PAHIMAKAS KAY KA FREDDIE AGUILAR
bata pa lang ako nang marinig ko't mapanood
na nanalo sa internasyunal ang kanyang ANAK
sa Student Canteen yata iyon nang mapakinggan
nang premyadong pyesa'y inawit ni Freddie Aguilar
nineteen eighty eight noong ako'y magtungo sa Japan
bilang iskolar, on-the-job training, anim na buwan
pinadalhan ako ng cassette tape ng aking ama
ng mga kanta ng Boyfriends at ni Freddie Aguilar
nang pinatugtog ko sa pabrikang pinaglingkuran
ay gustong-gusto ng mga Hapon na manggagawa
ang melodiya o himig ng ANAK na narinig
at proud ako bilang Pinoy doon, nakakikilig
nang maglaon, nadagdagan ang liriko ng Anak
inspirasyon itong sa aking pagkatha'y nagtulak
kaya ako'y kanyang tagapakinig na masugid
bukod sa Anak, kayrami niyang kaygandang awit
dapat gawaran ng National Artist si Ka Freddie
ngunit noong nabubuhay pa'y di iyon nangyari
sa puso ng marami, siya na'y national artist
mga awit niya'y maipagmamalaking labis
paalam, Ka Freddie, taaskamaong pagpupugay
mga awit mo'y mananatili, di mamamatay
sa tulad kong makata ay inspirasyon kang tunay
maraming salamat sa mga awit mong kayhusay
- gregoriovbituinjr.
05.29.2025
* litrato mula sa google