Linggo, Hunyo 23, 2019

Ako'y aktibista, di Adonis ng iyong panagimpan

nais mo bang patayin ang apoy sa aking puso?
gusto mo bang paslangin ang ningas sa aking dugo?
ibig mo bang maging tuod ako't nakatalungko?
nais mo bang agiw lang ang laman ng aking bungo?

sige, ako'y iyong pigilan sa pakikibaka
sige, gawin mo akong robot na walang pandama
sige, pilayan ako sa pagiging aktibista
sige, gawin mo ang gusto't nang ako'y mawala na

nais mong ang aking buong pagkatao'y baguhin
at sa nais mong imahe'y doon ako hubugin
nais mong buong ako'y mabago't diwa kong angkin
di pala ako't ibang tao ang iyong naisin

ako'y ako, aktibista, mandirigmang Spartan
nasa aking puso't diwa'y baguhin ang lipunan
manggagawa't maralita'y kasangga't kasamahan
iyan ako, di Adonis ng iyong panagimpan

- gregbituinjr.

Sabado, Hunyo 22, 2019

Esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman

esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman
kundi nasa pakikibaka't masa'y paglingkuran
di ba't nakasulat sa Kartilya ng Katipunan
"ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag"

di baleng ako'y naghihirap sa pakikibaka
upang kapwa ko dukha'y lumaya sa pagdurusa
ako'y kikilos pa upang baguhin ang sistema
upang maisaayos ang kalikasan at klima
maging bahagi sa paglutas ng mga problema

tangan ang prinsipyo ng aktibistang mandirigma
pagkakaisahin bilang uri ang manggagawa
oorganisahin bilang hukbong mapagpalaya
marami kaming aktibistang ganyan ang adhika

- gregbituinjr.

Biyernes, Hunyo 21, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan at anong mga hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2019, p. 14

Huwebes, Hunyo 6, 2019

Pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho

PAG AKO'Y NAKATUNGANGA, AKO'Y NAGTATRABAHO

pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho
pag nakatitig sa kisame, nagninilay ako
pag nakatingin sa kawalan, kayraming usyoso
at maya-maya lang ay isusulat ko na ito

kinikiskis ko ang utak sa loob ng kisame
naroon sa laot habang nakatitig sa balde
pinipitas ang agiw habang naroon sa katre
nakatitig sa kalangitang akala mo'y kapre

nagtatrabaho ako pag ako'y nakatunganga
sinisipat sa isip ang nangyayari sa madla
habang makina'y pinatatakbo ng manggagawa
habang inaararo naman ang binagyong lupa

sapagkat ako'y isang mangangatha, manunulat
itinititik sa papel, sa diwa sinisipat

- gregbituinjr.

Martes, Hunyo 4, 2019

Katarungan sa mga batang tinokhang!


KATARUNGAN SA MGA BATANG TINOKHANG!
(Tula sa Daigdigang Araw ng mga Inosenteng Batang Biktima ng Agresyon - International Day of Innocent Children Victims of Aggression - Hunyo 4, 2019)

Anong sakit sa kanilang loob bilang magulang
nang anak nilang inosente'y nadamay sa tokhang.
Di maubos-maisip bakit anak ay pinaslang
na edad ay pito, lima, apat na taong gulang...

Ating tandaan ang ngalang Danica Mae Garcia,
Althea Barbon, Michael Diaz, Sonny Espinosa,
Aldrin Castillo, Joshua Cumilang, Francis Mañosca,
Angel Fernandez, Carl Arnaiz, at Jonel Segovia.

Nariyan din yaong pangalang Kian Delos Santos,
Kristine Joy Sailog, Angelito Soriano, Jayross
Brondial, Saniño Butucan, Joshua Cumilang, musmos
pa sila't marami pang batang buhay ay tinapos!

Pumaslang sa kanila'y dapat managot, mausig!
Ginawa sa kanila'y dapat matigil, malupig!
Hustisya sa mga batang ito ang ating tindig.
Panagutin ang maysala, ito'y dapat marinig!

- gregbituinjr.,06/04/2019

Lunes, Hunyo 3, 2019

Tibak na maglulupa

TIBAK NA MAGLULUPA

huwag mong hahanapin sa akin ang ibang tao
tanggapin mo ang pagkatao ko't kung sino ako
huwag mo akong hubugin sa taong pantasya mo
di ako robot, ako'y may sariling pagkaako

bakit nais mo akong magmukhang kapitalista
ako pa'y mag-a-Amerikana't nakakurbata
balat ang sapatos, na mukhang nasa opisina
ibang tao ang hanap mo, di ang aking kagaya

nang ako'y iyong makilala, ako'y maglulupa
at isang organisador ng mga maralita
aktibistang kakampi ng hukbong mapagpalaya
palabang propagandista ng uring manggagawa

kaya huwag mong hanapin ang di ako sa akin
ako'y maglulupang tibak na dapat mong tanggapin
kung ako'y parang ibang taong iyong huhubugin
di ako ang mahal mo, di ako ang iibigin

tanggapin mo ako kung ano ako, isang tibak
isang maglulupang ang kamay ay kayraming lipak
isang dugong Spartan na gumagapang sa lusak
na handang lumaban at mamatay, di pasisindak

- gregbituinjr.

Sabado, Hunyo 1, 2019

Ang nais ko

ANG NAIS KO

nais kong mamatay na sumasagot ng sudoku
tulad ni Archimedes na isang dakilang tao
problema sa aldyebra'y nilulutas na totoo
nang siya'y sinaksak sa likod ng isang sundalo

nais kong mabuhay na totoong nakikibaka
para sa karapatang pantao at sa hustisya
nabubuhay tangan ang prinsipyo para sa masa
at ang dukha't manggagawa ay inoorganisa

nais kong magtanim ng puno at ito'y madilig
nang kalikasan ay nakakahingang may pag-ibig
nais kong magtanim ng prinsipyo't magkapitbisig
kasama ang obrero sa bawat adhika't tindig

nais kong mangolekta ng iba't ibang magasin
upang maging libangan habang nagninilay na rin
nais kong bilhin ang isang maliit na lupain
upang maging libingan nitong katawan kong angkin

- gregbituinjr.

Pag nanalo ang trapo

PAG NANALO ANG TRAPO

kung sinong may mga T.V. ads, silang nagwawagi
at ang kapangyarihan nila'y napananatili
baha man sa iskwater, nilulusong hanggang binti
pag nanalo'y yayain mo roon, hindi nang hindi

pulitiko'y nagiging mabait pag kampanyahan
pulos pangako, akala mo'y pag-asa ng bayan
kung umasta, akala mo'y sila ang kalutasan
sa iba't ibang isyu't problema ng mamamayan

ngunit pag nanalo ang mga tusong kandidato
kaydaling hanapin, kayhirap lapitan ang trapo
imbes na serbisyo, nasa utak lagi'y negosyo
kapara nila'y bangaw sa malaking inidoro

ilampaso na ang mga trapo sa arinola
pag nangyari ito'y tiyak magbubunyi ang masa

- gregbituinjr.