IBASURA ANG MARAHAS NA BATAS!
bakit ba Anti-Terror Law ay dapat ibasura
dahil na rin sa gagong rehimen, ito'y maskara
manunuligsa'y ituturing nilang terorista
pati kritikal mag-isip na mga aktibista
ito ang rehimeng ayaw ng kara-karapatan
nagpauso ng walang proseso't mga pagpaslang
pangulong nagsabing kung walang baril, ito'y lagyan
at kung nagsusumamo'y sabihing sila'y nanlaban
nakababahala ang uhaw sa dugong pangulo
pandepensa sa sarili niya'y Anti-Terror Law
ang dati ngang tatlong araw sa mabigat na kaso
ay ikukulong ng dalawang linggong walang kaso
walang pakialam sa pagdedesisyon ang korte
kung sino nga ba ang terorista kundi komite
na binuo ng batas, sinong makapagsasabi
kung tama ang pasya, aktibista'y inaatake
batas na ito'y di lang terorista ang puntirya
kundi tutuligsa sa rehimeng bastos talaga
na kultura ng pagpaslang ay pinauso sa masa
ah, ang rehimeng ito ang tunay na terorista
ang pangulo'y di hari, maraming butas ang batas
kitang-kitang karapatang pantao'y dinadahas
sunud-sunuran na lang sa bu-ang ang mga ungas
ah, dapat nang ibasura ang marahas na batas!
- gregoriovbituinjr.
* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad-lakad kung saan-saan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento