Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa


ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA
Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao.

May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad.

Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019.

Dahil dito, inumpisahan kong isalin ang awiting We Are The World o Tayo ang Daigdig. Naalala ko tuloy ang tula ng sikat na makatang nag-umpisa ng modermismo sa panulaan sa Pilipinas, si Alejandro G. Abadilla. dahil sumikat noon ang kanyang tulang AKO ANG DAIGDIG (sa Ingles ay I Am The World) noong kanyang kapanahunan.

Halina't basahin ang tulang "Ako ang Daigdig" ni AGA.

AKO ANG DAIGDIG

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sa tulang ito sumikat ang pangalan ni Abadilla nang sinulat niya ito noong 1940 na nalathala sa magasing Liwayway, at kasama sa nalathala niyang aklat noong 1955. Noong una'y tinanggihan ng mga kritiko ang nasabing tula dahil hindi ito sumusunod sa tradisyonal na tula na gumagamit ng sukat at tugma. Ayon sa isang lathalain, "Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong 1940. Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955)."

Ang awiting "We Are The World" (na isinalin kong "Tayo ang Daigdig") ay isang awiting nilikha noong Enero 28, 1985 at sama-samang kinanta ng mga kilalang mang-aawit sa Estados Unidos, na karamihan ay itim. Ginawa nila ito bilang tugon sa matinding taggutom sa Africa. Tinawag ng mga mang-aawit ang kanilang sarili na USA for Africa (United Support of Artists for Africa). Ang "We Are The World: The Story Behind the Song" ay isang dokumentaryong tinalakay kung paano isinulat ang kanta, kung paano hinikayat ng prodyuser na si Quincy Jones at mga manunulat na sina Michael Jackson at Lionel Richie ang ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa Amerika na ibigay ang kanilang serbisyo para sa proyekto.

Kasama sa mga nagsiwawit sina Ray Charles, Bruce Springsteen, Tina Turner, Bob Dylan, Stevie Wonder, Billy Joel, Willie Nelson, Paul Simon, Bette Midler, Diana Ross, at marami pa. Umano'y nasa sampung milyong kopya ng awit ang naibenta sa buong mundo.

Kaya nang sabihan ako sa cultural workshop sa karapatang pantao na isalin ang We Are The World ay agad kong tinanggap. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang pinagtiwalaang magsalin nito sa wikang Filipino.

Narito naman ang aking salin ng We Are The World:

TAYO ANG DAIGDIG
ng United Support of Artist for Africa
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Darating ang panahong tutugon tayo sa tiyak na panawagan
Upang ang sangkatauhan ay magsama-sama bilang isa
May mga taong namamatay
At panahon nang akayin sila sa buhay
Na pinakadakilang handog sa lahat.

Hindi tayo maaaring magpanggap araw-araw
Na sinuman, saanman, ay may pagbabagong magaganap
Tayo'y bahagi ng malaking pamilya ni Bathala
At ang katotohanan, alam mo ba
Tanging pag-ibig ang ating kailangan

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Puso mo'y ipadala sa kanila upang batid nilang may nagmamalasakit
At nang buhay nila'y mas lumakas at maging malaya
Tulad ng pinakita ng Diyos sa atin na bato'y ginawang tinapay
kaya tulong nating lahat ay ialay.

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Pag dama mo'y pagkasawi't wala na
Na tila wala nang pag-asa
Ngunit kung maniniwala ka lang
Walang dahilang bumagsak tayo
Kaya nga 
Mababatid nating darating ang pagbabago
Kung sama-sama tayong titindig bilang isa

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Kung si AGA ay may "Ako ang Daigdig" na sikat niyang tula, ang "We Are The World" naman ay sikat na awitin sa buong mundo. Subalit ang bersyon nito sa wikang Filipino ay aawitin pa ng cultural network na nabuo, at sana'y maibidyo ito, mapanood, at maiparinig sa higit na nakararami, dahil sa mensaheng taglay nito. At nawa'y matuloy ang pag-awit nito sa pagkilos sa darating na ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinaghalawan:
https://genius.com/Usa-for-africa-we-are-the-world-lyrics
https://en.wikipedia.org/wiki/We_Are_the_World
https://en.wikipedia.org/wiki/Alejandro_G._Abadilla
https://philippineculturaleducation.com.ph/aklatang-bayan-2/

Lunes, Oktubre 7, 2019

Ang Taliba ng KPML

ANG TALIBA NG KPML

pahayagang Taliba
babasahin ng masa
nilalabanan nila
ang bulok na sistema

isyu't mga balita
hinggil sa maralita
ito'y nilalathala
para sa kapwa dukha

balitang demolisyon
ulat sa relokasyon
dukha'y ibinabangon
upang mag-rebolusyon

kapwa maralita ko
itaguyod ang dyaryo
Taliba'y kakampi nyo
sa samutsaring isyu!

ilathala ang tindig
tayo'y magkapitbisig
mapang-api'y mausig
at sila na'y malupig

dyaryong nanghihikayat
na tayo'y magsiwalat
mahirap ay imulat
laban sa tusong bundat

halina't suportahan
ang ating pahayagan
na adhikaing laman:
baguhin ang lipunan!

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Oktubre 1-15, 2019, p. 20

Miyerkules, Oktubre 2, 2019

Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila

Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila

ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila
zodiac sign ay unggoy, horoscope naman ay Libra
isinilang ng Miyerkules, at leap year din pala
kamatayan ni Marcel Duchamp, magaling magpinta
pinaslang din ang mga estudyanteng nagprotesta

kasabay kong isinilang ay marami rin naman
na tulad ko'y nagsikap din sa kanilang larangan
si Angelo Arvisu na kaklase ko sa Letran
si Benjie Paras, artista't sikat sa basketbulan
mayroon ding kasabay mula ibang bansa naman

isa'y si Glen Wesley, coach sa Boston at Carolina
pati ang Czech tennis player na si Jana Novotna
si Mark Crear, Olympic athlete na mula California
si Jeff Martin na mang-aawit mula sa Canada
at si Victoria Derbyshire ng radyo sa Britanya

nawa tulad nila'y makamit ko rin ang tagumpay
kaya pinagsisikapan ko bawat pagninilay
upang makalikha ng mga tulat't akdang alay
sa sambayanang ninanasa'y pag-asa at buhay
ika nga, ang makata'y isang libo't isang panday

- gregbituinjr.
10.02.2019

Huwebes, Setyembre 19, 2019

Mga makabagong kasabihan

MGA MAKABAGONG KASABIHAN

anumang lakas ng hangin
kaya nating salungatin
di tayo mga alipin
dito sa ating lupain

huwag maging hipong tulog
sa inaanod sa ilog
ilagan ang pambubugbog
nang katawa’y di madurog

anumang kapangyarihan
ay pansamantala lamang
kayang mag-alsa ng bayan
laban sa gagong iilan

sa balut at pansit-luglog
tuhod mo'y di mangangatog
ang sa pansitan natulog
mag-ingat baka mauntog

di tulugan ang pansitan
kaya mag-ingat sa daan
umuwi ka sa tahanan
at maybahay ang sipingan

mandaragit ay lagi nang
nariyan sa kalawakan
animo'y nakamatyag lang
daragitin ka na lamang

ang plakard ma’y namumula
sa dugo ng aktibista
prinsipyo’y tangan pa niya
nang mabago ang sistema

mabuti pang maging tibak
na sa laban sumasabak
kaysa burgesyang pahamak
na bayan ang nililibak

halina't tayo'y magtanim
ng mga punong may lilim
ng rosas na masisimsim
at ugaling maaatim

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Setyembre 16-31, 2019, p. 20

Martes, Setyembre 10, 2019

Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kaburiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 9, 2019

Salamisim sa magdamag

SALAMISIM SA MAGDAMAG

KILAY

mabuti nang walang kilay
kaysa magtaas ang kilay
mabuti nang nabubuhay
ng may dignidad na taglay

PASASALAMAT

nais kong magpasalamat
sa aking ermat at erpat
sa pagsinta nilang sukat
sa tulong at lahat-lahat

mabuhay kayo, tatay, nanay
sa pagsinta ninyong bigay
mga payo ninyong tunay
sa puso't diwa ko'y taglay

HUSTISYA

hustisyang panlipunan
ay laging ipaglaban
may budhing mamamayan
ang ating kailangan

ANG NASA

ang layunin ko, sinta
ay pakamahalin ka
habang nakikibaka
para sa layang nasa

BAYANIHAN SA DYIP

sa dyip, may bayanihan
pasahero'y tulungan
lalo't nag-aabutan
ng bayad at suklian

di man magkakilala
ay bayanihan sila
tulungan bawat isa
sa sukli't bayad nila

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Setyembre 1-15, 2019, p. 20

Biyernes, Setyembre 6, 2019

Maligayang kaarawan po, Inay

isang maalab na pagbati sa mahal kong nanay
sa kanyang kaarawan, taospusong pagpupugay
nawa'y wala kayong sakit, nasa mabuting lagay
nawa'y masaya po kayo't humaba pa ang buhay

sa inyo pong ikapitumpu't tatlong kaarawan
itong pagbati'y makarating sana sa tahanan
wala man akong regalo kundi pagbati lamang
ang asam ko'y makadama kayo ng kagalakan

mahal kong ina, nagpupugay akong taasnoo
dahil pinalaki nyo kaming matatag sa mundo
lalo't higit pitong dekada na ang narating nyo
sa magkakapatid, mahal na mahal namin kayo

inang mahal, maligayang kaarawan po muli
sana'y malusog po kayo't maging masaya lagi

- gregbituinjr.
09/06/2019

Miyerkules, Setyembre 4, 2019

Tula sa kaarawan ng biyenan at ni inay

SA KAARAWAN NG AKING BIYENAN (SETYEMBRE 5, 2019)
AT NG AKING MINAMAHAL NA INA (SETYEMBRE 6, 2019)

mahal na Nanay Sophia, mahal na Nanay Virgie
nawa'y nasa mabuti kayong kalagayan lagi
at paggabay nyo sa mga anak ay manatili

kayo'y aking mga inang tunay na minamahal
pagkat inihahandog nyo'y mga gabay at aral
upang kami'y mapanuto at bumuti ang asal

kami'y inalagaan mula pa sinapupunan
hanggang kami'y isilang at bigyan nyo ng pangalan
hanggang marating ang kasalukuyang katayuan

maligayang kaarawan po sa inyong dalawa
inspirasyon kayo ng mga anak sa tuwina
nawa'y kamtin nyo'y buhay na malusog at masaya

happy birthday, taas-noong pagpupugay sa inyo
kayo ang sanhi bakit kami'y narito sa mundo
muli, maligayang kaarawan! mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 30, 2019

Tula hinggil sa tagapagpadaloy

TULA HINGGIL SA TAGAPAGPADALOY
ni Greg Bituin Jr.

1
tagapagpadaloy - tulad sa bangka, tagatimon
sa aktibidad upang umayos at naaayon
sa takdang adhika at layuning napapanahon
nang sa mga isyu’t problema'y agad makatugon
2
at siya’y kumikilos din bilang tagasuporta
sa gawain, maiayos ang daloy ng programa
naglalatag din ng tiwala sa nakakasama
nang mapalitaw ang mga malikhaing ideya
3
dapat umiral ang tiwala at pagiging bukas
nang mabuo ang istratehiyang magpapalakas
sa kanila't mayroon ding planong magpapagilas
upang makatugon sa isyu’t problemang namalas
4
impormasyon hinggil sa puntiryang grupo'y malaman
upang likhain ang motibasyon at kamalayan
upang magkaroon din ng kumpiyansa ang tanan
upang tukoy na problema'y mabigyang katugunan
5
may kampanyang motibasyon ang tagapagpadaloy
alamin ang problemang magdadala sa kumunoy
upang malutas na ang isyu’t problemang natukoy
at mga kalahok ay bigyang inspirasyon tuloy
6
mabuhay ang tagapagpadaloy sa papel nila
nang makatugon ang mga kalahok sa problema
mabuhay ang pagbibigay inspirasyon sa masa
nang mabuo ang tiwalang malutas ang problema

* Inihanda ng makata para sa Training of Trainers (ToT) ng programang Building Safe, Sustainable, Resilient Communities (BSSRC) ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Agosto 31, 2019

Sabado, Agosto 17, 2019

Ipagtanggol ang Wikang Filipino

IPAGTANGGOL ANG WIKANG FILIPINO

tuwing buwan ng Agosto
inaalala ng tao
itong wikang Filipino
pagkat wika natin ito

mahalaga ang wika
lalo’t wika nating dukha
dito nagkakaunawa
magkababayan at madla

wikang ito'y ipagtanggol
laban sa maraming ulol
putik nilang kinulapol
sa ating wika'y di ukol

wikang ito raw ay bakya
pagkat salita ng dukha
tayo ba'y kinakawawa
ng gagong astang dakila

wika nati’y ipaglaban
laban sa gago’t haragan
ito ang wika ng bayan
na dapat nating ingatan

sinuman ang maninira
tatawagin itong bakya
sila’y talagang kuhila
taksil sa sariling wika

wikang Filipino’y atin
wikang sarili’y linangin
atin itong paunlarin
at lagi nating gamitin

manggagawa, maralita
pagpalain nyo ang wika
kayong kasangga ng madla
upang umunlad ang bansa

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 16-31, 2019, p. 20

Biyernes, Agosto 16, 2019

Ang unlaping ika___ o ika-___

ANG UNLAPING IKA___ O IKA-___

di lahat ng "ika" ay may gitling kang ilalagay
lalo't numero'y pasalita, di simbolong taglay
tulad ng ikaapat o ng ikapitong tunay
mahirap ang "ika", "ika", di ka dapat sumablay

ikalima, ikaanim o kaya'y ikasampu
ikawalo, ikasiyam,  o ikadalawampu
ngunit may gitling ang ika-4 at ika-10
may gitling ang ika-6 at ika-20

pagkat "ika" ay panlapi, dinurugtong sa bilang
karugtong ng salitang ugat sa bawat pangngalan
pag pulos titik walang gitling, pag numero'y lagyan
ito'y patakaran nang tayo'y magkaunawaan

- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 15, 2019

Ang unlaping taga___ o taga-___

ANG UNLAPING TAGA___ O TAGA-___

di lahat ng "taga" ay dapat gamitan ng gitling
tulad ng tagalaba, tagaluto't tagasaing
unawain anong tama upang di ka maduling
sa pagsusulat man, isulat nang tama't may lambing

lagyan lamang ng gitling kung ang karugtong ay lunan
pag pangngalang pantangi, gitling ay laging tandaan
halimbawa'y taga-Baclaran o taga-Pandacan
subalit walang gitling ang pangngalang karaniwan

ikaw ba'y taga-Maynila o taga-Marinduque
ikaw ba'y taga-Iloilo o taga-Cavite
ikaw ba'y taga-Avenida o taga-Mabini
ikaw ba'y tagawalis, tagalinis, tagabili

tagahanga ba kita sa maaksyon kong palabas
taga-Mindanao ka ba o diyan lang sa Batangas
aba'y gitling ay gamitin natin ng wasto't wagas
upang di malito't yaong binabasa'y mawatas

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

Kuha ang litrato mula sa facebook page ng Stop Kaliwa Dam Network

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, Save Sierra Madre Network Alliance, ALMA DAM, SUKATAN, SAGIBIN, PAKISAMA, ALAKAD, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), CEED, Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Piglas Kababaihan, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Haribon Foundation, atbp.

Miyerkules, Agosto 7, 2019

Kumilos ka, dukha

KUMILOS KA, DUKHA

dukha'y mahirap na nga
ay patunga-tunganga
kumilos ka na, dukha
bago mapariwara

halina't magsibangon
bansang ito'y iahon
ang tikatik na ambon
baka unos paglaon

ang dukha'y naging sawi
dahil sa hari, pari
at elitistang uri
silang kamuhi-muhi

ang pari pag nangusap
mapalad ang mahirap
huwag ka nang magsikap
may langit kang pangarap

kaya may hari dahil
diyus-diyusang sutil
sa lupa kunwa'y anghel
ngunit sa masa'y taksil

kunwa'y may dugong bughaw
silang mga bakulaw
na sa mundong ibabaw
ay naghaharing bangaw

may iba silang mundo
daigdig ng hunyango
pulos pera't maluho
at budhi'y mababaho

burgesyang talusaling
ang sa mundo'y umangkin
mga dukha'y alipin
sa sariling lupain

dahil may panginoon
kayraming panginoon
dapat ibagsak iyon
at bayan ay ibangon

dukha, mag-aklas ka na
ibagsak ang burgesya
tayo'y maghimagsik na
baguhin ang sistema

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 1-15, 2019, p. 20

Sabado, Agosto 3, 2019

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

tag-ulan na naman, di ako agad makauwi
basang-basa sa ulan, tila ako'y ibong sawi
naglutangang dagat ng basura'y nakakadiri
naglalakad sa baha kahit ito'y hanggang binti

tumataas na ang sukat ng dagat sa aplaya
pati matataas na lugar ay binabaha na
dahil ba sa basura, imburnal ay nagbabara?
o ito'y dinulot na ng pagbabago ng klima?

saan na humahapon ang mga langay-langayan?
puno ba sa lungsod ay mawawala nang tuluyan?
agila pa ba'y nakalilipad sa kalawakan?
ang nagbabagong klima ba'y di na makakayanan?

aba'y ngingiti pa kaya ng maganda ang langit?
bakit ba ang panahon ay lagi nang nagsusungit?
anong mga polisiya ang dapat pang igiit?
nang nagbabagong klima'y hinay-hinay sa pagbirit

umuulan na, nais ko nang umuwi ng bahay
sa klimang nagbabago'y paano pa mapalagay?
sa darating na panahon, paano mabubuhay?
kung sa nagbabagong klima'y di tayo makasabay

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Martes, Hulyo 30, 2019

Emisyon

EMISYON

mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak
kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak
ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak
kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak

kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala
ang laksang suliranin ng bayang di maunawa
bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa
at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa

itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis
tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis
malulunasan pa ba ito't ating matitistis
upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis

mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon
na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon
suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon
at baka may mapanukala tayong lunas ngayon

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 24, 2019

Nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo
tulad ng agilang hinehele ng bagyo
o rosas sa harap ng sawing paruparo
o boksingerong ang mukha'y bugbog-sarado

nais kong bigkasin sa inyo itong tula
na handog sa bawat kapwang nagdaralita
na nagtitiis, lumalaban, lumuluha
upang kamtin ang karapatan at paglaya

tula'y kinatha upang sa inyo'y mabigkas
maging inspirasyon laban sa pandarahas
upang sumigla kayo'y lalo pang lumakas
tumatag ang paninindigan hanggang wakas

tula lang ang kaya kong ibigay sa inyo
habang iisa tayo tungong pagbabago

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 21, 2019

May pag-asa hangga't may buhay

MAY PAG-ASA HANGGA’T MAY BUHAY

mahirap pala
kung walang pera'y
walang karamay

maysakit ka na'y
balewala pa,
iyong nanilay

tila ba pera'y
magandang lunas
sa iyong lumbay

ganyan madalas
nararanasan
natin sa buhay

kasi'y mahirap
walang salapi
lugmok na tunay

at sabi nila
nagtaka ka pa't
di na nasanay

saan patungo
sa bansang itong
pangit ang lagay

kaya dapat lang
kumilos tayo
nang di mangisay

dapat mag-isip
at tumingala't
magbulay-bulay

bakasakaling
kakaharapin
ay bagong buhay

laging isipin
na may pag-asa
hangga't may buhay

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Hulyo 16-31, 2019, p. 20

Miyerkules, Hulyo 10, 2019

Mga tanaga sa dukha

MGA TANAGA SA DUKHA

K.P.M.L., pag-asa
ng maralitang masa
sistemang sosyalista
ang adhikain nila

nagtataas-kamao
kaming mga obrero
pangarap na totoo:
gobyernong proletaryo

pagkaisahing diwa
sa lipunang malaya
ang uring manggagawa
at masang maralita

maglulupa man ako't
kumikilos ng husto
ang tulad ko'y sinsero
tungo sa pagbabago

tapat akong umibig
mahal, kita'y magniig
ikukulong sa bisig
ang sintang masigasig

layon para sa bayan
ay di suntok sa buwan
hustisyang panlipunan
dapat kamtin ng bayan

sekretaryo-heneral
man ako'y nagpapagal
nawa ako'y tumagal
sa laban, walang angal

iyo bang matatanggap
na tayo'y naghihirap
kahit nagsusumikap
iba'y nagpapasarap

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Hulyo 1-15, 2019, p. 20

Ang pera

noong wala pang pera, sabay kumain sa gabi
nang magkapera, aba'y nagkanya-kanya na kami
sa nangyari ba'y pera ba ang ating nasisisi?
sa ugnayan ng pamilya, pera ba'y anong silbi?

sa kasalukuyan, nag-iba na ang henerasyon
iniba na ba tayo ng teknolohiya't selpon?
subalit gaano nga ba katamis ang kahapon?
upang ating pagkatao'y baguhin ng panahon?

nang wala pang pera, napakabait, anong amo
at nang magkapera'y nag-iba na ang pagkatao
sadya bang ganito, dahil sa pera'y nagbabago?
nagiging mapangmata, nagiging mapang-insulto?

o, pera, ikaw na nagpapaikot ng daigdig
ninanakaw mo sa amin ang alas ng pag-ibig
pagsinta'y naiiba pag sa iyo nakatitig
batas mo ba'y ano't puso't isip ay nabibikig?

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 9, 2019

May liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap

may liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap
kung pagsisikapan ay matutupad ang pangarap
buhay ng maralita'y di laging aandap-andap
sa kalaunan ay makakaalpas din sa hirap

bulok na sistema'y bulok sa kaibuturan nito
naaagnas na't kailangan na ng pagbabago
dukha'y di laging lumpo, kaya rin nating manalo
upang magbago ang sistema'y magkaisa tayo

dinadala lagi tayo ng puhunan sa dilim
para sa tubo, ginagawa'y karima-rimarim
piyesta ang mayayaman, ang mga dukha'y lagim
dapat nating wakasan ang ganitong paninimdim

tandaang sa likod man ng dilim ay may liwanag
na matatanaw, kung sama-sama tayo'y matatag
sistemang bulok ay bugok na itlog na pambulag
na sa sama-samang pagkilos ay kayang mabasag

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 8, 2019

Ang pagbibisikleta


ANG PAGBIBISIKLETA
"Life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving." ~ Albert Einstein

di pwedeng basta magpahinga't matitimbuwang ka
nang di matumba'y itukod agad ang isang paa
maganda nga sa katawan ang pagbibisikleta
titibay ang kalamnan, gulugod, paa't hininga

tulad din ng pagbibisikleta ang iwing buhay
na kilo-kilometro ma'y nadarama ang ngalay
pidal ka ng pidal habang ikaw ay nagninilay
huwag titigil kung ayaw mong basta humandusay

nais kong magbisikleta kung kasama ko'y ikaw
tiyak na sa patutunguhan ay di maliligaw
ambag sa kalikasan, walang polusyong lilitaw
sumabay ka lamang sa indayog ko't bawat galaw

maging disiplinado sa pagtahak sa lansangan
pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan
tayo'y magbisikleta't ganda nito sa katawan
habang taas-noong naglilingkod sa sambayanan

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 5, 2019

Pagpupugay sa ika-45 anibersaryo ng TFDP

PAGPUPUGAY SA IKA-45 ANIBERSARYO NG TFDP

Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo
sa ikaapatnapu't lima n'yong anibersaryo
kayong nagtataguyod ng karapatang pantao
nang mabigyang hustisya ang api sa bansang ito

matapat kayo sa layunin n'yo't inaadhika
bilanggong pulitikal ay nais n'yong mapalaya
nais kamtin ang hustisya sa tinokhang na dukha
nagtuturo ng karapatang pantao sa madla

apatnapu't limang taon na kayo, anong tatag
ang inyong misyon at prinsipyo'y di basta mabuwag
agad n'yong nilalabanan ang anumang paglabag
at kung may naninira man ay di kayo matibag

sa paglabag sa karapatan ay nakatugaygay
sa pang-aapi sa maliliit nakasubaybay
O, TFDP, kami'y taas-noong nagpupugay
sa inyong walang tigil na paglilingkod na tunay

- gregbituinjr.
* tulang alay sa TFDP sa ika-45 anibersaryo nito sa Hulyo 5, 2019

Linggo, Hunyo 23, 2019

Ako'y aktibista, di Adonis ng iyong panagimpan

nais mo bang patayin ang apoy sa aking puso?
gusto mo bang paslangin ang ningas sa aking dugo?
ibig mo bang maging tuod ako't nakatalungko?
nais mo bang agiw lang ang laman ng aking bungo?

sige, ako'y iyong pigilan sa pakikibaka
sige, gawin mo akong robot na walang pandama
sige, pilayan ako sa pagiging aktibista
sige, gawin mo ang gusto't nang ako'y mawala na

nais mong ang aking buong pagkatao'y baguhin
at sa nais mong imahe'y doon ako hubugin
nais mong buong ako'y mabago't diwa kong angkin
di pala ako't ibang tao ang iyong naisin

ako'y ako, aktibista, mandirigmang Spartan
nasa aking puso't diwa'y baguhin ang lipunan
manggagawa't maralita'y kasangga't kasamahan
iyan ako, di Adonis ng iyong panagimpan

- gregbituinjr.

Sabado, Hunyo 22, 2019

Esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman

esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman
kundi nasa pakikibaka't masa'y paglingkuran
di ba't nakasulat sa Kartilya ng Katipunan
"ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag"

di baleng ako'y naghihirap sa pakikibaka
upang kapwa ko dukha'y lumaya sa pagdurusa
ako'y kikilos pa upang baguhin ang sistema
upang maisaayos ang kalikasan at klima
maging bahagi sa paglutas ng mga problema

tangan ang prinsipyo ng aktibistang mandirigma
pagkakaisahin bilang uri ang manggagawa
oorganisahin bilang hukbong mapagpalaya
marami kaming aktibistang ganyan ang adhika

- gregbituinjr.

Biyernes, Hunyo 21, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan at anong mga hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2019, p. 14

Huwebes, Hunyo 6, 2019

Pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho

PAG AKO'Y NAKATUNGANGA, AKO'Y NAGTATRABAHO

pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho
pag nakatitig sa kisame, nagninilay ako
pag nakatingin sa kawalan, kayraming usyoso
at maya-maya lang ay isusulat ko na ito

kinikiskis ko ang utak sa loob ng kisame
naroon sa laot habang nakatitig sa balde
pinipitas ang agiw habang naroon sa katre
nakatitig sa kalangitang akala mo'y kapre

nagtatrabaho ako pag ako'y nakatunganga
sinisipat sa isip ang nangyayari sa madla
habang makina'y pinatatakbo ng manggagawa
habang inaararo naman ang binagyong lupa

sapagkat ako'y isang mangangatha, manunulat
itinititik sa papel, sa diwa sinisipat

- gregbituinjr.

Martes, Hunyo 4, 2019

Katarungan sa mga batang tinokhang!


KATARUNGAN SA MGA BATANG TINOKHANG!
(Tula sa Daigdigang Araw ng mga Inosenteng Batang Biktima ng Agresyon - International Day of Innocent Children Victims of Aggression - Hunyo 4, 2019)

Anong sakit sa kanilang loob bilang magulang
nang anak nilang inosente'y nadamay sa tokhang.
Di maubos-maisip bakit anak ay pinaslang
na edad ay pito, lima, apat na taong gulang...

Ating tandaan ang ngalang Danica Mae Garcia,
Althea Barbon, Michael Diaz, Sonny Espinosa,
Aldrin Castillo, Joshua Cumilang, Francis Mañosca,
Angel Fernandez, Carl Arnaiz, at Jonel Segovia.

Nariyan din yaong pangalang Kian Delos Santos,
Kristine Joy Sailog, Angelito Soriano, Jayross
Brondial, Saniño Butucan, Joshua Cumilang, musmos
pa sila't marami pang batang buhay ay tinapos!

Pumaslang sa kanila'y dapat managot, mausig!
Ginawa sa kanila'y dapat matigil, malupig!
Hustisya sa mga batang ito ang ating tindig.
Panagutin ang maysala, ito'y dapat marinig!

- gregbituinjr.,06/04/2019

Lunes, Hunyo 3, 2019

Tibak na maglulupa

TIBAK NA MAGLULUPA

huwag mong hahanapin sa akin ang ibang tao
tanggapin mo ang pagkatao ko't kung sino ako
huwag mo akong hubugin sa taong pantasya mo
di ako robot, ako'y may sariling pagkaako

bakit nais mo akong magmukhang kapitalista
ako pa'y mag-a-Amerikana't nakakurbata
balat ang sapatos, na mukhang nasa opisina
ibang tao ang hanap mo, di ang aking kagaya

nang ako'y iyong makilala, ako'y maglulupa
at isang organisador ng mga maralita
aktibistang kakampi ng hukbong mapagpalaya
palabang propagandista ng uring manggagawa

kaya huwag mong hanapin ang di ako sa akin
ako'y maglulupang tibak na dapat mong tanggapin
kung ako'y parang ibang taong iyong huhubugin
di ako ang mahal mo, di ako ang iibigin

tanggapin mo ako kung ano ako, isang tibak
isang maglulupang ang kamay ay kayraming lipak
isang dugong Spartan na gumagapang sa lusak
na handang lumaban at mamatay, di pasisindak

- gregbituinjr.

Sabado, Hunyo 1, 2019

Ang nais ko

ANG NAIS KO

nais kong mamatay na sumasagot ng sudoku
tulad ni Archimedes na isang dakilang tao
problema sa aldyebra'y nilulutas na totoo
nang siya'y sinaksak sa likod ng isang sundalo

nais kong mabuhay na totoong nakikibaka
para sa karapatang pantao at sa hustisya
nabubuhay tangan ang prinsipyo para sa masa
at ang dukha't manggagawa ay inoorganisa

nais kong magtanim ng puno at ito'y madilig
nang kalikasan ay nakakahingang may pag-ibig
nais kong magtanim ng prinsipyo't magkapitbisig
kasama ang obrero sa bawat adhika't tindig

nais kong mangolekta ng iba't ibang magasin
upang maging libangan habang nagninilay na rin
nais kong bilhin ang isang maliit na lupain
upang maging libingan nitong katawan kong angkin

- gregbituinjr.

Pag nanalo ang trapo

PAG NANALO ANG TRAPO

kung sinong may mga T.V. ads, silang nagwawagi
at ang kapangyarihan nila'y napananatili
baha man sa iskwater, nilulusong hanggang binti
pag nanalo'y yayain mo roon, hindi nang hindi

pulitiko'y nagiging mabait pag kampanyahan
pulos pangako, akala mo'y pag-asa ng bayan
kung umasta, akala mo'y sila ang kalutasan
sa iba't ibang isyu't problema ng mamamayan

ngunit pag nanalo ang mga tusong kandidato
kaydaling hanapin, kayhirap lapitan ang trapo
imbes na serbisyo, nasa utak lagi'y negosyo
kapara nila'y bangaw sa malaking inidoro

ilampaso na ang mga trapo sa arinola
pag nangyari ito'y tiyak magbubunyi ang masa

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 31, 2019

Naglipanang upos


NAGLIPANANG UPOS
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

di ako nagyoyosi, ang ginagawa kong lubos
ay ang tipunin sa bote ang nagkalat na upos
ito ang sa kapaligiran ay ambag kong taos
bakasakali lang kahit upos ay di maubos.

ginagawa kong ash tray ang pangsardinas na lata
sa paligid nito'y nilalagyan ng karatula
"Dito ilagay ang upos, kaibigan, kasama"
at ibinabahagi sa pabrika't opisina.

naglipana ang upos sa kalsada't karagatan
talagang nakakaupos ang nangyayaring iyan
mga wawa ng ilog ay tila nabubusalan
naglulutangan ang upos sa mga katubigan.

mga isinaboteng upos sa lupa'y ibaon
tulad ng hollow blocks ay patigasin ito ngayon
gawin kaya natin itong proyekto sa konstruksyon?
baka may paggamitan ang upos kapag naglaon.

ngayong World No Tobacco Day, anong masasabi mo?
nagkalat ang upos sa ating paligid, katoto
may maitutulong ka ba't maipapayo rito?
upang malutas ang mga upos na dumelubyo?

- gregbituinjr.,05/31/2019

Ano baga?

ANO BAGA?
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

nosi ba lasi para magyosi't bugahan tayo
ng usok gayong di naman tayo nananabako
sa dyip, naaamoy mo ang yosi ng katabi mo
aba'y pasensya na't natapatan ka ng tambutso!

yosi ng yosi, hitit ng hitit, buga ng buga
nakakaalarma, kalusugan mo'y paano na?
di ka nga humihitit, nalalanghap mo'y sa iba
walang bisyo ngunit second-hand smoker ka pala

paano mo ba pagsasabihan ang mga sutil?
pananabako nila'y paano ba matitigil?
polusyon sa katawan mo'y sino kayang pipigil?
paano iiwas na unti-unti kang makitil?

ngayong World No Tobacco Day, ating alalahanin
huwag pabayaan ang baga't kalusugan natin!

- gregbituinjr.,05/31/2019

Huwebes, Mayo 30, 2019

Walang matuluyan, mawalang tuluyan


WALANG MATULUYAN, MAWALANG TULUYAN
(tula sa International Week of the Disappeared)

mas mabuti pang ako'y walang matuluyan
kaysa naman tulad ko'y mawalang tuluyan
kung walang matuluyan, mag-ingat sa daan
mahirap nang mawala't madukot ng halang

Daigdigang Linggo ng Desaparesido
ay ating gunitain ngayong linggong ito
nawa mahal nila'y matagpuang totoo
at kanilang kamtin ang hustisya sa mundo

sa huling linggo ng Mayo ginugunita
itong linggo ng sapilitang pagkawala
paghanap sa kanila'y walang patumangga
ang sakit na nadarama'y tila ba sumpa

nawa'y matapos na ang pasakit at dusa
pagkat mahal sa buhay ay natagpuan na

- gregbituinjr./05/30/2019

Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 15, 2019

Ang 13 Martir ng Bagumbayan, ng Cavite, at ng Arad

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang mayroon sa numero 13 at sa pananaliksik ko'y may labintatlong martir ng himagsikan sa tatlong lugar - dalawa sa Pilipinas at 1 sa ibang bansa. Marahil ay mayroon pang iba na tulad nito na hindi pa nasasaliksik. 

Sagisag ba ng kamalasan ang numero 13 kaya labintatlong manghihimagsik ay magkakasamang pinaslang sa magkakahiwalay na pangyayaring ito?

Naisip kong sulatin ang artikulong ito dahil nang sinaliksik ko ang talambuhay ni Moises Salvador, napag-alaman kong isa siya sa 13 Martir ng Bagumbayan. Sa Moises Salvador Elementary School ako bumuboto kaya pilit kong kinilala si Moises Salvador. Dahil kilalang lugar sa Cavite ang Trese Martires, na ipinangalan sa 13 martir ng Cavite noong Himagsikan Laban sa Kastila, naisip kong pagsamahin sa iisang artikulo ang 13 Martir ng Bagumbayan at 13 Martir ng Cavite. Ito'y paraan din upang ipakilalang may 13 Martir ng Bagumbayan, pagkat mas kilala sa kasaysayan ang 13 Martir ng Cavite. 

Habang nagsasaliksik ako'y mayroon din palang 13 martir sa Arad, sa Hungary, kaya isinama ko na rin ito rito. Matapos ang Rebolusyong Hungaryano noong 1848-1849, pinaslang ng Imperyo ng Austria noong Oktubre 6, 1849 ang nadakip na labintatlong rebeldeng Heneral ng Hungary.

Sa Pilipinas, bukod sa nabanggit kong 13 martir ng Bagumbayan at 13 martir ng Cavite, marami pang Pilipinong martir na pinaslang noong panahon ng mga Kastila subalit hindi labintatlo, tulad ng 15 martir ng Bicol at 19 na martir ng Aklan, subalit hindi ko na muna sila tatalakayin dito. May pagkakapareho ang mga nabanggit na pangyayari. At lahat ng mga martir na ito'y nakibaka upang palayain ang kanilang bayan laban sa pananakop ng dayuhan. Nais nilang maging malaya, at hindi alipin ng mga mananakop. Nais nilang magkaroon ng malaya, mapayapa at maginhawang bayan.

Halina't talakayin natin ang 13 martir sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN

Noong Enero 11, 1897, binaril sa Bagumbayan ang labintatlong maghihimagsik na nadakip ng mga Kastila matapos pangunahan ni Supremo Gat Andres Bonifacio ang pagpunit ng sedula bilang simbolo ng paglaban sa mananakop na Kastila. Ang 13 nadakip ay hinatulan ng mga Kastila sa kasong sedisyon, at pinaslang sa Bagumbayan.

Ang labintatlong martir ng Bagumbayan ay sina: 
1. Numeriano Adriano (abugado),
2. Domingo Franco (negosyante at propagandista),
3. Moises Salvador (propagandista),
4. Francisco L. Roxas (industriyalista at lider-sibiko),
5. Jose Dizon (kasapi ng Katipunan),
6. Benedicto Nijaga (tinyente sa hukbong Espanyol at kasapi ng Katipunan, mula sa Calbayog, Samar),
7. Geronimo Cristobal Medina (korporal sa hukbong Espanyol at kasapi Katipunan).
8. Antonio Salazar (negosyante),
9. Ramon A. Padilla (empleyado at propagandista),
10. Faustino Villaruel (negosyante at Mason),
11. Braulio Rivera (kasapi ng Katipunan),
12. Luis Inciso Villaruel, at
13. Estacio Manalac.

Naglagay ng makasaysayang batong-tanda ang National Historical Institute sa Rizal Park bilang pag-alala sa 13 Martir ng Bagumbayan.

ANG 13 MARTIR NG CAVITE

Noong Setyembre 12, 1896, labintatlong maghihimagsik ang pinaslang ng mga Kastila sa Plaza de Armas malapit sa Fuerto de San Felipe, sa Lungsod ng Cavite, dahil sa pagkakasangkot sa rebolusyon ng Katipunan. Sampu sa mga martir ay mga Mason, at tatlo ang hindi. Ito'y sina:
1. Si Mariano Inocencio, 64, isang mayamang propitaryo,
2. Jose Lallana, 54, isang sastre, dating kabo sa hukbong Espanyol at isang Mason,
3. Eugenio Cabezas, 41, manggagawa ng relo at miyembro ng Katipunan,
4. Maximo Gregorio, 40, kawani ng arsenal sa Cavite,
5. Hugo Perez, 40, isang doktor at kasapi ng Katipunan,
6. Severino Lapidario, 38, Punong Bantay sa piitang panlalawigan at kasapi ng Katipunan,
7. Alfonso de Ocampo, 36, isang mestisong Espanyol at kasapi ng Katipunan,
8. Luis Aguado, 33, kawani ng arsenal sa Cavite,
9. Victoriano Luciano, 32, parmasyutiko at makata, at
10. Feliciano Cabuco, 31, kawani ng ospital na pang-nabal sa Cavite.

Ang tatlong hindi Mason ay sina:
11. Francisco Osorio, 36, isang mestisong Intsik at kontratista,
12. Antonio de San Agustin, 35, isang siruhano at negosyante, at
13. Agapito Concio, 33, isang guro, musikero at pintor.

Sa alaala ng 13 martir ng Cavite, noong 1906, isang bantayog ang itinayo sa lugar kung saan sila pinaslang. Ang kabisera ng Cavite ay pinalitan naman ng Trece Martires bilang paggunita sa 13 martir, at ang 13 mga nayon nito ay ipinangalan sa bawat isang martir.

ANG 13 MARTIR NG ARAD

Noong Oktubre 6, 1849, pinaslang sa utos ni Heneral Julius Jacob von Haynau ng Austria ang labintatlong rebeldeng heneral ng Hungary sa lungsod ng Arad pagkatapos ng Rebolusyong Hungaryano. Ang Arad ay bahagi ng Kaharian ng Hungary na ngayon ay bahagi na ng bansang Romania. Karamihan sa mga martir ay hindi binaril, bagkus ay binigti.
Ang labintatlong Martir ng Arad ay sina:
1. Lajos Aulich (1793-1849)
2. János Damjanich (1804-1849)
3. Arisztid Dessewffy (1802-1849)
4. Ernő Kiss (1799-1849)
5. Károly Knezić (1808-1849)
6. György Lahner (1795-1849)
7. Vilmos Lázár (1815-1849)
8. Károly Leiningen-Westerburg (1819-1849)
9. József Nagysándor (1804-1849)
10. Ernő Poeltenberg (1814-1849)
11. József Schweidel (1796-1849)
12. Ignác Török (1795-1849)
13. Károly Vécsey (1807-1849)

Bilang pag-alala sa kanila, nagkaroon ng nililok na mukha ng 13 martir ng Arad sa patyo ng Museum of Military History sa Arpad Toth Promenade 40, Buda Castle Quarter, sa Budapest, Hungary.

May kwento sa Hungary na habang binibitay ang mga heneral ay nag-iinuman ng serbesa ang mga sundalong Austriano, at ikinakalansing ang kanilang mga baso ng serbesa sa pagdiriwang sa pagkatalo ng Hungary. Kaya isinumpa ng mga Hungaryo na hindi makikipagkalansing ng baso muli habang umiinom ng serbesa sa loob ng 150 taon. Bagamat ang nabanggit na tradisyon ay hindi na ginagawa ngayon, mayroon pa ring mga makabayang Hungaryo na hindi nakalilimot sa nangyari sa Arad sa kasaysayan ng Hungary.

Sa aking pagninilay sa mga pangyayaring ito'y nakalikha ako ng tula hinggil sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano kayang mayroon sa bilang na labingtatlo
at sa kasaysayan, mayroong labintatlong martir?
Nagkataon bang labintatlong rebolusyonaryo
ang lumaban upang durugin ang malaking pader?

Ilang araw lang matapos si Rizal ay mapaslang
sa Bagumbayan nitong mananakop na Kastila
Labintatlong maghihimagsik din yaong pinaslang
sa parehong lunan, mga buhay nila'y winala.

Doon sa Cavite'y labintatlong maghihimagsik
ang pinaslang ng mga Kastila't pinagbabaril
At sa lugar na iyon, bantayog ay itinirik
bilang tanda ng paglaban sa mga maniniil.

Sa Hungary'y pinaslang ang labintatlong heneral
na nadakip sa paglaban sa Imperyong Austria
Ang karamihan sa kanila'y binigti, sinakal
habang kalaban nila'y umiinom, tumatawa.

Sa labintatlong martir, taos-pusong pagpupugay!
dahil ipinaglaban ninyo ang laya ng bayan.
Nagkaisa't naghimagsik kapalit man ay buhay
puso't diwa'y inilaan para sa sambayanan.

Mga pinagsanggunian:
http://www.executedtoday.com/2010/01/11/1897-the-thirteen-martyrs-of-bagumbayan/
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/871/today-in-philippine-history-january-11-1897-the-socalled-thirteen-martyrs-of-bagumbayan-were-executed
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/597/today-in-philippine-history-september-12-1896-the-13-martyrs-of-cavite-were-executed-by-spanish-authorities
http://www.executedtoday.com/2008/10/06/1849-lajos-batthyany-13-martyrs-of-arad-hungary-1848/
https://en.wikipedia.org/wiki/The_13_Martyrs_of_Arad

Martes, Mayo 14, 2019

Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito: "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML". Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML".

Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng mga naunang lider ng KPML. Subalit nang makita ko ang kasaysayan ng PCUP na binanggit ang KPML, naisip kong hindi 1986 itinatag ang KPML kundi noon pang panahon ni Marcos, na marahil ay noong 1985. Binalikan ko rin ang isang magasin hinggil kay ka Eddie Guazon, kung saan nabanggit na pangulo siya ng KPML sa kalagitnaan ng taong 1986.

Ang sumusunod ang nakasulat na kasaysayan ng KPML, ayon sa dokumentong "ORYENTASYON NG KPML", na hawak ng bawat lider at organisador ng KPML sa mahabang panahon, at makikita rin sa blog ng KPML na nasa kawing na http://kpml-org.blogspot.com/2008/04/oryentasyon-ng-kpml.html.

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita."

Subalit nabahala ako na baka totoo nga ang isinulat noon ni KR na kasagsagan ng pagkapangulo ni Marcos nang isinilang ang KPML. Kung pagtutugmain sa pagkakatatag ng Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP), marahil ay isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1985, panahong di pa nagaganap ang Pag-aalsang EDSA. Panahon din ito kung saan naitatag ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) na naitatag noong Nobyembre 23, 1985, at BALAY Rehabilitation Center noong Setyembre 27, 1985.

ANG KPML, AYON SA PCUP

Ganito naman ikinwento ng PCUP ang kanilang kasaysayan kung saan nabanggit nila ang KPML, at inilathala ko naman ng buo sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng KPML, isyu ng Abril 1-15, 2019, mula sa kawing na http://pcup.gov.ph/index.php/transparency/about-pcup/background-history:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML?

PAGKAKABUO NG NACUPO

Ayon naman sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML": "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang." Subalit ayon sa PCUP: "On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor."

Noong Mayo 1990, isang taon mula nang mamatay si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, ay inilathala ang talambuhay ni Ka Eddie sa isang babasahin, at ganito naman ang isinasaad, mula sa kawing na https://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html.

"In mid-1986, the Aquino administration sponsored a national consultation-workshop among the urban poor, during which the National Congress of the Urban Poor Organizations (NACUPO) was formed. Together with the other delegates, Tatay Eddie, who was already the KPML chairman then, called for the creation of an agency for the urban poor. The agency would represent the urban poor in the planning and implementation of government programs and policies."

Kalagitnaan pa lang ng 1986 ay nakatayo na ang KPML, at tagapangulo na noon si Ka Eddie Guazon. Kaiba ito kaysa nakasaad sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing Disyembre 18, 1986 naitatag ang KPML gayong may KPML na sa kalagitnaan ng 1986. Ayon pa sa Oryentasyon, sa kalagitnaan ng taong 1987 nabuo ang NACUPO, ngunit walang eksaktong petsa. Subalit 1986 ito nabuo, ayon sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon, at sa dokumento ng PCUP na isinulat ang eksaktong petsa, Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, na apat na araw na pagtitipon. Alin ang totoo?

ILANG PAGSUSURI

Kung naitayo ang PCUP noong Disyembre 8, 1986, kung saan isa ang KPML na nakibaka upang maitayo ang PCUP, at sinasabi naman ng KPML na isinilang siya noong Disyembre 18, 1986, hindi nagtutugma ang kasaysayan. Dahil nauna ng sampung araw na itinatag ang PCUP kaysa KPML, gayong ang KPML ang isa sa nanawagang magkaroon ng PCUP. May problema sa datos.

Subalit kung totoo ang sinabi ni KR na panahon ni Marcos nang itatag ang KPML, magtutugma ang kasaysayan sa tatlong batayan: ang sinabi ni KR, ang dokumento ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon. Dagdag pa, suriin din ang mga datos ng tatlong dokumento: ang Oryentasyon ng KPML, ang kasaysayan ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon, kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Kung nahingi ko lang noon kay KR ang isinulat niyang kasaysayan ng KPML, magandang panimula na sana iyon ng pagtatama ng kasaysayan. Subalit hindi ko iyon binigyang pansin noon, dahil nga batay sa Oryentasyon ng KPML, 1986 at hindi 1985 isinilang ang KPML, at may selyong bakal pa ang KPML na nakasulat ang Disyembre 18, 1986.

Maraming dapat itama sa datos, lalo na't hindi magkakatugma. Kailan talaga isinilang ang KPML? Disyembre 18, 1985 nga ba, na batay sa isinulat noon ni KR, na nakita ko, subalit wala akong kopya? O ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isinilang ang samahang ito noong Disyembre 18, 1986?

Ang tanong, sino ang nagsulat ng naunang kasaysayan ng KPML na ginagamit sa oryentasyon nito, at bakit hindi ito nagtutugma sa mga pangyayari batay sa kasaysayan ng PCUP at sa talambuhay ni Ka Eddie? Kailangan nating malaman kung kailan talaga isinilang ang KPML dahil malaki ang epekto nito. Panahon ba ni Marcos isinilang ang KPML kung saan matindi pa ang paglaban ng mga tao sa diktadurang Marcos? O sa panahon ni Cory Aquino na diumano'y may kalayaan na, at sariwa pa ang tagumpay ng mga tao sa pagpapatalsik sa tinagurian nilang diktador? Sumama ba at nakibahagi ang KPML sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986?

Marahil dapat tanungin ang mga naunang lider ng KPML na nabubuhay pa, katulad ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, at ni Ka Butch Ablir ng ZOTO.

Marahil dapat pag-usapan ang kasaysayang ito ng pambansang pamunuan ng KPML, kasama ang Konseho ng mga Lider nito, sa susunod na pulong ng Pambansang Konseho nito sa darating na panahon. At kung kinakailangan, isulat ang resolusyon ng pagtatama ng kasaysayan ng KPML, na lalagdaan ng mayorya ng kasapi ng Pambansang Konseho ng KPML.

KONGKLUSYON

Kung pagbabatayan ko ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML, at malamang ay Disyembre 18, 1985. Hindi lang ito usapin ng petsa o kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Usapin ito ng pagsasalaysay ng tama, kung ano ang naging batayan ng pagkakabuo, kung anong panahon, tulad ng panahon ba ng diktadura kaya dapat itayo ang KPML, o panahon na kasi na "malaya" na ang bayan kaya malaya na tayong nakapag-organisa.

Kung ang KPML ay naitatag noong 1985, ang KPML ay ibinulwak ng pakikibakang anti-diktadura, tulad ng kasabayan nitong FIND at BALAY. Kung 1986 naman, ano ang batayan ng pagkakatatag ng KPML sa panahong "malaya" na ang bayan? Ganyan kahalaga ang kasaysayan, kaya dapat maitama rin natin ang mga petsa at datos na dapat maisulat.

Batay sa pagsusuri at mga nasaliksik na ito, kailangang itama at muling isulat ang kasaysayan ng KPML.