Huwebes, Disyembre 31, 2015

Liham para sa pagsalubong sa Bagong Taon

Disyembre 31, 2015

Dear Kababayan,

Una sa lahat, Happy New Year. Manigong Bagong Taon sa iyo at sa iyong pamilya.

Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan ng iyong pamilya sa pagsalubong sa bagong taon. May pang-buena noche at masayang magkakasama.

Ngunit ako'y nababahala, kababayan, sa maraming balita sa tuwing sasapit ang bagong taon. May naputukan ng kamay, may tinamaan ng ligaw na bala.

Paano ba natin dapat salubungin ang bagong taon? Bagong taong walang daliri? Bagong taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa tama ng ligaw na bala? Bakit kailangang magpaputok ng iba't ibang klaseng paputok, tulad ng labintador, superlolo, goodbye Philippines, at ngayon, may paputok pang super-AlDub.

Napakaraming biktima ng paputok at mga ligaw na bala ay pawang mga bata. Hindi ba tayo naaawa sa kanila? Dahil ba hindi natin sila kaanu-ano ay balewala na ang balita tungkol sa pagkawasak ng kanilang daliri, o pagkamatay nila sa tama ng ligaw na bala? At mapapansin lang natin sila pag isa na sa mga kamag-anak natin, o sabihin nating anak natin, ang maputulan ng kamay o mamatay nang walang kalaban-laban.

Noong 2015, umabot na sa 730 ang nasaktan sa paputok (Youth suffer most of PH's 730 fireworks-related injuries, http://www.rappler.com/nation/79694-youth-firecracker-injuries-philippines). Noong 2014 naman, umabot sa 933 ang nasaktan sa paputok (New Year revelry injuries rise to 933 - DOH, http://www.philstar.com/headlines/2014/01/03/1274767/new-year-revelry-injuries-rise-933-doh)

Noong bagong taon ng 2013, isang pitong taong gulang na bata mula sa Tala, Caloocan, ang natamaan ng ligaw na bala, si Stephanie Nicole Ella. Ipinalabas ito ng ilang araw sa telebisyon. Di ko na nasubaybayan kung nakilala pa, nahuli at nakulong ang suspek. 

Bagong taon ng 2013 din namatay sa tama ng bala ang batang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer na taga-Mandaluyong nang lumabas ito ng kanilang bahay upang manood ng mga paputok. Sa pagkakaalam ko'y nahuli ang suspek na may hawak na sumpak.

Ang matindi ay nitong Bagong Taon ng 2014, isang tatlong buwang bata, oo, tatlong buwan pa lang, ang natamaan ng ligaw na bala sa Ilocos Sur - si Vhon Alexander Llagas. Kasabay nito'y namatay din sa ligaw na bala ang dalawang taong gulang na batang si Rhanz Angelo Corpuz na mula naman sa Ilocos Norte.

Noong Bagong Taon ng 2015, namatay din sa tama ng ligaw ng bala ang 11 taong gulang na batang si Jercy Decym Buenafe Tabaday sa Abra. Bago mag-Bagong Taon ng 2016 ay may mga napapabalita na ring mga natamaan ng ligaw na bala.

Ano bang magagawa natin, kababayan, upang maiwasan natin ang ganito, at paano tayo makakatulong? Hihintayin pa ba nating tayo ang mabiktima nito bago tayo magsikilos? Magiging istadistika na lang ba ang mga naputukan ng kamay, nawalan ng daliri, nawalan ng buhay dahil sa ligaw na bala? Hindi pa ba nakakaalarma ang ganitong sitwasyon?

Paano nga ba nagsimula ang pagpapaputok na ito tuwing Bagong Taon? Ayon sa isang artikulo sa Moms Magazine na sinulat ng isang Nathan Maliuat, nagsimula ang pagpapaputok na ito ng mga firecrackers sa pagsapit ng bagong taon sa bansang Tsina. Noon daw unang panahon, pinaniniwalaan ng mga Tsino na nililigalig ng isang halimaw na tinatawag na Nian ang kanilang mamamayan at nilulusob nito ang mga nayon. At ginagamit ng mga Tsino noon ang mga paputok o firecrackers upang maitaboy ang halimaw. At dahil naniniwala silang sa pagsapit ng bagong taon lumalabas si Nian, nakagawian na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon upang maitaboy ang halimaw na ito, o sa kasalukuyang termino, ay masamang espiritu.

Ngunit sa tindi na ng mga armas na naimbento ng tao, may laban kaya ang halimaw na ito? At dahil itinuturing na ngayon ito na masamang espiritu, aba'y di uubra ang anumang armas dito. Kaya itinataboy na lang ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

Subalit ang paniniwalang ito'y bakit ipinagpapatuloy pa natin? Di naman tayo Tsino. Bakit kailangan nating itaboy ang masasamang espiritu sa pamamagitan ng paputok, gayong hindi naman talaga sila naitataboy? Palilipasin lang nila ang ingay at usok ng ilang oras ay baka makapasok na sila. Para ba itong tunnel na lumilitaw lang pagsapit ng alas-dose at sa oras na iyon papasok ang masamang espiritu? Kayrami pa rin namang masasamang espiritu na naglipana, na karamihan ay nasa kalakalan at nasa pamahalaan, mga tiwaling trapo o traditional politician. 

Hindi ba't ang mga masasamang-loob na trapo ang sila pang nagpapaputok, di lang ng labintador, di lang ng baril, kundi ng mabahong utot ng katiwalian? 

Hindi ba't ang mga tusong kapitalista ay hindi maitaboy ng mga paputok kaya patuloy ang mababang pasahod at salot na kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa?

Hindi ba't ang masamang espiritu ng trapik ay hindi pa rin mawala at patuloy pa rin ang masikip na trapiko sa tuwid na daan tulad ng Edsa? 

Hindi ba't sa kabila ng taun-taong pagpapaputok upang maitaboy umano ang masamang espiritu, talamak pa rin ang korupsyon sa pamahalaan, at di pa rin maibigay ang kahilingan ng mga guro at karaniwang manggagawa sa pagtaas ng kanilang sahod, na di makasabay sa pagtaas ng mga bilihin, gayong kayrami palang savings ng pamahalaan na pawang badyet na hindi ginamit. At kung ginamit man ay hindi nagamit ng tama, tulad ng palagiang paghuhukay sa kalsada, at iiwanang nakatiwangwang?

Ano nga ba ang itinataboy na masamang espiritu ng mga paputok na ito gayong paglipas lang ng ilang oras o araw ay mapapawi na ang usok na ito na nagdudulot ng polusyon? At pagpawi ng mga usok na ito ay nandyan na uli ang masamang espiritu? Balewala rin.

Ang dapat nating gawin, kababayan, imbis na gastusin sa pambili ng paputok ang iyong perang pinaghirapan, aba'y ipambili mo na lang ng pagkain. Imbes salubungin sa paputok ang bagong taon, aba'y mag-ingay na lang tayo at kalampagin ang kaldero (mas malakas na pagkalampag na higit pa sa pagkalampag ng nagugutom na preso sa bilibid). Hindi ba't maitataboy din ng mga ingay ang masasamang espiritu para di sila makapasok sa bagong taon at maiwan na sila sa lumang taon? Dagdag pa rito, naglipana sa kalye ang nagbebenta ng watusi, at nabebentahan nito ay ang mga kabataang wala pang sampung taong gulang. Pinapayagan ba ito ng pamahalaan? May balita nga na may batang nakalunok ng watusi. Maaari ring magdulot ng sunog ang watusi.

Huwag na nating tangkilikin ang mga paputok. Huwag na tayong bumili ng pampaingay lang na maaari pang makadisgrasya. Palitan na rin natin ang dahilan ng pagsalubong sa bagong taon, di ang pagtataboy sa masamang espiritu o kamalasan.

Sinasalubong natin ang bagong taon dahil nais natin ng mas masagana, mas maunlad, at mas mabuting taon para sa ating pamilya.

Huwag ring magpaputok ng baril dahil baka makapatay ng mga inosenteng bata o karaniwang mamamayan.

Dapat magtulung-tulong ang mamamayan sa bawat barangay, at huwag iasa lagi sa kapulisan o sa pamahalaan, na mapigilan ang sinumang nais magpaputok ng baril. Dapat kilalanin kung sino ang may baril sa inyong barangay upang malaman kung sino ang maaaring nagpaputok ng baril na naging dahilan ng kamatayan ng isang bata.

Kung nais makakita ng mga nagliliwanag na paputok lalo na sa himpapawid, iwan na lang natin ito sa mga eksperto sa paputok, hindi sa mga bata. Magtukoy na lang ng isang lugar kung saan magpapaputok at panoorin ang mga eksperto sa kanilang firecracker o firework displays.

Sa pinakabuod, kababayan, ito ang aking munting hiling. Palitan na natin ang paniniwala tungkol sa pagtataboy ng masamang espiritu kaya sinasalubong ng paputok ang bagong taon. Maaari pa namang mabago ang mga maling kaugalian o kultura.

Kung noon, uso ang pananakit sa bata upang madisiplina sila, tulad ng sinasabi ni Padre Damaso sa Noli Me Tangere, ngayon po ay bawal na iyon, lalo na sa usaping karapatan ng mga bata, na nakasaad sa Convention on the Rights of the Child.

Kung noon ay hindi pinaboboto ang kababaihan, ngayon po ay nakakaboto na ang kababaihan nang maipanalo ng mga kababaihan ang universal suffrage, na karapatang bumoto at oportunidad na makaboto nang walang pinipiling kulay ng balat, paniniwala, yaman, kasarian, o kalagayan sa lipunan.

Ganito rin sa pagsalubong sa bagong taon. Baguhin na natin ang kinaugalian. Ipagbawal na ang mga paputok, upang wala nang madisgrasyang mga bata, upang wala nang maputulan ng daliri, upang di na nag-aabang ng mga naputukan ng daliri sa mga ospital, upang makapagpahinga at makasama ng mga doktor at nars ang kanilang pamilya sa bagong taon.

Maging mapagmasid tayo, at tiyaking hindi makapagpapaputok ng baril ang sinumang may baril, lisensyado man o wala. 

Ang paputok ay nakasasama sa kalusugan, di pa dahil sa naputulan ng daliri, kundi dahil ito'y toxic o nakalalason. Kaya nga ang EcoWaste Coalition ay taun-taon na may kampanyang Iwas Paputoxic dahil nakasasama umano ito sa kalusugan, at maaari pang makapagdulot ng sunog at kalat sa maraming lugar.

Ang pagpapaputok ng baril sa ere upang sabayan lang ang ingay ng bagong taon ay dapat nang matigil. Dapat patindihin pa ng kapulisan ang pagtukoy kung sino ang may mga loose firearms o yaong naglipanang baril na walang lisensya. At dapat mismong mga may tsapang may baril ay tiyaking di sila magpapaputok ng baril sa bagong taon.

Inaakala ng mga batang walang muwang na natural lang ang pagpapaputok ng labintador sa pagsalubong sa bagong taon. Pag naputulan na sila ng daliri, saka lang sila magsisisi. Malaki na ang nawalang oportunidad sa kanila. Kung nais nilang magpulis o magsundalo, o kaya'y magpiloto ng eroplano, baka yaong kulang sa daliri ay hindi rin matanggap. Magkano ang sinusunog nilang perang imbis na ipambili ng pagkain ay ipambibili ng paputok, at kapag naputukan ay ipambibili ng gamot. Hindi naman libre ang gamot sa naputukan, dahil pag nasugatan ka, ikaw pa rin ang gagastos. 

Sasagutin ba ng mga manufacturer ng paputok ang pampagamot at pambili ng gamot ng mga naputukan? Hindi! Pero limpak-limpak na tubo ang kanilang kinikita sa nakamamatay nilang produkto! Wala silang pakialam sa iyo! Pakialam lang nila ay bilhin mo ang kanilang produkto para sila kumita, lumaki ang tubo, at lalong yumaman. Samantalang ikaw, pag nasugatan sa paputok, nganga.

Basahin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 7183, o "An Act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers and other pyrotechnic devices" at baka sakaling makatulong ito sa atin, lalo na sa kampanya laban sa paputok. Makikita ito sa http://www.chanrobles.com/republicactno7183.htm.

Basahin rin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 10591 o ang “Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations thereof” na isinabatas noong ika-29 ng Mayo 2013. Makikita ito sa http://laws.chanrobles.com/republicacts/106_republicacts.php?id=10246.

Kababayan, halina't ingatan natin ang ating mga anak, ang ating pamilya, ang ating kapwa. Panahon nang simulan natin sa ating mga sarili ang pag-iwas sa paputok, at pagbabago ng kulturang nakakadisgrasya sa maraming kabataan.

Kung hindi natin ito sisimulan ngayon, ilan pang bata ang mawawalan ng daliri sa pag-aakalang sa pagpapaputok dapat simulan ang pagsalubong sa bagong taon? Ilan pang tao ang mamamatay sa tama ng ligaw na bala dahil sa mga siraulong nais kalabitin ang gatilyo ng baril kasabay ng ingay ng mga paputok?

Anong klaseng kultura ang ipababaon natin sa mga susunod na salinlahi kung patuloy ang ganitong pagpapaputok? Ikaw, ano ang mga panukala mo upang maiwasan na ang mga napipinsala ng paputok at namamatay sa tama ng ligaw na bala? Di sapat ang salitang "sana", dapat may gawin tayong tama. Panahon na upang baguhin natin ang ganitong sistema!

Nawa, kababayan, ay may makinig sa munting mensaheng ito. Maraming salamat sa iyong matiyagang pagbabasa.

Mabuhay ka!

Lubos na gumagalang,

Gregorio V. Bituin Jr.

Martes, Agosto 11, 2015

Ang Bitukang Manok sa Pasig, Atimonan, Daet at sa Kasaysayan ng Katipunan

ANG BITUKANG MANOK SA PASIG, ATIMONAN, DAET AT SA KASAYSAYAN NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Oktubre 9, 2014, kami sa Climate Walk ay tumahak sa tinatawag na Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon. Iyon ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko. Dahil ang alam kong Bitukang Manok ay nasa Lungsod ng Pasig, na kadalasang tinatalakay namin sa usaping kasaysayan, lalo na sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang Bitukang Manok sa kasaysayan ng pakikibaka ng Katipunan dahil pinagpulungan iyon ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio. Tatlong historyador ang nagbanggit nito. Ang dalawa ay kaibigan ko at kasama sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan).

Ang Climate Walk ay isang kampanya para sa Katarungang Pangklima o Climate Justice, at isang mahabang lakbayan, o lakaran mula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang sa Tacloban (Ground Zero) na aming isinagawa mula Oktubre 2, na Pandaigdigang Araw ng Hindi Paggamit ng Dahas (International Day on Non-Violence), hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko ay hindi isang ilog, kundi isang paliku-likong daan. Tinawag na Bitukang Manok dahil animo'y bituka ng manok na paliku-liko ang daraanan. Dito nga kami sa Climate walk tumahak, at habang naglalakad dito'y nagsulat ako ng tula sa aking maliit na kwaderno. Nakita ni kasamang Albert Lozada ng Greenpeace ang pagsulat ko ng tula, kaya ipinatipa niya iyon sa akin sa kanyang cellphone, na siya naman niyang ipinadala sa tanggapan ng Greenpeace upang i-upload sa kanilang website. Narito ang tula:

PAGTAHAK SA BITUKANG MANOK
11 pantig bawat taludtod

Tinahak namin ang Bitukang Manok
Na bahagi ng mahabang Climate Walk
Kaysasaya naming mga kalahok
Nag-aawitan, di nakakaantok

Napakahaba man nitong lakaran
Ay makararating din sa Tacloban
Lalo't kaysaya ng pagsasamahan
Ang pagod ay tila 'di namin ramdam

Sariwang hangin, walang mga usok
Dito'y gubat na gubat pa ang bundok
Kay sarap dito sa Bitukang Manok
Kahit 'di namin narating ang tuktok.

- Bitukang Manok, Atimonan, Quezon, Octubre 9, 2014

Ang tulang ito'y nalathala sa website ng GreenPeace na in-upload doon ni Jenny Tuazon. Maraming salamat sa inyo, Greenpeace! Mabuhay kayo!

Ang ikatlong Bitukang Manok ay nahanap ko sa internet. At ito'y nasa rehiyon ng Bikol, nasa Daet, Camarines Norte. Ito'y nasa kahabaan ng national highway malapit sa hangganan ng Camarines Sur at Camarines Norte, at nasasakupan ng Bicol National Park.

Ang unang Bitukang Manok na alam ko, bago naging bahagi ng kasaysayan ng Katipunan, ay isang kaharian sa panahon ni Dayang Kalangitan (na isinilang ng 1450 at namatay ng taon 1515). Siya ang tanging reynang namuno sa Kaharian ng Tondo, at nagtatag din ng maliit na kaharian sa makasaysayang Bitukang Manok, na nasasakop ng Pasig. Si Dayang Kalangitan ang panganay na anak ni Raha Gambang na itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng kaharian. Noong araw, nang hindi pa nasasakop ng mga Kastila ang bansa, nasasakop ng Tondo ang malaking bahagi ng lupain, kasama na ang Pasig.

Nang mamatay ang kanyang ama, si Dayang Kalangitan ang humalili. Napangasawa niya si Gat Lontok, na nang lumaon ay naging Raha Lontok, na hari ng Tondo. Sinasabing ang pamumuno ni Dayang Kalangitan ay katulad ng pamumuno ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan.  Napangasawa ng anak niyang babaeng si Dayang Panginoon si Prinsipe Balagtas ng Namayan, at anak ni Emperatris Sasaban. Ang anak ni Dayang Kalangitan na si Salalila ang humalili sa kanya, at nang nagpasakop na si Salalila sa Islam, napalitan na ang kanyang pangalan ng Sulaiman, na sa kalaunan ay naging ang makasaysayang si Raha Sulaiman na siyang hari ng Tondo.

Ang nasabing Bitukang Manok sa Pasig ang naging pulungan ng mga Katipunero noong panahon ni Bonifacio. Ayon kay Ed Aurelio Reyes (1952-2015) ng Kamalaysayan, noong maagang bahagi ng Mayo 1896, panahon ng peregrinasyon sa Birhen ng Antipolo, isang armada ng labimpitong bangka ang gumaod mula sa Quiapo, sakay ang mga pinuno ng iba't ibang konsehong panlalawigan ng Katipunan. Pinangungunahan ito ni Gat Andres Bonifacio. Nakarating sila sa bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, at sinalubong sila ni Gen. Valentin Cruz, sa isang pagtitipon na tinawag na "Asamblea Magna". Sa Bitukang Manok idinaos ng mga Katipunero ang pulong kung saan napagpasyahan nilang simulan ang digmaan laban sa Espanya. Bagamat may pag-aatubili ang ilan hinggil sa pasyang ito, lalo na si Emilio Aguinaldo ng Cavite, ang Pagpapasya sa Bitukang Manok ang isang desisyong pinagkaisahan at pinagtibay ng mga Katipunero mula Batanes hanggang Cotabato.

Ayon naman ay Jose Eduardo Velasquez, ikalawang pangulo ng Kamalaysayan at batikang historyador ng Pasig na humalili kay Carlos Tech na nakapagsagawa ng panayam kay Heneral Valentin Cruz noong 1956, ang plano ng Katipunan sa matagumpay na Nagsabado sa Pasig ay pinagpulungan sa Bitukang Manok. Kasabay ng pagkatalo ng mga Katipunero sa Pinaglabanan sa San Juan, nagtagumpay naman ang mga Katipunero sa Pasig noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado. Pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop. Isandaang taon matapos ang tagumpay ng Nagsabado sa Pasig, nananatiling buhay sa diwa ng mga Pasigenyo ang kabayanihan ng mga Katipunero at ipinagdiwang nila ang sentenaryo nito noong Agosto 29, 1996.

Ayon naman kay Pablo S. Trillana, mula sa Philippine Historical Association, sa pulong ng Mayo 4, 1896 sa Bitukang Manok, kinausap ni Supremo Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang kausapin si Jose Rizal hinggil sa sisimulang rebolusyon. Naganap ang pulong nina Rizal at Valenzuela sa Dapitan sa Mindanao noong Hunyo 21-22, 1896, dalawang buwan bago ilunsad ng Katipunan ang himagsikan. Tinanggihan ni Rizal ang alok ni Bonifacio, dahil para kay Rizal, hindi pa hinog ang himagsikan.

Animo'y sawa ang kailugan ng Bitukang Manok na isang mayor na bahagi ng Ilog Pasig. Tinawag ito ng mga Espanyol noon na "Rio de Pasig" (o Ilog ng Pasig), ngunit patuloy pa rin itong tinawag ng mga mamamayan doon na Bitukang Manok. Ang Bitukang Manok ay dumurugtong sa Ilog ng Antipolo. Noong ika-17 hanggang ika-20 siglo, maraming lakbayan patungong Simbahan ng Antipolo ang tumatahak sa kahabaan ng Bitukang Manok. Kahit ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage ay labing-isang ulit na pabalik-balik na dumaan sa Bitukang Manok. Noong ika-18 siglo, tinayuan ito ng mga mestisong Tsino ng kongkretong tulay na estilong pagoda na tinawag na Pariancillo Bridge, na sa kalaunan ay naging Fray Felix Trillo Bridge bilang pagpupugay sa kilalang pastor ng Pasig.

Ang Bitukang Manok ngayon sa Pasig ay isa nang naghihingalong ilog, dahil imbis na protektahan ang ilog ay tinayuan ito ng mga komersyal na establisimyento. Ito'y nasa 3.6 kilometro mula sa kinatatayuan ng McDonalds hanggang sa kinatatayuan ng pabrikang Asahi Glass sa Pinagbuhatan sa Pasig.

Tulad ng iba pang mahahalagang pook sa bansa, makasaysayan ang Bitukang Manok sa Pasig at hindi ito dapat mawala o masira. Dapat itong pahalagahan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:
The Featinean publication, July-October 1996, pages 28-29
https://en.wikipedia.org/wiki/Dayang_Kalangitan
http://filipinos4life.faithweb.com/Pasig.htm
http://filipinos4life.faithweb.com/Joe-ed-pasig.htm
http://www.mytravel-asia.com/pois/100343-Bitukang-Manok
http://wikimapia.org/5620018/Bitukang-Manok-Marker-Pariancillo-Creek
http://www.pasigcity.gov.ph/subpages/historical.aspx
http://opinion.inquirer.net/59679/bitukang-manok-fork-in-road-to-revolution

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Agos ng Kasaysayan: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa

AGOS NG KASAYSAYAN: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buwan ng Kasaysayan ang buong buwan ng Agosto. Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 339, na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Pebrero 16, 2012, napalitan ang dating Linggo ng Kasaysayan na ginugunita tuwing Setyembre 15 hanggang 21, at ang buong Agosto'y ginawa nang Buwan ng Kasaysayan. Maganda ito pagkat sa pagpapahalaga natin sa ating kasaysayan ay lalo nating nakikilala ang ating sarili at ang pangangailangang suriin ang nakaraan upang paghalawan ng aral para sa kasalukuyan at sa hinaharap. Minsan, sinabi ng asawa ni Gat Andres Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Kaya mahalagang balikan natin ang ating kasaysayan, magbasa, magnilay, lalo na ang buwan ng Agosto, kung saan maraming naganap na mahahalagang pangyayari. Agos 'to ng kasaysayan na magandang paghalawan natin ng aral.

