Biyernes, Agosto 30, 2019

Tula hinggil sa tagapagpadaloy

TULA HINGGIL SA TAGAPAGPADALOY
ni Greg Bituin Jr.

1
tagapagpadaloy - tulad sa bangka, tagatimon
sa aktibidad upang umayos at naaayon
sa takdang adhika at layuning napapanahon
nang sa mga isyu’t problema'y agad makatugon
2
at siya’y kumikilos din bilang tagasuporta
sa gawain, maiayos ang daloy ng programa
naglalatag din ng tiwala sa nakakasama
nang mapalitaw ang mga malikhaing ideya
3
dapat umiral ang tiwala at pagiging bukas
nang mabuo ang istratehiyang magpapalakas
sa kanila't mayroon ding planong magpapagilas
upang makatugon sa isyu’t problemang namalas
4
impormasyon hinggil sa puntiryang grupo'y malaman
upang likhain ang motibasyon at kamalayan
upang magkaroon din ng kumpiyansa ang tanan
upang tukoy na problema'y mabigyang katugunan
5
may kampanyang motibasyon ang tagapagpadaloy
alamin ang problemang magdadala sa kumunoy
upang malutas na ang isyu’t problemang natukoy
at mga kalahok ay bigyang inspirasyon tuloy
6
mabuhay ang tagapagpadaloy sa papel nila
nang makatugon ang mga kalahok sa problema
mabuhay ang pagbibigay inspirasyon sa masa
nang mabuo ang tiwalang malutas ang problema

* Inihanda ng makata para sa Training of Trainers (ToT) ng programang Building Safe, Sustainable, Resilient Communities (BSSRC) ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Agosto 31, 2019

Sabado, Agosto 17, 2019

Ipagtanggol ang Wikang Filipino

IPAGTANGGOL ANG WIKANG FILIPINO

tuwing buwan ng Agosto
inaalala ng tao
itong wikang Filipino
pagkat wika natin ito

mahalaga ang wika
lalo’t wika nating dukha
dito nagkakaunawa
magkababayan at madla

wikang ito'y ipagtanggol
laban sa maraming ulol
putik nilang kinulapol
sa ating wika'y di ukol

wikang ito raw ay bakya
pagkat salita ng dukha
tayo ba'y kinakawawa
ng gagong astang dakila

wika nati’y ipaglaban
laban sa gago’t haragan
ito ang wika ng bayan
na dapat nating ingatan

sinuman ang maninira
tatawagin itong bakya
sila’y talagang kuhila
taksil sa sariling wika

wikang Filipino’y atin
wikang sarili’y linangin
atin itong paunlarin
at lagi nating gamitin

manggagawa, maralita
pagpalain nyo ang wika
kayong kasangga ng madla
upang umunlad ang bansa

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 16-31, 2019, p. 20

Biyernes, Agosto 16, 2019

Ang unlaping ika___ o ika-___

ANG UNLAPING IKA___ O IKA-___

di lahat ng "ika" ay may gitling kang ilalagay
lalo't numero'y pasalita, di simbolong taglay
tulad ng ikaapat o ng ikapitong tunay
mahirap ang "ika", "ika", di ka dapat sumablay

ikalima, ikaanim o kaya'y ikasampu
ikawalo, ikasiyam,  o ikadalawampu
ngunit may gitling ang ika-4 at ika-10
may gitling ang ika-6 at ika-20

pagkat "ika" ay panlapi, dinurugtong sa bilang
karugtong ng salitang ugat sa bawat pangngalan
pag pulos titik walang gitling, pag numero'y lagyan
ito'y patakaran nang tayo'y magkaunawaan

- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 15, 2019

Ang unlaping taga___ o taga-___

ANG UNLAPING TAGA___ O TAGA-___

di lahat ng "taga" ay dapat gamitan ng gitling
tulad ng tagalaba, tagaluto't tagasaing
unawain anong tama upang di ka maduling
sa pagsusulat man, isulat nang tama't may lambing

lagyan lamang ng gitling kung ang karugtong ay lunan
pag pangngalang pantangi, gitling ay laging tandaan
halimbawa'y taga-Baclaran o taga-Pandacan
subalit walang gitling ang pangngalang karaniwan

ikaw ba'y taga-Maynila o taga-Marinduque
ikaw ba'y taga-Iloilo o taga-Cavite
ikaw ba'y taga-Avenida o taga-Mabini
ikaw ba'y tagawalis, tagalinis, tagabili

tagahanga ba kita sa maaksyon kong palabas
taga-Mindanao ka ba o diyan lang sa Batangas
aba'y gitling ay gamitin natin ng wasto't wagas
upang di malito't yaong binabasa'y mawatas

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

Kuha ang litrato mula sa facebook page ng Stop Kaliwa Dam Network

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, Save Sierra Madre Network Alliance, ALMA DAM, SUKATAN, SAGIBIN, PAKISAMA, ALAKAD, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), CEED, Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Piglas Kababaihan, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Haribon Foundation, atbp.

Miyerkules, Agosto 7, 2019

Kumilos ka, dukha

KUMILOS KA, DUKHA

dukha'y mahirap na nga
ay patunga-tunganga
kumilos ka na, dukha
bago mapariwara

halina't magsibangon
bansang ito'y iahon
ang tikatik na ambon
baka unos paglaon

ang dukha'y naging sawi
dahil sa hari, pari
at elitistang uri
silang kamuhi-muhi

ang pari pag nangusap
mapalad ang mahirap
huwag ka nang magsikap
may langit kang pangarap

kaya may hari dahil
diyus-diyusang sutil
sa lupa kunwa'y anghel
ngunit sa masa'y taksil

kunwa'y may dugong bughaw
silang mga bakulaw
na sa mundong ibabaw
ay naghaharing bangaw

may iba silang mundo
daigdig ng hunyango
pulos pera't maluho
at budhi'y mababaho

burgesyang talusaling
ang sa mundo'y umangkin
mga dukha'y alipin
sa sariling lupain

dahil may panginoon
kayraming panginoon
dapat ibagsak iyon
at bayan ay ibangon

dukha, mag-aklas ka na
ibagsak ang burgesya
tayo'y maghimagsik na
baguhin ang sistema

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 1-15, 2019, p. 20

Sabado, Agosto 3, 2019

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

tag-ulan na naman, di ako agad makauwi
basang-basa sa ulan, tila ako'y ibong sawi
naglutangang dagat ng basura'y nakakadiri
naglalakad sa baha kahit ito'y hanggang binti

tumataas na ang sukat ng dagat sa aplaya
pati matataas na lugar ay binabaha na
dahil ba sa basura, imburnal ay nagbabara?
o ito'y dinulot na ng pagbabago ng klima?

saan na humahapon ang mga langay-langayan?
puno ba sa lungsod ay mawawala nang tuluyan?
agila pa ba'y nakalilipad sa kalawakan?
ang nagbabagong klima ba'y di na makakayanan?

aba'y ngingiti pa kaya ng maganda ang langit?
bakit ba ang panahon ay lagi nang nagsusungit?
anong mga polisiya ang dapat pang igiit?
nang nagbabagong klima'y hinay-hinay sa pagbirit

umuulan na, nais ko nang umuwi ng bahay
sa klimang nagbabago'y paano pa mapalagay?
sa darating na panahon, paano mabubuhay?
kung sa nagbabagong klima'y di tayo makasabay

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019