Huwebes, Hunyo 12, 2025

Ang huling selfie namin ni misis

ANG HULING SELFIE NAMIN NI MISIS

tanghali ng Hunyo a-nuwebe
nang kami ni misis ay nag-selfie
at nagkakatuwaan pa kami
iyon na pala ang huling selfie

gabi ay nagsusuka na siya
madaling araw, di humihinga
mga doktor ay nabahala na
at sa I.C.U. siya dinala

habang kaming sa kanya'y nagbantay
ay nagsiuwi muna sa bahay
Hunyo a-onse nang tinawagan
ako ng doktor sa kanyang lagay

siya na pala'y sini-C.P.R.
subalit tanghali, nalagutan
siya ng hininga, nawala na
ay, nawala na siyang tuluyan

gunita na lang ang huling selfie
namin noong Hunyo a-nuwebe 
bagamat selfie nami'y kayrami
iyon na ang aming huling selfie

kaytindi na ng pinagdaanan
ni misis dahil sa karamdaman
sabi nga namin, walang iwanan
at di ko pa masabing "paalam"

- gregoriovbituinjr.
06.12.2025

* litratong kuha sa ospital

Miyerkules, Hunyo 11, 2025

Luha ko'y di matutuyo, aking mahal

LUHA KO'Y DI MATUTUYO, AKING MAHAL

Liberty, kayganda ng iyong pangalan
na ang ibig sabihin ay kasarinlan
kalayaan laban sa mga gahaman
at mga mapagsamantala sa bayan

O, Liberty, minamahal kong asawa
sumumpang tayong dalawa'y magsasama
nang habambuhay, bubuo ng pamilya
ngunit ngayon, wala ka na, aking sinta

nasa aking puso't diwa kitang lagi
ang paglalambing mo, anong gandang ngiti
pag-ibig mong sa puso ko'y naghahari
"I love you" ang sa atin ay namutawi

pampitumpung araw natin sa ospital
nang mawala ka, buhay mo'y di nagtagal
tanging pabaon sa iyo'y pagmamahal
habang itong katawan ko'y nangangatal

walang iwanan itong ating panata
ikaw na musa ng panitik ko't diwa 
hanggang dulo, ikaw ang tangi kong mutya
magpahinga ka na, mahal kong diwata

luha ko'y di matutuyo, aking mahal 
ay, di matutuyo, bagkus magtatagal
sa diwa't puso ko ika'y nakakintal
ikaw ang aking buhay at minamahal

- gregoriovbituinjr.
06.11.2025

Martes, Hunyo 10, 2025

CLAYGO - Clean As You Go

CLAYGO - Clean As You Go

magandang panuntuan ang CLAYGO
na kahulugan ay Clean As You Go

una kong nakita sa kantina
ng ospital at nang mabisita
ang napuntahan kong opisina

ganito'y una kong naranasan
bilang obrero sa pagawaan
ilang dekada nang nakaraan

di man nasulat noon ang CLAYGO
disiplina namin ay ganito
waiter kasi noon ay di uso
at di dapat astang senyorito
mag-aayos ng pinagkainan
ay yaong kumain, ikaw mismo

hanggang ngayon, ito'y aking dala
kahit pa saan ako magpunta
di sa restoran, kundi sa erya
ng manggagawa't maralita pa

sa panuntunang ito'y salamat
na sana'y magamit din ng bawat
opisina upang walang kalat
ginamit mo, hugasan mo dapat

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa kantina ng St. Luke's Medical Center, QC, at sa opisina ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Ang payo ni Mang Nilo

ANG PAYO NI MANG NILO

minsan, sa komiks nagmumungkahi
ng ideyang iyong mapupuri
tulad kay Mang Nilo pag sinuri
ang komiks na Bugoy ng may ngiti
nang makabawas sa mga hikbi

pinaksa niya'y riding-in-tandem
na ginamit madalas sa krimen
dalawang tao, pawang salarin
isa, motor ay patatakbuhin
isa pa, target ay babarilin

payo ni Mang Nilo ay pakinggan
ibahin daw ang disenyo naman
ng motor, upuan ay iksian
malaki ang gulong sa hulihan
wala ring kaangkas sa likuran

disenyong pang-isahan talaga
na dinadaan lang sa patawa
subalit nagmumungkahi siya
sino ang makikinig sa kanya?
nang riding-in-tandem, mawala na

