Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang "Enkantado" ni Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan.

Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay "Engkantado" na may g.

Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula.

Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na inilathala naman ng San Anselmo Press nitong 2022. Naglalaman iyon ng 112 tula. Nasulat ko na sa isa pang artikulo na nabawasan ng labingsiyam na tula ang edisyong ito ng aklat.

Si Huseng Batute ay batikan na sa pagsusulat ng tulang may sukat at tugma. Subalit sa pagsusuri sa nasabing tula, kapuna-puna na nawala ang isang taludtod sa dalawang aklat na nilathala ng editor na si Virgilio Almario. Kaya mapapansing pito ang taludtod sa unang saknong habang walong taludtod naman sa ikalawa hanggang ikalimang saknong.

Nakita natin ang nawawalang isang taludtod sa magasing Liwayway sa isyung Nobyembre 2024. Kaya sumakto nang tigwawalong taludtod ang limang saknong. Ang unang dalawang taludtod ay tigaanim na pantig habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tiglalabindalawahing pantig.

Sa orihinal ay walang bilang ng taludtod na naka-Roman numeral, habang sa Liwayway ay mayroon. Dagdag pa, mukhang naghalo ang nawawalang taludtod sa isa pa, na nasa unang saknong. Sa aklat ni Almario ay ganito:

May mga pakpak pa't nangagkikisapan

Habang sa muling inilathala ng Liwayway:

May mga pakpak pa't nangagsasayawan,
May tungkod na gintong nangagkikisapan

Bakit kaya nakaligtaan ni Ginoong Almario na sipiin ang taludtod na nawawala? O iyon ay dahil sa pagkapagod at pagmamadali? 1984 pa iyon unang nalathala. At naulit muli iyon sa ikalawang edisyon ng aklat nitong 2022. Sana'y maitama na ito sa ikatlong edisyon.

Gayunman, maraming salamat sa Liwayway at natagpuan ang nawawalang taludtod.

Dagdag pa, ang salitang "nangagkikisapan" sa unang edisyon at sa Liwayway ay naging "nangagkikislapan" sa ikalawang edisyon ng aklat. Iba ang kisap sa kislap. Alin ang tama, o alin ang ginamit ni de Jesus?

Isa pa, ang salitang "tiktik" sa ikatlong saknong, ikaapat na taludtod, sa dalawang aklat ni Almario, ay "titik" naman ang nakasulat sa muling lathala ng Liwayway. Batid natin iba ang "tiktik" na maaaring mangahulugang uri ng ibon na ang huni umano'y nagbabadyang may aswang sa paligid, o pagkaubos hanggang sa huling patak, o kaya'y espiya (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, 1253). Ang "titik" naman ay letra. Alin ang ginamit ni de Jesus?

Maliit na isyu na lamang ang mga typo error, kung meron nga. Tulad ng salitang "nar'on" sa ikalimang saknong, ikaapat na taludtod sa dalawang aklat ni Almario, ay naging "naron" sa Liwayway. Pati ang salitang "k'weba" sa aklat ni Almario ay naging kueba sa Liwayway sa gayong saknong din. Typo error ba kaya iwinasto ni Almario? At pinanatili ba ng Liwayway kung paano iyon nalathala noon, o kung paano isinulat ni de Jesus?

Halina't basahin natin ang buong tula, habang ang nasa panaklong ang nawawalang taludtod, na natagpuan natin sa Liwayway:

ENGKANTADO
ni Jose Corazon de Jesus

Ang plautang kristal
Ay aking hinipan
At ang mga ada ay nangaglapitan
May mga pakpak pa't (nangagsasayawan,
May tungkod na gintong) nangagkikisapan;
Sa adang dumating sa aking harapan,
Na nagsisipanggaling sa kung saan-saan,
Ang di ko nakita'y tanging ikaw lamang!

Ang nakar kong singsing
Ay aking sinaling
At ang mga nimpa ay nangagsirating,
May mga koronang liryo, rosa't hasmin,
Sapot ng gagamba ang damit na angkin.
Sa nimpang dumalo't bumati sa akin,
Tanging ikaw lamang ang di ko napansin,
Diwatang nagtago sa aking paningin.

Sa lungkot ko'y agad
Na kita'y hinanap!
Sandalyas kong gintong sa dulo'y may pakpak
At isinuot ko nang ako'y ilipad...
Aking kinabayo ang hanging habagat
At ginawang tiktik ang lintik at kidlat.
Natawid ko naman ang lawak ng dagat
At aking narating ang pusod ng gubat.

Ang espadang apoy
Ay tangan ko noon:
At tinataga ko ang buong maghapon,
At hinahawi ko ang bagyo't daluyong.
Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,
Biniyak ang langit, di ka rin natunton.
Wala kahit saan, saanman magtanong,
Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

Subalit sa isang
Madilim na kueba
Ng bruha't demonyong nagsasayawan pa,
Nar'on ka, may gapos... Sa apoy, nar'on ka!
Ang singsing ko'y biglang kiniskis pagdaka't
Ang buong impierno sa sangkisapmata
Ay naging palasyong rubi't esmeralda,
Niyakap mo ako at hinagkan kita.

02.05.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento