10-KILOMETRONG LAKAD PARA SA ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Tinatayang nasa sampung kilometro rin ang nilakad ng inyong lingkod (Mayo 27, 2016, Biyernes) upang makarating sa COMELEC at makipag-ugnayan sa mga nagkampo roong mga kasapi ng ATING GURO party list na may isang linggo na ring narororon upang ipaglaban at iparating sa COMELEC ang panawagan nilang iproklama na ang Ating Guro.
Nagsimula akong umalis ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lunsod Quezon bandang ikaanim ng umaga, naglakad at sumakay ng dyip sa harap ng National Housing Authority (NHA) patungong SM-North. Bandang 6:30 am na ako nakarating doon. Ang tanggapan ng DepEd NCR (Department of Education - National Capital Region) ay nasa pagitan ng SM-North (sa may malaking globe) at SM-North Annex. Noong una'y nakalampas ako at napunta sa Cordillera St. at sa Nueva Viscaya St. na makalampas lang ng SM North batay sa dala kong mapa, ngunit sa paghahanap ay natuklasan kong nasa loob pala ng pasilyo ng SM-North.
Bandang ikapito ng umaga nang makarating ako sa DepEd NCR, walang tao roon na makakasama ko sa paglalakad. Naroon lang ay ang gwardya, at lumabas siya nang makita niyang nag-selfie ako sa harap ng kanilang tanggapan, sa tapat ng logo ng ahensyang iyon. Ipinakita ko naman yung picture sa celfone sa kanya, at sinabi kong paalis na ako upang maglakad patungong COMELEC, dahil hawak ko noon ang isang baligtarang plakard, na ang nakasulat: "Seat allocation, Iwasto; Ibigay ang 1 upuan sa ATING GURO".
Pagkatapos noon ay umalis na ako. Nagpa-load ng celfone bandang Muñoz market, saka ko tinext ang ilang kasama na nagsimula na akong maglakad.
Bandang Roosevelt ay nilitratuhan ko ang isang marker na nakasulat: Km 10 QC, na ang ibig sabihin, nasa 10 kilometers iyon mula sa Luneta Grandstand kung saan naroon ang marker ng KM zero. Kaya tinatayang 10-kilometro ang aking nalakad dahil sa marker na iyon. Isinaalang-alang ko sa pag-estima sa distansya ang layo ng DepEd NCR sa marker na iyon na tinataya kong nasa isang kilometro, at ang layo ng COMELEC sa Kilometer Zero sa Luneta na sa tantya ko rin ay isang kilometro.
Ang aking ruta ay DepEd NCR sa SM North, kanan sa Edsa, kaliwa sa Roosevelt Avenue, kanan sa Quezon Avenue, España, Morayta, Recto, kanan sa Avenida Rizal, tawid ng McArthur Bridge, Lawton, lakad patungong COMELEC. Malapit na sa COMELEC nang makita ko ang dalawang kakilalang manggagawa, at binigyan ko sila ng tig-isang plakard. Nang dumating kami sa Plaza Roma, naroon na sa tapat ng COMELEC at nagpoprograma ang mga kasapi ng ATING GURO at iba pang organisasyong sumusuporta dito, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (NCR) na kinabibilangan ko. Umalis ako ng ikapito ng umaga sa DepEd NCR at dumating sa COMELEC sa Intramuros ng 10:07 ng umaga, bale tatlong oras na lakaran.
Nasa bandang Recto na ako nang tumawag sa aking celfone si kasamang Benjo Basas, ang unang nominado ng Ating Guro party list, dahil tinext ko siya nang magsimula na akong maglakad. Bandang 9:45 am siya tumawag.
Napag-usapan lang namin ang paglalakad na ito ni Sir JR (Juanito Dona Jr.) na siyang ikalimang nominado ng Ating Guro partylist, dalawang gabi bago ang takdang paglalakad. At sinabi ko sa kanyang isang mabisang porma ng pagkilos ang paglalakad. Kaya tinanong ko sa kanya kung saan kaya ang magandang pagsimulan ng paglalakad, isang simbolo ng edukasyon? At isa nga sa mungkahi niya ang tanggapan ng DepEd NCR sa SM North, bukod pa yung sa DepEd National sa Pasig, at Dep Ed-Mimaropa sa Ortigas.
Bakit kailangang maglakad mula DepEd NCR hanggang COMELEC? Maaaring di pa maunawaan ng iba bakit kailangang maglakad ng gayong kalayo, mga sampung kilometro. Nais kong ipakita ang aking taospusong pakikiisa sa laban ng mga guro sa pamamagitan ng paglalakad. Naniniwala kasi akong isang porma ng pagkilos ang paglalakad, tulad ng ginawa noon ni Mahatma Gandhi ng India, na nagkataong ka-birthday ko, nang maglakad siya at kanyang mga tagasuporta para sa tinaguriang Salt March. Naipagtagumpay nila ang 24-araw na paglalakad na iyon laban sa kahirapan at kagutuman ng kanilang kababayan laban sa monopolyo ng asin ng mga mananakop na Briton.
Ilang beses na rin akong nakasama sa mga mahahabang lakaran, tulad ng 148 km Lakad Laban sa Laiban Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Maynila (2009), 1,000 km Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban (2014), sa French leg ng Climate Pilgrimage mula Roma hanggang Paris (2015), at 120 km Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila (Abril 2016).
Sa aming mga nasa Climate Walk, kahit sa munti mang aktibidad ay naglalakad kami kung kinakailangan. Ito ngang Mayo 2016, si kasamang Joemar ay naglakad mula Maynila hanggang Lungsod ng Baguio (tinatayang 250 km) sa loob ng ilang araw.
Bakit kami naglakad ng ilang araw? Mga baliw ba kaming nagpapakahirap maglakad kahit na may pamasahe at transportasyon naman?
Ang paglalakad ay isang anyo ng pagkilos, na ginamit na ng maraming tao sa kasaysayan upang iparating ang kanilang mensahe. Halimbawa nga ang ginawa ni Gandhi, at ng mga Climate Walker sa pangunguna ni Yeb Saño, dating chief negotiator ng Pilipinas sa usaping climate.
Naniniwala ako na kung sumakay lamang ako ng dyip patungong COMELEC habang dala ko ang plakard ay kaunti lamang ang makababasa nito, ngunit dahil ako'y naglakad sa mataong lugar, marami ang nakabasa ng plakard at ng mensahe nito. Habang naglalakad ay nakalilikha ako sa aking isip ng mga tula na agad ko namang isusulat sa aking maliit na kwaderno. At pagharap ko sa kompyuter ay saka ko ita-tayp.
Ang mensahe ng ATING GURO sa kanilang mga plakard ay napakahalaga, at isa ako sa mga naantig ang damdamin sa nangyaring iyon sa COMELEC. Kailangan nilang magtagumpay sa laban at dapat hindi na maulit ang nangyari sa ikalawang pagkakataon. Ginawa ko ang paglalakad dahil wala akong ibang maiaambag sa laban ng mga guro, lalo na sa pinansya, pagkain, atbp, at isang paraan upang makapag-ambag sa ipagtatagumpay ng kanilang laban ay ang paglalakad upang iparating sa iba na dapat makamit na ng ATING GURO ang nararapat para sa kanila.
Kung sakaling maglulunsad muli ng paglalakad para sa katarungan, anuman ang isyu, tulad ng isyu ng Ating Guro, muli akong sasama sa paglalakad, at kung kinakailangan ay kahit ako muling mag-isa.