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 10, 2025, p.7

Payò ng mga ninunò

PAYÒ NG MGA NINUNÒ

aral ng mga ninunò
sana'y atin pang mahangò
huwag hayaang maglahò
ang kanilang mga payò

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* lahok sa isang patimpalak sa dalit

Lunes, Hunyo 9, 2025

Sa kantina ng ospital

SA KANTINA NG OSPITAL 

pinakapahinga ko ang pagpunta
sa kantina ng ospital, di lamang 
upang gutom na nadama'y pawiin
mula sa tensyonadong kalagayan

karamihan ng pagnilay kong sadya
ay sa isang sulok doon, kakatha
ng nasasaloob, itinutula
habang di pa ubos ang gulay, isda

doon nakakapahinga ang isip
doon kayraming paksang nalilirip
doon tila buhay ko'y nasasagip
doon may samutsaring halukipkip

subalit dapat bumalik ng silid
kung saan naroon ang aking misis
siyang binabantayan ko ng labis
bagamat ayokong luha'y mangilid

daghang salamat sa kantinang iyon
na pahingahan ko laban sa tensyon
sakali, doon lang maglilimayon
at alagatain anuman doon

- gregoriovbituinjr.
06.09.2025

Linggo, Hunyo 8, 2025

Ensayo sa pagtayo

ENSAYO SA PAGTAYO

si misis ay nagpa-praktis
na sa pagtayo bagamat
siya'y inaalalayan
huwag munang apurahin
kaya paunti-unti lang

lalo na't naparalisa
ang kanyang kanang bahagi
ang balikat, braso, siko,
hita, binti hanggang paa
nang siya ay magka-blood clot

sa pagitan ng artery
at vein sa utak, kami nga'y
nasa ospital pa't siya'y
nagpi-physical therapy
occupational therapy

gamutan ay matagal pa
sana'y magpalakas siya
ngunit dahan-dahan muna
asam kong gumaling siya't
makatayo na talaga

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Walang clue ang Fill-in Puzzle

WALANG CLUE ANG FILL-IN PUZZLE

walang anumang pahimaton o clue
sa Fill-in puzzle na sinagutan ko
kaya gagamitan mo ng lohika
paano lalapat ang tamang letra

ng bawat salita sa titikahon
ikaw ang hahanap ng pahimaton
hahanapin ang salitang lalapat
upang sa titikahon ay isulat

nasa listahan ang pipiliin mo
na tamang salitang bubuo rito
tsekan agad ang salitang ginamit
upang di malito't di na maulit

basta clue ay maaga mong mahanap
ito'y masasagutan mo nang ganap
ay, anong gandang libangan ng Fill-in 
ang kalooban mo'y pagagaanin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Sanggol, 1, patay sa napabayaang kandila

SANGGOL, 1, PATAY SA NAPABAYAANG KANDILA

ikalawang beses na raw ito
na nagkasunog at may namatay
na bata dahil napabayaan
ang isang nakasinding kandila

isang taong gulang ang namatay
na iniwan ng mga kapatid
upang sa pistahan ay gumimik
ay, pinabayaan ang kapatid

nakalulungkot ang ganyang ulat
nawa'y wala nang ikatlong ulit
ang nangyari'y nakapagngangalit
na pinabayaan ang kapatid

magulang nila'y nasa trabaho
nang mangyari ang sunog na ito
at kung ako ang tatay ng bata
anong sakit, tiyak na luluha

baka sisihin pa ang sarili
di na maibabalik ang dati
na sa napabayaang kandila
ay buhay ng musmos ang nawala

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Remate, Mayo 26, 2025, p. 3

Pagkain

PAGKAIN

pansin ko, binibigay ni misis sa akin
ang pagkaing laan sa kanya't di kinain
lalo't batid niyang di ako nag-almusal
maya pa kakain sa canteen ng ospital

para sa kanya ang pagkaing ibinigay
di ako kahati roon sa isda't gulay
pagkat iyon ay sapat lang para sa kanya
diet na laan sa maysakit na asawa

kaya nga pag iyon ay hinati pa namin
tila paglakas niya'y pinagkait ko rin
ngunit pag pakiramdam niya'y gutom ako
ako'y hahatian, kaybait ng misis ko

ngunit siya ang kailangang magpalakas
kaya nagpasiya ako't aking nawatas
kakain ako bago pa siya kumain
upang pagkain niya'y kanyang uubusin

o kaya'y bibili na ako sa kantina
ng pagkain ko upang may kasalo siya
ay, ganyan nga ang dapat kong gawin talaga
upang sabay kaming mabusog ng asawa

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Ang nawawalang nailcutter

ANG NAWAWALANG NAILCUTTER 

nawawala ang nailcutter ko
mahaba na ang aking kuko
hinanap ko na sa gamit ko
ngunit di na makita ito

nawawala'y hahagilapin
kung wala talaga, gagawin:
bagong nailcutter na'y bibilhin
sa tindahang kaylayo man din

pilosopiya'y naapuhap
nawala lang ang hinahanap
ang wala'y di na hinagilap
pagkat pagkawala na'y tanggap

bagong nailcutter na'y nagamit
mga kuko ko na'y lumiit
ang hinlalaki, hinliliit
at nasa gitna na'y ginupit

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

Sabado, Hunyo 7, 2025

Usapang keso

Usapang keso

Makasarap ba ang keso?
Sino kanyang binebeso?
Makamasa bang totoo?
O masa'y nagoyo nito?

O baka sara-sarado?
Kasintunog ng Senado?
Sinara ng hepe nito
Ang pinagbilhan ng keso?

O BugBog Man ay Sarado?
Pagkat natunaw ang keso?
Gayong may heart naman ito
Walang puso ba, ikamo?

Paumanhin sa tanong ko
Pagkat bansa'y nagugulo
Makasara daw sa pwesto
Makasarap na raw dito

Marahil duwag ang ulo
Pinuno pa naman ito
Urong bayag, O, bayan ko
Anong gagawin ng tao?

Ah, pababain sa pwesto
Ang di na lingkod ng tao
Na naging ganid sa keso
Este, suwapang sa pwesto

- gbj
06.07.2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN

parang pampalubag loob na lang sa masa
sa ilalim ng kapitalistang sistema
iyang libreng libing para sa mahihirap
na aprub na raw sa Senado, anang ulat

kung kaya naman pala ang libreng libing
para sa mahihirap ay baka kaya rin
nilang magpasa ng batas na para naman
sa libreng paospital ng dukhang maysakit

kung dukha'y may libreng libing kapag namatay
sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay
subalit sa ilalim ng lipunang ito
lahat pinagkakakitaan ng negosyo

pati na ang karapatan sa kalusugan
ay di na karapatan, dapat mong bayaran
at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap
para sa Indigent Funeral Package nila

sino kayang mahirap ang kwalipikado?
yaong buto't balat na't payat na totoo?
yaon bang walang kayod, walang sinusweldo?
na sa barungbarong lang nakatira ito?

bagamat may batas na Cheaper Medicine Act
murang gamot imbes libreng gamot sa dukha
may Free Indigent Hospitalization Act ba?
libreng pagpapaospital na gagaling sila?

walang libre sa kapitalistang sistema
dapat sa karapatan mo sila'y kumita
dapat sa ganitong sistema'y palitan na
at maralita'y magrebolusyon talaga

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Ang nektar pala'y lagdó

ANG NEKTAR PALA'Y LAGDÓ

ang nektar pala'y lagdó sa sariling wika
mula raw sa Waray ang nasabing salita
na sa bulaklak ay matamis na likido
na mga bubuyog ang nagtipong totoo

upang gawing pulot-pukyutang anong tamis
upang lumakas tayo't gumanda ng kutis
kaygandang ambag ng Waray sa panitikan
at sa sariling wika nitong sambayanan 

halina't simulan nang gamitin sa katha
lalo na sa pagsulat ng tula, pabula,
sa kwento, dagli't sanaysay ay pagyamanin
sa pagtaguyod ng sariling wika natin

ang bubuyog ay palipat-lipat ng rosas
upang lagdó roon ay subukang makatas
at ito'y tinitipon upang gawing pulot
na sa kalusugan nati'y kaygandang dulot

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* mula sa AlpabeTuklas! ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Ibang pagkatao'y huwag hanapin sa akin

IBANG PAGKATAO'Y HUWAG HANAPIN SA AKIN

pag inisip mong maging negosyante ako
o ang maging kapitalista sa obrero 
o sa isang kumpanya ay maging C.E.O
ay baka ibang tao ang hinahanap mo

pag hiniling mong lagi akong nakabarong
o nakapolo, o mukhang disente roon
pumuti pa't kuminis ang balat ko ngayon
ay baka ibang tao ang hanap mong iyon

mapapalitan ko ba ang anyo't sarili
dahil iyon ang kanilang gusto't sinabi
baka ibang tao ang hanap nila dini
kung sino ako ay di ko maiwawaksi

tunay namang bawat isa'y dapat umunlad
subalit kapitalista'y di ko katulad
pag nagnegosyo ba'y tanda na ng pag-unlad?
habang karapata'y niyurakan nang lantad?

ibang tao'y huwag mong hanapin sa akin
di ko mababago ang katauhang angkin
kung ibang pagkatao'y aking gagayahin
aba'y di ako iyon ang dapat isipin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* CEO - Chief Executive Officer

Katapatan

KATAPATAN

katapatan sa rebolusyon at pag-ibig
panata iyan ng makatang tumitindig
sa prinsipyong patas, sa dukha'y kapitbisig 
kahit pa siya'y isang tuka, sampung kahig

tapat ang makatâ sa larangang pinasok
rebolusyon man o pag-aasawa'y tumbok
makata'y tapat kahit kanyang ikalugmok
nakikipaghamok ma't laksa ang pagsubok

abang makata'y aayaw magsalawahan
sumandali nating hibik niya'y pakinggan:
"iyan na ang buhay ko hanggang kamatayan"
"makata'y kikilos ng buong katapatan"

ganyan natin tingnan ang buhay ng makatâ 
ganyan hahangaan ng nagbabasang madlâ
katapatan niyang di maipagkailâ
lalo't sa bandila't altar siya'y sumumpâ

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* litratong kuha sa isang pagpupulong ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba) ilang taon na ang nakararaan

Biyernes, Hunyo 6, 2025

Ang payo ni Inay

ANG PAYO NI INAY

tanda ko pa ang sinabi ni Inay noon
huwag mong basta pahihiramin ng payong
ang taong kilala ka lang pag umuulan
bagay na di ko pa noon maunawaan

tulad ngayong tag-ulan o kaytinding sigwa
sa pagsaklolo, ako kaya'y nakahanda
aba'y dapat may sarili rin silang payong
mawawalan ako pag pinahiram iyon

subalit payo niya'y naunawaan ko
pag binaha ka, sinong tutulong sa iyo
katotong tunay man ay kayhirap mahanap
katotohanan itong marahil kaysaklap

payo rin niya'y matutong magpasalamat
munti man ang tulong sa problemang kaybigat
pag nabigyang lunas, ang puso mo'y palagay
tulungan din ang nangangailangang tunay

maraming salamat sa sinumang nag-ambag
ng tulong sa asawa kong nasa ospital
ang payong ninyo'y pinahiram sa tulad ko
na nasa unos ng buhay, kaytinding bagyo

salamat, payong na ito ay ibabalik
upang magamit ng sinumang humihibik 
ng tulong sa panahong kinakailangan
iyan ang pangako ng makatâ ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* litrato mula sa google

