala na sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006 at sa magasing Ang Masa noong Marso 2012.

Nang hinilingan ako ng tula hinggil kay Asedillo upang lapatan niya ng musika, agad ko iyong pinaunlakan. Ilang araw din bago ko iyon nagawa. At nang sa palagay ko'y maayos na ang tula ay agad kong ipinadala sa kanya.

Narito ang aking tula:

TEODORO ASEDILLO, DAKILANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kabutihang asal ang pinatimo
nasa wikang taal ang tinuturo
magagandang diwa'y ipinapayo
sa mag-aaral ay mabuting guro

ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
wikang Ingles ang pilit nilalatag
gurong si Asedillo'y di pumayag
sa harap ng Kano'y naging matatag

bakit wikang dayo ang gagamitin?
at ang sariling wika'y aalisin?
banyaga na ba ang dapat tanghalin?
wikang sarili ba'y wikang alipin?

edukasyon noon pa'y pinaglaban
na ito'y dapat umangkop sa bayan
ngunit si Asedillo pa'y nawalan
ng trabaho kahit nasa katwiran

kawalang katarungan ang nangyari
ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
di sa eskwela kundi sa marami
inalay ang buhay sa masang api

o, Asedillo, dakila kang guro
halimbawa mo'y nasa aming puso
bayani kang tunay sa ating pulo
at liwanag ka sa maraming dako


May ilang dinagdag si Ka Joel upang lumapat sa tono. Gayunman, halos 95% naman, ayon sa kanya, ang nanatili. Narito ang buong liriko ng awit:

DAKILANG GURO : TEODORO ASEDILLO,
Titik ni ni Gregorio V. Bituin Jr. (11 pantig bawat taludtod)
Musika ni Joel Costa Malabanan

Intro: D – A –Bm – G – (2x)

Kabutihang asal ang pinunla mo
At wikang taal ang itinuturo
Makabayang diwa'y ipinapayo
Sa mag-aaral ay mabuting guro

Ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
Wikang Ingles ang pilit nilalatag
Gurong si Asedillo'y di pumayag
Sa harap ng dayo'y naging matatag

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin /
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Edukasyon noon pa'y pinaglaban
Na ito'y dapat umangkop sa bayan
Ngunit si Asedillo’y tinanggalan
Ng trabaho kahit nasa katwiran

Kawalang katarungan ang nangyari
Ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
Di sa eskwela kundi sa marami
Inalay ang buhay sa masang api

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

O, Asedillo, dakila kang guro
Halimbawa mo'y nasa aming puso
Bayani kang tunay sa ating pulo
At liwanag ka sa maraming dako

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Ang ating bayan ay ating gisingin
At ating isipan ay palayain!
Gurong Dakila ngayo’y kilalanin
Si Asedillo ay alalahanin!


Magsisimula na ang palatuntunan nang ako'y dumating. Pinatayo kaagad kami upang awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Nasa bandang gitna lamang ako upang kita ko ang buo, habang ang ibang may pyesa ring aawitin ay nasa bandang unahan. Naka-LCD projector ang mga liriko ng awit upang masundan ng mga tao.

May namimigay ng papel hinggil sa programa ng gabing iyon, at dahil malayo ako sa namimigay ng papel ay ako na mismo ang lumapit sa kanya at humingi. Naisip ko na hindi maaaring wala ako ng palatuntunang iyon, dahil isa iyong ebidensyang maaari kong ipagmalaki na minsan man sa buhay ko ay inawit ang isa kong tula sa Concert at the Park.

Ito ang nakasulat sa palatuntunang ipinamigay sa mga dumalo roon:

Concert at the Park presents "MAESTRO"
Tampok sina Joel Costa Malabanan at Ferdinand Pisigan Jarin, mga gurong musikero
Ika-6:00 ng gabi, Linggo, 19 Enero 2014
Open Air Auditorium, Rizal Park, Maynila

Ang Maestro ay binubuo ng dalawang gurong musikerong sina Ferdinand Pisigan Jarin at Joel Costa Malabanan. Kapwa sila propesor ng Kagawaran ng Filipino sa Philippine Normal University. Nabuo ang Maestro noong ika-1 ng Pebrero, 2012 at nakapagtanghal na sa mga konsyerto sa iba't ibang pamantasan gaya ng UST, DLSU Taft at sa PNU. Huling nagtanghal ang MAESTRO sa Paco Park Presents noong Nobyembre 15, 2013.

