HIGHWAY 54 NOON, EDSA NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa sa pinakamakasaysayang pook sa ating bansa ang EDSA o Epifacio de los Santos Avenue. Mula sa monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang sa SM Mall of Asia sa Lungsod ng Pasay ang kahabaan ng EDSA. Bago ito tinawag na EDSA, ito'y tinawag munang Highway 54.
Pinangalanan muna itong North and South Circumferential Roas matapos itong magawa noong 1940 na pinangunahan ng mga inhinyerong sina Florencio Moreno at Osmundo Monsod. Ngunit may nagsasabing pinangalanan muna itong Junio 19 bilang pagpupugay sa petsa ng kapanganakan ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal.
Matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan, pinangalanan na itong Highway 54. Subalit bakit Highway 54? Dahil ba ito'y 54 kilometro ang haba. Ngunit ayon sa ilang pananaliksik, ito'y nasa 23.8 kilometro lamang o 14.8 milya.
May nagsasabi namang ang kahabaang ito ng Highway 54 ay itinayo ng 54th Army Engineering Brigade, kung saan kinuha ang numerong 54. Kumbaga ito ang highway na ginawa ng 54th Army Engineering Brigade kaya Highway 54.
Noong ika-7 ng Abril, 1959 ay nilagdaan ang Batas Republika Blg. 2140 kung saan pinangalanang EDSA ang Highway 54. Narito po ang teksto ng isa sa pinakamaikling batas na naisagawa.
Republic Act No. 2140
An Act Changing the Name of Highway 54 in the Province of Rizal to Epifanio de los Santos Avenue in Honor of Don Epifanio de Los Santos, a Filipino Scholar, Jurist and Historian
Section 1. The name of Highway 54 in the Province of Rizal is changed to Epifanio de los Santos Avenue in honor of Don Epifanio de los Santos, a son of said province and the foremost Filipino scholar, jurist and historian of his time.
Section 2. This Act shall take effect upon its approval.
Approved, April 7, 1959.
Inaprubahan ang batas noong ika-7 ng Abril 1959 bilang pagpupugay sa kapanganakan ni Ginoong Epifanio de los Santos, na isinilang noong ika-7 ng Abril, 1871 sa Malabon, at namatay noong ika-28 ng Abril, 1928 sa Maynila. Kilala siya bilang si Don Panyong.
Tiyak na matutuwa ang mga may kaalaman sa wikang Espanyol pag naririnig nila ang pangalang Epifanio de los Santos, na sa Ingles ay nangangahulugang epiphany of the saints. At sa wikang Filipino ay pagpapahayag ng mga banal. Sa Bibliya, ang kwento ng Epiphany ay nakaugnay sa unang tatlong ebanghelista na sina Mateo, Markus at Lukas, at ayon umano sa Mateo 2:1-12, ito ay pagpapahayag ng Kristo sa mga Hentil na kinakatawan ng tatlong Haring Mago.
Si Don Panyong o Epifanio de los Santos ay kilalang Pilipinong historyador, kritiko sa panitikan at sining, dalubhasa sa batas, tagausig, iskolar, arkiwista, pintor, makata, musikero, tagasalin, mamamahayag, patnugot, tagapaglathala, at marami pang iba. Hinirang siya noong 1925 ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang Direktor ng Philippine Library and Museum.
Si Epifanio de los Santos ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na Pilipino manunulat sa Espanyol ng kanyang panahon at ritinuturing na henyo sa panitikan. Siya ang unang Pilipinong naging kasapi ng Spanish Royal Academy of Language, Spanish Royal Academy of Literature and Spanish Royal Academy of History in Madrid.
Naglingkod din sa Epifanio de los Santos bilang katulong na patnugot ng rebolusyonaryong pahayagang La Independencia, gamit ang sagisag-panulat niyang G. Solon. Kasapi rin siya ng Kongreso ng Malolos. Isa rin siya sa mga nagtatag ng iba pang pahayagan, tulad ng La Libertad, El Renacimiento, La Democracia, at La Patria. At nakapaglathala rin ng kanyang akda sa mga publikasyong Algo de Prosa (1909), Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagala (1911) Nuestra Literatura (1913), El Proceso del Dr. José Rizal (1914), at Folklore Musical de Filipinas (1920).
Kasapi rin siya ng "Samahan ng Mga Mananagalog" na pinasimulan ni Felipe Calderon noong 1904, at kinabibilangan din nina Lope K. Santos, Rosa Sevilla, Hermenigildo Cruz, Jaime C. de Veyra at Patricio Mariano. Siya rin ang nagsalin ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas sa wikang Kastila.
Ang ipangalan sa kanya ang isang mahabang kalsada ay isa nang malaking karangalan, pagkat ang mga nagawa niyang ambag sa ating bayan ay hindi matatawaran. Naukit na ang pangalang Epifanio de los Santos sa ating kasaysayan, lalo na noong Rebolusyong EDSA ng 1986, kung saan pinabagsak ng nagkakaisang pagkilos ng mga Pilipino ang kinamumuhiang diktador na dahilan ng maraming pagpatay at pagyurak sa karapatang pantao.
Ang mapayapang Rebolusyong EDSA na ito na ginawang halimbawa ng marami pang bansa upang ibagsak din ng kanilang mamamayan ang mapaniil nilang pamahalaan. Patunay dito ang Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Bagamat may mga hindi nagtagumpay, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).
Epifanio de los Santos Avenue. EDSA. Hindi lang ito lansangan na lagi nating naiisip na sobra ang trapik. Lansangan din ito na tunay na makasaysayan sa ating bansa, na ipinangalan sa isang maaari din nating ituring na bayani dahil sa dami ng kanyang nagawa para sa ating bayan.
Mga pinagsanggunian:
http://filipinolibrarian.blogspot.com/2006/02/epifanio-de-los-santos-avenue.html
http://www.answers.com/Q/Why_was_EDSA_named_HIghway_54
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Epifanio_de_los_Santos_Avenue
https://en.wikipedia.org/wiki/Epifanio_de_los_Santos