Nilay ng tibak na Spartan

NILAY NG TIBAK NA SPARTAN

kahit nadarama ang panghihina
ay malakas pa rin, di nanlalata
kunwari ay walang nararamdaman
kahit na nanghihina ang katawan

ano nga kaya ang nasasadiwa 
ng tibak na Spartan at makatâ 
di raw nanghihina, laging palaban
at mandirigma sa larangang tangan

subalit dapat din namang isipin
kaligtasan at kalusugan natin
mula ulo, katawan, hanggang paa
huwag ipagkaila ang nadama

pag ulo'y masakit o nahihilo
sa isang tabi'y uupo lang ako
nagpapahinga, iinom ng gamot 
upang lumakas, upang di manlambot

pagkat di dapat makita ng madla
na tulad kong tibak ay nanghihina
agad nang gagamutin ang sarili
kaya sa iba'y di na nagsasabi 

sakaling mata'y bigla lang pumikit
mamamatay akong di mababatid
subalit tula ko'y di mamamatay
balang araw, babasahin ding tunay

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

Dalawang aklat ng glosari

DALAWANG AKLAT NG GLOSARI

dinaluhan ko minsan sa UP
ang isang forum sa pagsasalin
doon ay akin namang nabili
ang dalawang aklat ng glosari

muling nabuhay yaong mithiin
kong mag-ambag sa sariling wika
mga librong ito'y babasahin
upang kaalama'y palaguin

iambag sa pagkwento't pagtula
ang mga salita kong nalaman
lumawak ang kabatira't diwa
sa glosari ng mga salita

na hinggil sa pagpaplanong urban
at rehiyonal, sa paggawa ng
damit, kaygandang maunawaan
ng tulad kong makata ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* nabili ang 2 aklat sa forum ng Kasalin Network, sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Mayo 27, 2025

Bituin

BITUIN

inaaral ko rin ang nasa kalangitan
tumitingala sa langit paminsan-minsan
pagmamasdan ang mga bituin at buwan
habang sikat na tula'y bibigkasin naman:
"Buwan, Buwan, hulugan mo ako ng sundang!"

naisip ko ring ganitong tula'y dagdagan
habang astronomiya'y pinag-aaralan
"O, Bituin, apelyido ng aming angkan
bawat kutitap mo'y ningning sa kalangitan
ako kaya'y apo mo na sa talampakan?"

hiingi ko'y paumanhin, mga mambabasa
miinsan, sa seryosong paksa'y nagpapatawa
bituin, Balatas o Milky Way,  kometa
buwan, bulalakaw, Venus, astronomiya 
na nais aralin at itula talaga

sa karimlan mo matatanaw ang bituin 
nagniningning sa pagsapit ng takipsilim
tila ba ito'y pag-asa sa suliranin 
matapos ang unos sa buhay, lilitaw din
na sa kalangitan ay lalambi-lambitin

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Hunyo 5, 2025

Wika't adhika

WIKA'T ADHIKA

aking adhika
bilang makatâ 
sariling wika'y
isulong pa nga

sa kwento, tula,
dagli't pabula
lumang salita
bagong kataga

ang tagubilin
ay paunlarin 
ating gamitin
ang wikang atin

sa bawat kathâ
sa bawat likhâ
sa bawat akdâ
bilang makatâ 

banal na layon
para sa nasyon
pag-unlad niyon 
yakap ko't misyon 

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 4, 2025, pahina 9

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

Paligsahan na ba ang paghuli ng kriminal?

