ANG KAWASAKI AT ANG PINASUKAN KONG PECCO
Mahigpit akong nakikiisa sa mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nakawelga ngayon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan! Taaskamaong pagpupugay sa inyo! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!
Malapit sa akin ang mga manggagawa ng Kawasaki dahil tatlong taon din akong pumapasok sa gate ng Kawasaki nang nagtatrabaho pa ako. Nasa loob kasi ng compound ng Kawasaki ang aming pabrika, o nasa loob ang right of way patungong trabaho.
Naging manggagawa ako ng tatlong taon bilang machine operator sa Metal Press Department ng Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Kagagaling ko lang ng training ng anim na buwan sa isang pabrika sa Japan, Hulyo 1988 - Enero 1989. Tinawagan ako ng kumpanya upang magtrabaho sa PECCO at nag-umpisang magtrabaho roon. Edad 20 ako noon.
Bibiyahe ako mula Sampaloc, Maynila, at sasakay ng Pasay Rotonda, at mula roon ay magdi-dyip biyaheng Alabang - Kaliwa. Mula sa dyip ay sa harap ng Kawasaki ako bababa papunta sa aming pabrika kaya hindi iba sa akin ang Kawasaki. Nag-resign ako matapos ang tatlong taon upang mag-aral sa kolehiyo. At sa unibersidad ko na natagpuan ang landas na akin ngayong tinatahak bilang aktibistang Spartan.
Kaya marubdob ang aking pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng Kawasaki bagamat hindi pa ako nakakapunta sa kanilang welga dahil sa pagbabantay kay misis sa ospital dahil siya'y na-stroke.
Matapos ang anim na buwan ay naging regular na manggagawa ako sa PECCO, 1989, sa taon nang maipasa ang Herrera Law, na dahilan kaya lumaganap ang sistemang kontraktwalisasyon.
Nabatid ko kalaunan na napalitan na ang pangalang PECCO, kaya wala na ang PECCO ngayon.
Mabuhay ang mga manggagawa ng Kawasaki! Mabuhay ang uring manggagawa!
- gregoriovbituinjr.
06.01.2025
* litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/LukeEspirituPH