TALA, TELA, TILA, TOLA, TULA
tala - kahulugan ay bituin at lista
itala mo sa kwaderno ang iyong ruta
isinulat ko ang nasa aking memorya
na baka sa kasaysayan ay mahalaga
tela - ito ang anumang hinabing hibla
ng mahimaymay na bagay tulad ng seda
tinatahi tulad ng t-shirt, polo't saya
na isinusuot pananggalang ng masa
tila - pagtigil ng ambon, ulan o bagyo
o singkahulugan ng mistula, animo
tila ba ako'y matikas na kabalyero
sa isang himagsikang dapat ipanalo
tola - ito pala'y nahihinggil sa butlig
na sa mga bata'y namumuo sa bibig
pag-unat din sa nakabaluktot na bisig
salitang ugat din ng tinola kung ibig
tula - madalas gawin ng abang makata
na sa araw at gabi ay katha ng katha
nginunguya ang samutsaring isyu't paksa
ng anuman, lipunan, kalikasan, dukha
- gregoriovbituinjr.
02.06.2025
* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.11
* kahulugan ng tola - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1265
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento