Lunes, Abril 13, 2026

2 magkasunod na araw ng dalamhati

2 MAGKASUNOD NA ARAW NG DALAMHATI

dalawang magkasunod na araw ng dalamhati
Abril Onse, ikasampung death monthsary ni misis
Abril Dose, pangalwang death anniversary ni Dad
dalawa sa aking pinakamamahal sa buhay

pagluwas ko galing probinsya, trabaho na naman
upang tapusin ang mga agarang kailangan
sadyang ganyan ang buhay, may panahon ng pagluhà,
ng dalamhati, bukas nama'y pagbaka ng dukhâ

kailangang tapusin ang mga isinasalin
bagamat di sapat upang ang sarili'y buhayin
munti man ang kabayaran, sa bulsa'y may papasok din
pagkat araw-araw, dapat may pambiling pagkain

natapos man ang dalawang araw ng paggunitâ
dini sa pusò, sila na'y nakaukit na sadyâ

- gregoriovbituinjr.
04.13.2026

Tumbong

TUMBONG
‎nais nang lumabas / ng tae sa puwet
‎iri na ng iri / nang paulit-ulit
‎sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
‎buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
‎ininom ko agad / ang nakahandang dyus
‎galing ref, malamig, / guminhawang lubos
‎una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
‎sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
‎at maya-maya lang, / agad naglabasan
‎yaong nasa puwet, / anong kainaman
‎guminhawa agad / itong pakiramdam
‎gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
‎ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
‎at di na masakit / itong aking tumbong
‎salamat, salamat / at ito'y humantong
‎sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.13.2026

Linggo, Abril 12, 2026

Gender equality

GENDER EQUALITY
‎galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
‎iba yaong nais kong igiit
‎pantay tayo, anang kwentong bayan
‎nang sabay lumabas sa kawayan
‎karapatan nati'y magkapantay
‎pagkat minulan ay magkasabay
‎noon pa'y may gender equality
‎pantay ang babae at lalaki
‎mulâ sa katutubong alamat
‎ngalan ay Maganda at Malakas
‎tulad ko, katutubò rin sila
‎pagkapantay ay kinikilala
‎salamat sa alamat na ito
‎na pinanghawakan kong totoo
‎para sa pantay na karapatan
‎patungo sa patas na lipunan
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.12.2026
‎* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC

Sa ika-2ng taon ng kamatayan ni Dad

SA IKA-2NG TAON NG KAMATAYAN NI DAD
‎sa ikalawang taon / ng kamatayan ni Dad
‎amin siyang dinalaw / doon sa sementeryo
‎nagnilay at nagdasal, / nami-miss ka namin, Dad
‎kasama'y inang mahal, / kaming mga anak n'yo
‎at ginunita namin / ang inyong kabutihan
‎upang kami'y lumaki / at maging matagumpay
‎sa karera, pamilya't / niyakap na larangan
‎kaybuti n'yo po't kami'y / di hinayaang tunay
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.12.2026

Sabado, Abril 11, 2026

Pagpupugay, Letran Lady Knights!

PAGPUPUGAY, LETRAN LADY KNIGHTS!
‎ako'y taospusong nagpupugay
‎sa Letran Lady Knights sa tagumpay
‎ninyo sa larangan ng volleyball
‎sa NCAA, talagang idol
‎malaking karangalan sa Letran
‎ang ipinakitang katatagan
‎kayâ ang pangsiyam na korona
‎ay pinaghirapan n'yong nakuha
‎Arriba Letran! ang ating sigaw
‎sa arena umaalingawngaw
‎mga Lady Knights, mabuhay kayo!
‎kami sa inyo'y sumasaludo!
‎paghandaan ang sunod na taon
‎back-to-back na titulo ang misyon
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026
‎* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 11, 2026, pahina 12
‎* NCAA - National Collegiate Athletic Association

Sa totoo lang

SA TOTOO LANG
‎ako'y makatang taring na may tungkuling mabuti
‎para sa bayan, hindi sa dinastiya't salbahe
‎hindi ako parang bubuyog na kinukumbinsi
‎ang langaw na mas masarap ang pulot kaysa tae
‎bawat usad ng pluma'y para sa katotohanan
‎ng mga nakikita't nangyayari sa lipunan
‎sinumang salbahe'y hindi ako mapipigilan
‎sa pagkathâ ng mga tulang may silbi sa bayan
ako'y manunulat para sa uring manggagawà
‎adhikain ay sistemang giginhawa ang dukhâ
‎stage 4 na kanser ng lipunan ay lumalalâ
‎iyan ang kanser stage 4 na di mawalâ-walâ
‎mga isyu ng bayan ay arálin ding talaga
‎bakit dukha'y laksâ habang iilan ay sagana
‎ang katotohanang ito'y sa ngalan ng hustisya
‎kayâ kasamang tunay ng mga nakikibaka
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026

Sa ika-10 death monthsary ni misis

‎SA IKA-10 DEATH MONTHSARY NI MISIS
‎di ko maiwasang lumuhà
‎lagi pa ring natutulalâ
‎sampung buwan ka nang nawalâ
‎ang loob ko'y di pa rin handâ
‎O, diwatà kong nililiyag
‎akala ko, ako'y matatag
‎ngunit iwing búhay ay hungkag
‎aandap-andap, nangangarag
‎tuwina'y nasa panaginip
‎ang larawan mo sa pag-idlip
‎pagsintang walang kahulilip
‎ay lalaging kahalukipkip
‎matagal pa bago magsama
‎kitang dalawa, aking sinta
‎tinatapos ko pa'y nobela
‎sa masa, hustisya, pag-asa
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026

Biyernes, Abril 10, 2026

Managot kayong mga kurakot

MANAGOT KAYONG MGA KURAKOT
‎O, kayong mga pulitiko
‎na aming mga ibinoto
‎nagkamali kami sa inyo
‎kung kayo'y kurakot sa pondo
‎ng bayan, bumabâ na kayo
‎sa inyong pwesto sa gobyerno
‎at talagang managot kayo
‎sa ginawâ n'yong krimeng ito
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.10.2026
‎(15th Black Friday Protest ng 2026)

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Tuwing Biyernes

TUWING BIYERNES
‎sadyang di ko kinaliligtaan
‎tuwing Biyernes yaong usapan
‎ang ilunsad ang Black Friday Protest
‎saanman tayo tuwing Biyernes
‎na adhikain ay mapanagot
‎ang mga pulitikong kurakot
‎na sa kulungan sila'y magdusa
‎na ang nag-uudyok ay hustisya
‎hustisya'y lagi nating igiit
‎dahil krimen nila'y anong lupit
‎pondo ng bayan yaong dinambong
‎di lang milyong piso kundi Bilyon
‎giyera'y kailan matatapos?
‎itanong kay Trump, tanong kong kapos
‎giyera'y wakasan, di lang ceasefire
‎kapayapaan na ay ilugar
‎mga paalaalang totoo
‎tuwing Biyernes ay gawin ito
‎Black Friday Protest ay di titigil
‎masa'y makialam na't maningil
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.10.2026
‎(15th Black Friday Protest ng 2026)

Kwentong bayan

KWENTONG BAYAN
‎kayraming kaysarap basahing kwentong bayan
‎tulad ng One Thousand and One Nights, kainaman
‎sa atin, Juan Tamad, Ibalon, Pilandok
‎kwentong katutubò, mulâ patag at bundok
‎ninais kong makapagsulat ng ganito
‎tulâ, pabulâ, dulâ, sanaysay, at kwento
‎batay sa mga katutubò, mandirigmâ,
‎kalinangan, kasaysayan ng ating bansâ
‎sinalaysay ng samutsaring salinlahi
‎mula sa panahong sinauna ng lipi
‎ang sinalaysay ng makatang umiibig
‎at ng mga mandirigmang di nagpalupig
‎ilan iyan sa aking mga nilalayon
‎misyong isinasabuhay noon at ngayon
‎kumathâ ng maraming akdâ yaring pakay
‎at kwentong bayan ay panatilihing buháy
‎- gregoriovbituinjr
‎04.10.2026
‎* larawan mulâ sa larong Word Shatter sa selpon

Huwebes, Abril 9, 2026

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN
‎ang mga bayani ng bayan
‎ay atin pong alalahanin
‎ngayong Araw ng Kagitingan
‎upang kalayaan ay kamtin
‎sa mga bayaning Pilipino 
‎kami'y taospusong nagpupugay
‎pagkat bansa'y pinalaya ninyo
‎mula sa mga imbi't kaaway
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Pagtuntong sa sapatos ng api

PAGTUNTONG SA SAPATOS NG API
‎piniling tumuntong sa sapatos
‎ng api't mga naghihikahos
‎pasya ko iyong walang nag-utos
‎kundi budhi, inatas na lubos
‎kayâ pinili kong maging tibak
gapangin ma'y malalim na lusak
‎at paglingkuran ang hinahamak
‎ng tuso't sistemang mapanyurak
‎oo, ganyan, ganyan yaring búhay
‎na buong pusò ko nang inalay
‎sa pakikibakang tanging pakay
upang dukha'y guminhawang tunay
‎subukan mo, katoto, kumpare
‎tumuntong sa sapatos ng api
‎at huwag maging makasarili
‎ganito ang búhay na may silbi
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)

* litratong kuha ng makatang galâ sa rali noong ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa, 02.25.2026

May umagang parating

MAY UMAGANG PARATING
‎“Even the darkest night will end and the sun will rise.”
~ Victor Hugo, Les Misérables
‎gabi'y gaano man kapusikit
‎danas man ay gaano kapait
‎sistema man ay napakalupit
‎ay may bagong umagang sasapit
‎iyan ang madalas sinasabi
‎ng mga matatandang pineste
‎ng mga banyagang mapang-api
‎kaya pumanglaw ang mga gabi
‎kasaysayan na ang nagtuturò
‎na bayan natin ay mahahangò
‎mulâ kaapihang nakatagpô
‎kung kikilos lang, kahit madugô
‎sina Bonifacio't Dr. Rizal
‎ay inangat natin sa pedestal
‎na ginawa'y ikinararangal
‎ng bansâ, sila'y mga imortal
‎may bagong umaga pang parating
‎kahit sambayanan pa'y nahimbing
‎sa mga kurakot ay nagising
‎kumikilos na ang magigiting
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)

Miyerkules, Abril 8, 2026

Nginatngat na takip ng bote

NGINATNGAT NA TAKIP NG BOTE
‎nakita kong tanggal / ang takip ng bote
‎ng mantikà, at may / ngatngat na ang tapón
‎sino'ng sanhi? bakit / ganyan ay nangyari?
‎nginatngat ng dagâ / kayâ tumilapon?
‎nasarapan kayâ / ang dagâ sa takip
‎ng bote't malasa? / o kaya'y mantikà
‎ang kanyang puntirya? / anong naiisip
‎kundi kagutumang / dapat nang mawalâ?
‎bago bang mantika'y / akin nang bibilhin?
‎baka nalawayan / na ng dagâ ito?
‎subalit walâ pa / ngayong gigisahin
‎wala pang nabiling / isdang ipiprito
‎anong klaseng takip / ng mantikang dapat
‎kong bilhin? o kayâ / itagò talaga
‎upang di ngatngatin / ng dagang nagkalat?
‎o kaya pampatay / ng daga'y bilhin na?

‎- gregoriovbituinjr.
‎04.08.2026

Martes, Abril 7, 2026

Salawahan

SALAWAHAN
‎wala akong silbing makatâ
‎kung pag-ibig ko'y salawahan
‎anong aking magiging mukhâ
‎sa harap ng giliw at tanan
‎ako'y talagang palamara,
taksil, ahas, lilo, at sukab
‎pagkat nangaliwâ sa sinta
‎pag-ibig pala'y di mag-alab
‎di ba't makata'y dapat tapat
‎sa pag-ibig ng kanyang pusò
‎at kung pagsasama'y maluwat
‎tutupad sa kanyang pangakò
‎iyan ang nais kong manaig
‎sa sarili't búhay kong iwí
‎makata'y tapat kung umibig
‎maging búhay man ay mapútí
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.07.2026

HEART at EARTH

HEART AT EARTH
‎pag nirambol ang mga salitâ
‎tulad ng EARTH ay HEART ang katagâ
‎may pusò kang mahalin ang lupà
‎o daigdig nating lumuluhà
‎kayganda ng gayong parikalâ
HEART at EARTH ay magkaisang sadyâ
‎tilà iisa ang nasa diwà
‎tilà iisa ang nasa't diwà
‎tao ang dapat nangangalaga
‎sa natatanging mundo at lupà
‎ang mundo'y sinisirà ng digmâ
‎habang hanap ay mundong payapà
EARTH at HEART, sabay na lumuluhà
‎kung tayong tao'y walang ginawâ
‎upang sistemang bulok mawalâ
‎paano giginháwa ang dukhâ
‎pagkakaisa ng mga bansâ
‎ay dapat nang di mapariwarâ
‎ang mundong ang puso'y lumulubha
‎dahil tayong tao'y nagpabayâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.07.2026
‎* larawan mulâ sa google, titik sa larawan ay gawâ ng makatâ