PALIGSAHAN NA BA ANG PAGHULI NG KRIMINAL?

paramihan na raw ng huli
ng kriminal, sa ulat sabi 
ng bagong tinalagang hepe
o namumuno sa PNP

subalit pag ganyan, paano
na ang karapatang pantao?
due process o tamang proseso
ba'y malalagay sa peligro?

paramihan ng huli'y sugal
na paligsahan ang katambal
tulad ng tokhang, ibubuwal
na ba ang darakping kriminal?

tama lamang na sila'y dakpin
dahil nakagawa ng krimen
sila'y ikulong at litisin
hustisya sa biktima'y kamtin

ngunit di iyan paligsahan 
sapagkat di laro ang ganyan 
buhay ang pinag-uusapan
dapat ebidensya'y batayan

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Puwing at langgam

PUWING AT LANGGAM

kasabihan ng ating ninuno:
maliit lang ang nakapupuwing
sa atin ay mahalagang payo
upang di tayo api-apihin

kikilos din tayong parang langgam
gaya'y masipag na manggagawa
kakagatin yaong mapang-uyam
hanggang mata nila'y magsiluha

pag mga aktibistang Spartan
tulad ko'y sama-samang kikilos
ay babaguhin itong lipunan
wawakasan ang pambubusabos

maliit man ang tingin sa atin
kung kikilos tayong sama-sama
parang langgam nating kakagatin
at pupuwingan iyang burgesya

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* litratong kuha ng makatang gala

Martes, Hunyo 3, 2025

Ang pesbuk bilang diary

ANG PESBUK BILANG DIARY

talaarawan o diary na
itong pesbuk ng nasasaisip
dito na nilalagay ang kathang
sanaysay, kwento't tulang naliriip

anumang balita ang nasagap
anumang nangyari sa paligid
anumang paksa ng mahihirap 
o anumang isyu ang nabatid

nababasa ng tanan ang tulang
galing sa puso't may tugma't sukat
kwento't sanaysay para sa madlang
pinaglilingkura't sinusulat

paumanhin po sa mambabasa
kung personal ang laman ng pesbuk
ako nama'y makatâ ng masa
na binabahagi'y ang naarok

pagkat personal ko'y pulitikal
bilang tibak, makatang Spartan
pagkat pulitika ko'y personal 
buhay ay para sa sambayanan 

- gregoriovbituinjr.
06.03.2025

Linggo, Hunyo 1, 2025

Ang Kawasaki at ang pinasukan kong PECCO

ANG KAWASAKI AT ANG PINASUKAN KONG PECCO

Mahigpit akong nakikiisa sa mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nakawelga ngayon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan! Taaskamaong pagpupugay sa inyo! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Malapit sa akin ang mga manggagawa ng Kawasaki dahil tatlong taon din akong pumapasok sa gate ng Kawasaki nang nagtatrabaho pa ako. Nasa loob kasi ng compound ng Kawasaki ang aming pabrika, o nasa loob ang right of way patungong trabaho.

Naging manggagawa ako ng tatlong taon bilang machine operator sa Metal Press Department ng Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Kagagaling ko lang ng training ng anim na buwan sa isang pabrika sa Japan, Hulyo 1988 - Enero 1989. Tinawagan ako ng kumpanya upang magtrabaho sa PECCO at nag-umpisang magtrabaho roon. Edad 20 ako noon.

Bibiyahe ako mula Sampaloc, Maynila, at sasakay ng Pasay Rotonda, at mula roon ay magdi-dyip biyaheng Alabang - Kaliwa. Mula sa dyip ay sa harap ng Kawasaki ako bababa papunta sa aming pabrika kaya hindi iba sa akin ang Kawasaki. Nag-resign ako matapos ang tatlong taon upang mag-aral sa kolehiyo. At sa unibersidad ko na natagpuan ang landas na akin ngayong tinatahak bilang aktibistang Spartan.

Kaya marubdob ang aking pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng Kawasaki bagamat hindi pa ako nakakapunta sa kanilang welga dahil sa pagbabantay kay misis sa ospital dahil siya'y na-stroke. 

Matapos ang anim na buwan ay naging regular na manggagawa ako sa PECCO, 1989, sa taon nang maipasa ang Herrera Law, na dahilan kaya lumaganap ang sistemang kontraktwalisasyon.

Nabatid ko kalaunan na napalitan na ang pangalang PECCO, kaya wala na ang PECCO ngayon.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Kawasaki! Mabuhay ang uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/LukeEspirituPH 

Anag-ag at dapat walang gitling sa ika

ANAG-AG AT DAPAT WALANG GITLING SA IKA

ako'y natigilan sa "Malabong liwanag"
tanong yaon sa Tatlumpu't isa Pahalang
sa krosword nitong Pilipino Star Ngayon
pagkat may tatlong sagot na simula ay "A":
salitang ANINAWANINAG, at ANAG-AG

at ANAG-AG ang lumabas na tamang sagot
subalit sa Dalawampu Pahalang naman
bakit may gitling sa "ika-sampung bahagi"
aba'y nakasanayan na ang gayong mali
habang walang matang sa mali'y nagsusuri

bilang makatâ kaya iyon pinapansin
ang "ika" ay isang panlaping kinakabit
sa salitang ugat kaya idinidikit
ito ng walang gitling, at sa balarila
kung numero na saka lalagyan ng gitling

ang wasto ay ikasampu, di ika-sampu
pag numero, ika-10, di ika10
dapat matuto sa paggamit nitong gitling
lalo sa panlaping" ika", tandaan natin
ang mali punahin, ang wasto pairalin

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 31, 2025, pahina 11

Sa ika-60ng araw namin sa ospital

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

Karaniwan ang ikalawang buwan ay itinatapat natin sa petsa ng araw. Tulad nito, Abril 3 kami ni misis nagtungo sa ospital at naadmit siya roon dahil sa stroke. Sa Hunyo 3 ang ikalawang buwan namin sa ospital. Subalit kung bibilangin sa daliri, ang Hunyo 3 ay ika-62 araw.

Kailan, kung gayon, ang ika-60ng araw, kung ang bawat buwan ay binibilang ng 30 araw, na tila tulad sa bilang ng araw sa pasahod? Bagamat batid nating sa isang taon, pag di leap year, pitong buwan ang may 31 araw, apat na buwan ang may 30 araw, at ang Pebrero ay 28 araw.

Kung ika-62 araw ang Hunyo 3 minus 2, Hunyo 1 ang ika-60ng araw. 

Ginawan ko ng pormula ang bilang ng araw sa Abril. Kasama sa bilang ang Abril 3, kaya hindi Abril 30 minus Abril 3 ang pagbibilang. Kundi dapat Abril 30 minus Abril 2. Subalit hindi kaagad natin maiisip ito kung hindi natin titiyakin sa pagbilang sa daliri. Kaya ginawan ko ito ng pormula na madaling matandaan. Ito ang pormula:

(x - y) + 1 = n

Given:
x = huling araw ng buwan
y = araw ng pagpasok sa ospital

(30 - 3) + 1 = n
27 + 1 = 28 araw

Abril = 28 araw
Mayo = 31 araw
Hunyo = 1 araw

Total = 60 araw

Oo, animnapung araw. Ganyan na kami katagal sa ospital. Animo'y nakatira na kami rito ng halos dalawang buwan. Matagal pa ang gamutan. Araw-araw ang pagtungo ng physical therapist, at ng occupational therapist niya. At wala pang araw ng discharge.

Nito lang nakaraang tatlong araw - Mayo 29, 30, at 31, ay tatlong beses siyang nagpa-ultrasound. Ang dalawa'y sa tiyan, at kagabi'y sa vagina na request ng kanyang obgyne, dahil malakas ang pagdurugo niya o mens.

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

narito pa rin kami sa ospital
animnapung araw, ganyan katagal
hanggang ngayon, ako'y natitigagal
paggaling niya ang lagi kong usal
babayara'y pamahal nang pamahal

sa gabi'y di makatulog, iidlip
lamang dahil antok na'y nahahagip
gayunman, may pag-asang nasisilip
gagaling din siya, huwag mainip
ito ang madalas kong nalilirip

mahalaga'y buhay si misis, buhay!
sa mga doktor at nars, pagpupugay!
sa nag-ambag sa gastusin, mabuhay!
sa nagdasal, sa lahat, taos-pugay!
hindi kayo malilimutang tunay!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025