Si Ferdinand Pisigan Jarin ay naging script-contributor ng pambatang-programang Batibot at tatlong ulit nang nagawaran ng Don Carlos Palanca Award for Literature para sa dulang may isang yugtong "Sardinas" noong 2001, sanaysay na "Anim na Sabado ng Beyblade" noong 2005 at sa sanaysay na "D 'Pol Pisigan Band" noong 2010. Si Joel Costa Malabanan naman ay nagwagi sa mga textula tulad ng DALITEXT AT DIONATEXT at Tulaan sa Facebook. Noong 2010 ay nagkamit siya ng karangalang banggit sa Talaang Ginto.

Ang musika ng MAESTRO ay sumasalamin sa kanilang mga karanasan bilang mga guro at sa kanilang mga pananaw hinggil sa mga isyung panlipunan. Nasa anyo ito ng folk, reggae at rock subalit higit na dapat pagtuunan ang mensahe ng kanilang mga awit. Para sa pagtatanghal, makakasama nila si Nico Evangelista sa lead guitar at si Aji Adiano sa persecussion.

PROGRAMA

Julian Felipe - PAMBANSANG AWIT

Joel Costa Malabanan - A KINSE
Ferdinand Pisigan Jarin - DIYARYO
Joel Costa Malabanan - PAG HINDI NA PUMAPATAK ANG ULAN
Ferdinand Pisigan Jarin - LANGIT
Joel Costa Malabanan - AWIT KAY MACARIO SAKAY
Ferdinand Pisigan Jarin - MALAMANG
G. Bituin Jr. / J. C. Malabanan - DAKILANG GURO: Teodoro Asedillo
Ferdinand Pisigan Jarin - TULOY, TULOY, TULOY
M. Coroza / J. C. Malabanan - SA GABI NG KASALA
Ferdinand Pisigan Jarin - SUKATAN
B. Basas / F. Pisigan Jarin - PAGLIKHA NG BAGONG DAIGDIG
Joel Costa Malabanan - SPEAK IN ENGLISH ZONE
Joel Costa Malabanan - NAPAGTRIPAN LANG
G. R. Cruz / F. Pisigan Jarin - KAPAG UMIBIG KA
Joel Costa Malabanan - SIYAM-SIYAM

Concert at the Park, isang proyektong pangkultura ng Department of Tourism, Sec. Ramon R. Jimenez, Jr.

at ng
National Parks Development Committee
Elizabeth H. Espino
Punong Tagapagpaganap

Rhea J. Dela Ostia, taga-ulat


Matapos ang palatuntunan ay kinamayan ko si Ka Joel Costa Malabanan. Naroon din ang kaibigang Benjo Basas, pangulo ng Teachers Dignity Coalition (TDC), na hiniraman ko ng isangdaang piso para makabili ng CD, dahil pamasahe lang ang meron ako ng mga panahong iyon. HIndi ako nakabili ng CD dahil wala pa pala roon ang awit kay Asedillo, at hindi pa raw niya nairerekord. Sa Enero 21, 2014 kasi ay ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa, ang anak na babae ng bayaning Teodoro Asedillo, na plano naming puntahan ng aking mga kasama.

Gayunman, wala mang CD, isang malaking kagalakan na ang isa kong tula ay ginawang awitin at inawit mismo sa Concert at the Park sa Luneta noong Enero 19, 2014.

Maraming salamat. Mabuhay ka, Ka Joel Costa Malabanan, at nawa'y magpatuloy ka pa sa iyong magagandang layunin para sa sambayanan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento