Martes, Hulyo 30, 2019

Emisyon

EMISYON

mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak
kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak
ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak
kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak

kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala
ang laksang suliranin ng bayang di maunawa
bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa
at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa

itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis
tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis
malulunasan pa ba ito't ating matitistis
upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis

mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon
na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon
suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon
at baka may mapanukala tayong lunas ngayon

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 24, 2019

Nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo
tulad ng agilang hinehele ng bagyo
o rosas sa harap ng sawing paruparo
o boksingerong ang mukha'y bugbog-sarado

nais kong bigkasin sa inyo itong tula
na handog sa bawat kapwang nagdaralita
na nagtitiis, lumalaban, lumuluha
upang kamtin ang karapatan at paglaya

tula'y kinatha upang sa inyo'y mabigkas
maging inspirasyon laban sa pandarahas
upang sumigla kayo'y lalo pang lumakas
tumatag ang paninindigan hanggang wakas

tula lang ang kaya kong ibigay sa inyo
habang iisa tayo tungong pagbabago

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 21, 2019

May pag-asa hangga't may buhay

MAY PAG-ASA HANGGA’T MAY BUHAY

mahirap pala
kung walang pera'y
walang karamay

maysakit ka na'y
balewala pa,
iyong nanilay

tila ba pera'y
magandang lunas
sa iyong lumbay

ganyan madalas
nararanasan
natin sa buhay

kasi'y mahirap
walang salapi
lugmok na tunay

at sabi nila
nagtaka ka pa't
di na nasanay

saan patungo
sa bansang itong
pangit ang lagay

kaya dapat lang
kumilos tayo
nang di mangisay

dapat mag-isip
at tumingala't
magbulay-bulay

bakasakaling
kakaharapin
ay bagong buhay

laging isipin
na may pag-asa
hangga't may buhay

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Hulyo 16-31, 2019, p. 20

Miyerkules, Hulyo 10, 2019

Mga tanaga sa dukha

MGA TANAGA SA DUKHA

K.P.M.L., pag-asa
ng maralitang masa
sistemang sosyalista
ang adhikain nila

nagtataas-kamao
kaming mga obrero
pangarap na totoo:
gobyernong proletaryo

pagkaisahing diwa
sa lipunang malaya
ang uring manggagawa
at masang maralita

maglulupa man ako't
kumikilos ng husto
ang tulad ko'y sinsero
tungo sa pagbabago

tapat akong umibig
mahal, kita'y magniig
ikukulong sa bisig
ang sintang masigasig

layon para sa bayan
ay di suntok sa buwan
hustisyang panlipunan
dapat kamtin ng bayan

sekretaryo-heneral
man ako'y nagpapagal
nawa ako'y tumagal
sa laban, walang angal

iyo bang matatanggap
na tayo'y naghihirap
kahit nagsusumikap
iba'y nagpapasarap

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Hulyo 1-15, 2019, p. 20

Ang pera

noong wala pang pera, sabay kumain sa gabi
nang magkapera, aba'y nagkanya-kanya na kami
sa nangyari ba'y pera ba ang ating nasisisi?
sa ugnayan ng pamilya, pera ba'y anong silbi?

sa kasalukuyan, nag-iba na ang henerasyon
iniba na ba tayo ng teknolohiya't selpon?
subalit gaano nga ba katamis ang kahapon?
upang ating pagkatao'y baguhin ng panahon?

nang wala pang pera, napakabait, anong amo
at nang magkapera'y nag-iba na ang pagkatao
sadya bang ganito, dahil sa pera'y nagbabago?
nagiging mapangmata, nagiging mapang-insulto?

o, pera, ikaw na nagpapaikot ng daigdig
ninanakaw mo sa amin ang alas ng pag-ibig
pagsinta'y naiiba pag sa iyo nakatitig
batas mo ba'y ano't puso't isip ay nabibikig?

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 9, 2019

May liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap

may liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap
kung pagsisikapan ay matutupad ang pangarap
buhay ng maralita'y di laging aandap-andap
sa kalaunan ay makakaalpas din sa hirap

bulok na sistema'y bulok sa kaibuturan nito
naaagnas na't kailangan na ng pagbabago
dukha'y di laging lumpo, kaya rin nating manalo
upang magbago ang sistema'y magkaisa tayo

dinadala lagi tayo ng puhunan sa dilim
para sa tubo, ginagawa'y karima-rimarim
piyesta ang mayayaman, ang mga dukha'y lagim
dapat nating wakasan ang ganitong paninimdim

tandaang sa likod man ng dilim ay may liwanag
na matatanaw, kung sama-sama tayo'y matatag
sistemang bulok ay bugok na itlog na pambulag
na sa sama-samang pagkilos ay kayang mabasag

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 8, 2019

Ang pagbibisikleta


ANG PAGBIBISIKLETA
"Life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving." ~ Albert Einstein

di pwedeng basta magpahinga't matitimbuwang ka
nang di matumba'y itukod agad ang isang paa
maganda nga sa katawan ang pagbibisikleta
titibay ang kalamnan, gulugod, paa't hininga

tulad din ng pagbibisikleta ang iwing buhay
na kilo-kilometro ma'y nadarama ang ngalay
pidal ka ng pidal habang ikaw ay nagninilay
huwag titigil kung ayaw mong basta humandusay

nais kong magbisikleta kung kasama ko'y ikaw
tiyak na sa patutunguhan ay di maliligaw
ambag sa kalikasan, walang polusyong lilitaw
sumabay ka lamang sa indayog ko't bawat galaw

maging disiplinado sa pagtahak sa lansangan
pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan
tayo'y magbisikleta't ganda nito sa katawan
habang taas-noong naglilingkod sa sambayanan

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 5, 2019

Pagpupugay sa ika-45 anibersaryo ng TFDP

PAGPUPUGAY SA IKA-45 ANIBERSARYO NG TFDP

Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo
sa ikaapatnapu't lima n'yong anibersaryo
kayong nagtataguyod ng karapatang pantao
nang mabigyang hustisya ang api sa bansang ito

matapat kayo sa layunin n'yo't inaadhika
bilanggong pulitikal ay nais n'yong mapalaya
nais kamtin ang hustisya sa tinokhang na dukha
nagtuturo ng karapatang pantao sa madla

apatnapu't limang taon na kayo, anong tatag
ang inyong misyon at prinsipyo'y di basta mabuwag
agad n'yong nilalabanan ang anumang paglabag
at kung may naninira man ay di kayo matibag

sa paglabag sa karapatan ay nakatugaygay
sa pang-aapi sa maliliit nakasubaybay
O, TFDP, kami'y taas-noong nagpupugay
sa inyong walang tigil na paglilingkod na tunay

- gregbituinjr.
* tulang alay sa TFDP sa ika-45 anibersaryo nito sa Hulyo 5, 2019