PAGSILANG NG BANSA NOONG AGOSTO 24, 1896

Ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Noong Agosto 19, 1896, nadiskubre ng pamahalaang Kastila ang Katipunan o Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan. Dahil dito'y napilitan si Bonifacio na ideklara ang himagsikan sa pamamagitan ng pagpupunit ng sedula ng halos isang libong katipunero bilang simula ng pag-aaklas laban sa mga Kastila. Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging ganap nang pamahalaan. Isinilang na ang isang bansa. Kaya bago pa ang pagdedeklara ng kalayaan sa Kawit ay may bansa na tayong kinikilala. Noong Agosto 29, 1896, sabay-sabay na nag-aklas ang iba't ibang sangay ng Katipunan laban sa hukbong Kastila. Pinangunahan ni Bonifacio ang madugong labanan sa San Juan Del Monte o mas kilala ngayong Pinaglabanan. Ito ang unang malawakang pagkatalo ng Katipunan sa labanan.

UNANG TAGUMPAY NG KATIPUNAN, AGOSTO 29, 1896

Kasabay ng labanan sa San Juan ang unang tagumpay ng mga Katipunero sa Pasig noong 1896. Sa naganap na Nagsabado sa Pasig ay nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang araw na naganap ang Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop.

PAGTAPOS NG DIGMAAN LABAN SA JAPAN

Ang pagbagsak ng dalawang bomba atomika sa Hiroshima (Agosto 6, 1945) at Nagazaki (Agosto 9, 1945) noong Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay trahedya sa bansang Japan, na sumakop sa ating bansa noong 1941 hanggang sa matigil ang digmaan noong 1945. Dahil dito'y sumuko ang Japan, at maraming mga kababayan natin ang nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang bayan laban sa mga mananakop.

TRAHEDYA NG AGOSTO 21

Noong Agosto 21, 1971, namatay ang siyam katao at nasugatan ang 95 iba pa sa naganap na pagbomba sa Plaza Miranda. Ilan sa nasugatan dito ay ang mga senador noon na sina Jovito Salonga at Eva Kalaw. Isa ito sa itinuturong dahilan upang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang batas-militar. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang naman sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Ninoy Aquino. Ang pangyayaring ito ang isa sa nagtulak upang magsama-sama ang taumbayan at patalsikin si Marcos sa pwesto sa pamamagitan ng People's Power. Ang dalawang Agosto 21 na ito ang dahilan ng pagdedeklara ni Marcos ng batas militar at pagpapatalsik kay Marcos sa katungkulan.

ANG 3-D SA PAG-AARAL NG KASAYSAYAN

Mahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan ay hindi yaong pagsaulo lamang ng mga petsa, pangalan ng tao at lugar, na tulad ng nakagawian sa paaralan. Mahalaga sa pagsipat na ito ang 3-D na pagsusuri sa kasaysayan. Ito'y ang Detalye, Daloy, at Diwa. Ang detalye ang lubos at maliwanag na ulat, sanaysay o kaalaman hinggil sa mga tao, bagay at pangyayari sa kasaysayan. Ang daloy naman ang balangkas upang maipaliwanag nang maayos ang mga detalye dahil mahalaga ang pag-unawa at hindi dapat magmemorya lamang nang hindi nauunawaan. Ang ikatlo ay ang diwa o pangkalahatang pananaw, katwiran, katuturan o kaluluwa ng kasaysayan.

Upang ipaliwanag ito, balikan natin ang naganap noon kina Magellan at Datu Lapulapu. Ayon sa kasaysayan, napatay sa labanan si Magellan ng mga katutubo sa pangunguna ni Lapulapu noong Abril 27, 1521. Naging kolonya naman ng mga Kastilang mananakop ang bansa noong 1565 nang itinalaga ni Haring Philip II (nanungkulan bilang hari ng Espanya mula 1556 hanggang 1598) si Miguel Lopez de Legazpi bilang unang Gobernador-Heneral ng kapuluan. Anong esensya ng dalawang petsa? Ipinagpaliban ni Lapulapu sa loob ng 44 taon ang pananakop ng mga Kastila.

ANG KAHALAGAHAN NG KASAYSAYAN SA URING MANGGAGAWA

Kinikilala ng mga manggagawang Pilipino si Gat Andres Bonifacio bilang kanilang bayani. Pagkat bukod sa rebolusyonaryo, manunulat, makata, at artista sa teyatro si Bonifacio, tulad nila, ay manggagawa rin. Hindi lang nagtinda si Bonifacio ng pamaypay at baston upang suportahan ang kanyang mga kapatid, kundi nagtrabaho rin bilang mandatorio (o pinag-uutusan) para sa kumpanyang British na Fleming and Company, hanggang siya'y maging korehidor o tagapangasiwa ng tar, ratan at iba pang kalakal. Sa kalaunan ay napalipat siya sa kumpanyang Aleman na Fressell and Company, kung saan nagtrabaho siya bilang bodeguero o tagapangasiwa ng bodega. At bilang manggagawa, kinikilala rin siya ngayon ng marami bilang unang pangulo ng Pilipinas, dahil bilang Supremo ng Katipunan, natransporma na ang Katipunan bilang rebolusyonaryong pamahalaan at isinilang ang bansa nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng kalayaan mula sa mananakop.

Paghanguan natin ng aral ang kasaysayan, hindi lamang ng ating bansa, kundi ng ating mga kauring manggagawa sa daigdig. At mula doon ay sumulong tayo sa ating adhikaing itayo ang lipunan ng uring manggagawa. Nariyan ang mga ginintuang aral sa Komyun ng Paris noong 1871 at sa Haymarket Square sa Chicago noong 1886.

Bilang manggagawa, iniwan sa atin ni Gat Andres ang mahalagang aral na kanyang isinulat sa akdang "Ang Dapat Mabatid...": "Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."

Mga pinaghalawan:
The Featinean, opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng FEATI University, Hulyo-Oktubre 1996
Aklat na KAMALAYSAYAN: The Sense of History Imperative for Filipinos, Setyembre 2010, ni Ed Aurelio C. Reyes
http://www.gov.ph/2012/02/16/proclamation-no-339-s-2012/
http://gatandresbonifacio.blogspot.com/2010/05/ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog.html
http://tupangpula.blogspot.com/2008/11/ang-supremo-at-pangulong-andres.html

* Ang akdang ito'y orihinal na sinulat ng may-akda bilang paksang nakatoka sa kanya para sa isang pahayagang pangmanggagawa na maglalathala ng isyung Agosto 2015.

Martes, Agosto 4, 2015

Ang pagkilos ni Monique Wilson para sa karapatan ng kababaihan

ANG PAGKILOS NI MONIQUE WILSON PARA SA KARAPATAN NG KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natuwa ako sa pamagat ng isang sulatin hinggil sa artistang si Monique Wilson. Ayon sa pamagat, "EXCLUSIVE: Monique Wilson focuses on women’s rights instead of showbiz" na sinulat ni Jeff Fernando para sa ABS-CBN. Makikita ito sa kawing na http://push.abs-cbn.com/features/25189/exclusive-monique-wilson-focuses-on-womens-rights-instead-of-showbiz/. Naibahagi ang kawing na ito sa facebook.

Bakit ako natuwa? Dahil napaisip ako kung ano talaga ang dahilan kung bakit nakikibaka siya para sa karapatan ng kababaihan. Sa pamagat pa lang, ang una kong naisip ay ang naging papel niya sa pelikulang Laro sa Baga kung saan naging asawa niya ang bidang lalaking si Carlos Agassi, ngunit inapi siya nito at iniwan. Ang ginawa niya ay hiniwa niya ang ari ng lalaki habang ito'y natutulog. Bida sa pelikulang ito ang magandang si Ara Mina.

Ang eksenang iyon ang agad pumasok sa utak ko, dahil marahil matindi ang dating ng eksenang iyon sa kanya bilang babae, bilang kasintahan, bilang asawa, bilang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan. Sa pelikula, niligawan ni Ding (Agassi) si Emy (Wilson), at nabuntis ang babae. Dahil dito'y ikinasal sila sa pamamagitan ng shotgun wedding, kung saan ang ama ng babae na pinapelan ni Dick Israel ang siyang pasimuno.

Matindi ang sekwal sa pelikula, lalo ang pang-aabusong sekswal, pagkat hindi lang ito nakapaikot kina Ara Mina (Dee) at Carlos Agassi (Ding), kundi sa ina ni Ding na si Angel Aquino, dahil sa bandang huli, ang libog ng lalaki'y pinaraos niya sa kanyang ina. Ang ganitong pelikulang may mga gawad parangal ay nakapagpapaisip ng malalim, lalo na sa kababaihan, kaya naisip ko ang matinding impresyon nito kay Monique.

Binasa ko ang balita, si Monique Wilson ay isa nang Global Coordinator ng One Billion Rising at walang tigil ang kanyang pagbisita sa iba't ibang bansa para sa mga proyekto nila. Sinabi ni Monique sa panayam, "Nakakakuha ako ng energy sa mga communities talaga. You know our amazing community nanays and the young people sa community, you know lahat ng issues na ipinaglalaban natin for One Billion Rising are their daily reality." 

At idinagdag pa niya, "Yung calling na talagang nasa loob ko na to really serve more kasi you know what, I’ve been in show business for how long ang tagal tagal na. I’ve been in the theater since I was nine. I feel so blessed with my career ang dami ko na nagawa kaya it’s time to give back. Sometimes nami-miss ko talaga pero mababalikan mo naman lahat ‘yan, ‘di ba? I’m only 44 so feeling ko rin there’s so much you can do if you go back pero ang mga urgency ng mga issues ngayon concerning women and girls it cannot wait na.”

Hinanap ko kung babanggitin niya na isa sa nakapagpamulat sa kanya ang papel niyang ginampanan sa pelikulang Laro sa Baga bilang inaping asawa ngunit wala. Marahil ay nasa ibang panayam, o marahil ay wala. Ngunit palagay ko'y isa sa nakapagmulat sa kanya ang kanyang papel sa pelikula. Kaya naiisip ko na lang na marahil, may diin sa kanyang diwa ang danas at aral ng kanyang papel sa pelikulang iyon upang kumilos para sa karapatan ng kababaihan. Ang pelikulang Laro sa Baga ay mula sa nobela ng namayapang batikang manunulat at nobelistang si Edgardo M. Reyes. Si Reyes ang isa sa limang tungkong kalan ng pangkat na Mga Agos ng Disyerto, isang samahan ng mga kwentistang makamasa, na nagdiwang ng kanilang ika-50 o ginintuang anibersaryo nitong 2014. 

Napanood ko ang pelikulang Laro sa Baga, hindi sa sinehan, kundi sa isang parangal at pagtitipon ng mga taong umiidolo kay Edgardo Reyes ilang araw o linggo pagkamatay nito. Doon ko nakadaupang-palad ang dalawa pang natitirang kasapi ng Mga Agos sa Disyerto, ang mga manunulat na sina Efren Abueg at Rogelio OrdoƱez.

Kung ang papel ni Monique Wilson sa pelikulang Laro sa baga ang isa sa nakapagmulat sa kanya sa pakikibaka para sa karapatan ng kababaihan, nakita ko naman ang papel ko bilang manunulat bilang tagapagkwento ng mga totoong nangyayari sa lipunan at bilang impluwensiya sa mga mambabasa upang kumilos, lalo na sa pakikibaka para sa ating karapatan. Hindi ko man natagpuan ang aking hinahanap sa artikulo, ang maisip lamang na marahil ay isa ang Laro sa Baga sa nakaimpluwensiya kay Monique ay sapat na upang aking pagbutihin ang bawat pagkatha ng kwento, sanaysay at tula.

Maraming salamat, Monique, dahil isa kang inspirasyon sa maraming kababaihan, lalo na sa estado mo bilang isang internasyunal na aktres. Mabuhay ka at ang iyong pagkilos para sa kababaihan.

Ang kababaihan ang kalahati ng daigdig. At sabi nga sa Kartilya ng Katipunan na itinaguyod ng mga bayaning sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto: "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.” Halina't bigyan natin ng pantay na pagtingin ang lalaki't babae, at ang lahat ng tao, at igalang ang bawat isa. Sadyang mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. At ito, sa wari ko, ang nais sa ating ipaabot ni Monique Wilson.

Sabayan natin ang mga kababaihan sa kanilang pagkilos para sa pantay na karapatan, hindi lamang tuwing Marso 8, na Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day), hindi lamang tuwing Nobyembre 25, Pandaigdigang Araw Upang Mapawi ang Karahasan Laban sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women), kundi sa bawat araw na sila'y ating nakakasalamuha.

Panghuli, isa pa kung bakit natuwa ako kay Monique ay dahil sa kanya ipinangalan ng nakatatanda kong kapatid na babae ang ikalawa niyang anak na babae, na pamangkin ko at inaanak na si Monique. Ipinangalan iyon sa kanya ng aking Ate dahil idolo siya ni Ate sa kanyang pag-awit, dahil pareho rin silang maganda ang tinig at magaling umawit.

Sabado, Agosto 1, 2015

GloBasura: Ang Globalisasyon ng Pagtatapon ng Basura

GLOBASURA: ANG GLOBALISASYON NG PAGTATAPON NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang Pilipinas ang bagong Payatas. Tapunan ng basura, di lamang sa isang rehiyon, kundi ng mapangyarihang bansang malayo sa kanyang kinapapaloobang rehiyon. Pilipinas ang tapunan ng basura ng bansang Canada, isang maunlad at malaking bansang katabi ng makapangyarihang Estados Unidos.

Unang inilagak sa bansa ang limampung container van na puno ng mga basura galing Canada, at ilang buwan pa ang nakaraan ay nadagdagan ito ng apatnapu't walo, galing pa rin ng Canada.

Hindi na ito usapin ng soberanya tulad ng ipinahahayag ng maraming pangkat pangkalikasan. Usapin ito ng Globasura o globalisasyon ng pagtatapong ng basura.

Kung ating matatandaan, nagsimula ang pakikipagniig ng bansa sa globalisasyon nang pumirma ang bansa sa World Trade Organization (WTO) noong 1995, sa pamamagitan ni dating Senador at naging pangulong Gloria Macapal Arroyo.

Pumutok naman ang usapin ng pagtatapon ng basura sa isyu ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) kung saan nagkaisang makibaka laban dito ang kilusang paggawa at mga pangkat pangkalikasan. Maraming usapin sa makapal na dokumentong JPEPA, tulad ng pangisdaan, trabaho para sa mga nars na Pinay, manggagawa, industriya, ngunit ang ipinagngitngit ng mga pangkat pangkalikasan ay ang pagtatapon sa Pilipinas ng mga basurang galing Japan kapalit ng trabahong ibibigay para sa mga nars na Pinay. Bakit ganoon?

Ilang ulit kaming nagrali sa tapat ng Senado, at nagkaroon pa ng talakayan sa loob ng Senado hinggil sa isyung JPEPA kasama ang ilang senador at ang mga nagpoprotestang pangkat pangkalikasan. Panahon iyon bago dumikit sa kamalayan ng publiko ang tanong na "nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?" na tila ba nagbabadya ng mangyayari sa Pilipinas kung aaprubahan ng Pilipinas ang JPEPA. Maliligo ang Pilipinas, o ang mga Pilipino sa dagat ng basura.

Iyan na ang simula ng pag-arangkada ng globalisasyon sa usaping basura. At mula sa JPEPA na nasubaybayan ng mga matitinik nating mga pangkat pangkalikasan, aba'y biglang nakalusot naman ang mga konte-container van na basura galing sa Canada. Wala tayong kamalay-malay na iyan na ang pagpapatupad ng GloBasura - globalisasyon ng mga basura - at ang unang biktima ng globalisasyong ito sa ating rehiyon ay ang Pilipinas.

Hindi sana problema ang globalisasyon kung dulot nito'y pagkakaisa ng uring manggagawa, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at pagdadamayan ng bawat isa. Ngunot hindi. Ito'y globalisasyong pakana ng mga kapitalista. Globalisasyong ang hangad ay kontrolin ang mga pabrika sa buong mundo at alipinin ang mga manggagawa, tulad ng makina at sinaunang alipin. Etsapuwera ang manggagawa. Etsapwera ang masa, ang dukha, ang mga naghihirap, ang buong sambayanan. Ang turing sa kanila'y kagamitan lang sa produksyon. Hindi sila tao tulad ng mga haring kapitalista.

Kaya ano ang aasahan natin sa globalisasyong ito kundi ang maging etsapwera rin tulad ng iba.

Kaya nga ang turing ng mayayamang bansa tulad ng Japan at Canada sa Pilipinas ay malayong pook na maaari nilang pagtapunan ng kanilang basura. Basurahan ang Pilipinas ng ibang bansa. Nagaganap na ang globalisasyon ng pagtatapon ng basura.

Kaya usapin ba ito ng soberanya? Hindi. Ginagamit lang natin ang isyung soberanya bilang pagbabakasakali. Pagbabakasakaling mapahiya ang Canada sa paningin ng buong mundo at kunin nila ang basurang itinambak nila sa atin.

Dahil kung usapin ito ng soberanya o kalayaan ng Pilipinas na itapon lang ang sarili nating basura sa sariling bayan, ang tanong: bakit nagtatapon din ng basura ang Pilipinas sa lalawigan ng Tarlac kung ayaw ito ng mga tao roon. Pagtinging mikro. Kung sa Lungsod Quezon, bakit pagtatapunan ang Payatas kung ayaw ng mga tao roon. Soberanya? Pag sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na pagtapunan ng basura ang Tarlac o ang Payatas, may magagawa ba ang mga taga-Tarlac o taga-Payatas? Power of eminent domain? Usaping makro. Pag sinabi ng pamahalaan ng Canada na pagtatapunan nila ang Pilipinas, may magagawa ba ang Pilipinas? Panahon na ng salot na globalisasyon. Anong dapat gawin kung estapwera ang Pilipinas o minamaliit ng ibang bansa kaya pinagtatapunan lang ng basura? Anong sabi ng mga taga-DENR, hindi naman toksik ang basura kaya ayos lang. Ganyan ba dapat ang asal ng mga lingkod bayang nag-iisip ng soberanya? Hindi na nila maiisip ang soberanya sa panahon ng globalisasyon.

Mas pinag-uusapan nga ngayon ay ang paglabag ng Canada sa Basel Convention, at hindi naman ginagamit ng Pilipinas, pati ng mga pangkat pangkalikasan ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Wala bang nakasulat sa RA 9003 na maaaring makasuhan ang mga bansang nagtatapon ng basura nila sa Pilipinas? Kung mayroon man, magkano lang ang multa, na marahil ay mani lang sa Canada.

Dahil sa globalisasyon ng mga kapitalita, hindi na rin sinusunod ang tinatawag na Basel Convention, o yaong pandaigdigang tratado o kasunduan ng bansa sa iba pang bansa, na hinggil sa pagpigil na mailipat o mapadala ang mga mapanganib na basura mula sa mga maunlad na bansa patungo sa hindi pa maunlad na bansa. Ang buong pamagat ng tratadong ito ay Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal na nalagdaan noong Marso 22, 1989 sa Basel, Switzerland. Noong 1995, nais ng iba pang mga bansa na amyendahan ito, kaya nagkaroon ng panawagang Basel Ban Amendment na hindi pa nakakapirma ang Pilipinas. May butas kasing nakita sa Basel Convention kung saan ang isang bansa'y pinadadala sa ibang bansa ang kanilang basura na kunwari ay ireresiklo. Nais ng Basel Ban Amendment na isama na sa batas ang pagbabawal ng mga basurang iniluluwas sa ibang bansa para iresiklo.

Paparating pa ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation). Pagpapalitan ng kalakalan. Pagsasarehiyon ng mga pabrika. Paano ang pagtatapon ng basura? Pagtatapunan ba muli tayo ng ibang bansa, o tayo na ang magtatapon ng basura sa ibang bansa? Sa parehong punto, parehong mali. Bakit tayo pagtatapunan ng basura ng taga-ibang bansa, at bakit natin itatapon ang basura natin sa ibang bansa. Tapat mo, linis mo? Tapat ko, linis ko? Ang basurang iyong itinapon ay babalik din sa iyo! Pinagtatapunan ba ng basura ng mga dayuhan ang ating bansa dahil ang utak ng mga namumuno sa atin ay basura? Pulos katiwalian, pulos kurakutan, pulos basura ang nasa isip, dahil pawang sariling interes lang ang naiisip.

Tama lamang na pigilan natin ang pagtatapon ng basura ng mga taga-ibang bansa sa Pilipinas. Tama lamang iyon. Ngunit higitan pa natin ang panawagang iyon, dahil hindi na iyon usapin ng soberanya. Usapin na iyon ng globalisasyon kung saan ang ekonomya ng mga bansa ay pinag-iisa na nang hindi nahaharangan ng mga patakarang pambansa. Hindi ba't ang tatlong anak ng globalisasyon ay iyan ang kahulugan? Walang balakid. Sa deregulasyon, merkado na ang magdidikta ng presyo ng pangunahing mga bilihin at hindi na ang pamahalaan ng Pilipinas. Sa pribatisasyon, isinasapribado na ang mga pampublikong ahensya ng pamahalaan, tulad ng tubig at kuryente, at dahil pribado na, wala nang magagawa pa ang pamahalaan, dahil pribadong sektor na ang magpapatakbo ng mga mahahalagang ahensyang ito. Liberalisasyon. Pinaluwag na at malaya na ang mga mamumuhunan sa kanilang pang-ekonomya't pampulitikang pamumuhay, at hindi na sila maaaring diktahan ng pamahalaan.

Soberanya? Ano pang silbi ng pamahalaan sa panahon ng globalisasyon kundi pangdekorasyon na lamang. Kung may pamahalaan pa talaga, dapat hindi zero tariff ang buwis na iniluluwas dito sa bansa ng mga kumpanyang dayuhan.

At ang matindi nito, nais ng mga dayuhang mamumuhunan, at ilang mga pulitiko, na tanggalin na ang 60%-40% na pag-aari ng mga dayuhan sa Pilipinas, tulad ng lupa at pabrika. At magagawa lang nila ito sa pamamagitan ng ChaCha o Charter Change. Papayag ba tayo? Mula sa charter change tungo sa globasura? Masalimuot pa ang usaping ito ng globalisasyon.

Ngunit iisa lang ang maliwanag, hindi soberanya ang sagot sa globasura, kundi pagkakaisa ng uring pinagsasamantalahan laban sa uring mapagsamantala, pagkakaisa ng dukha at manggagawa sa uring kapitalista, pagkakaisa ng karaniwang tao laban sa burgesya upang itayo ang isang lipunang tunay na makatao, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, at itinuturing ang bawat isa na kapatid, kapuso, kapamilya, at pagtatayo ng isang sistemang nakabatay sa pantay-pantay na hatian ng yaman sa lipunan, at hindi sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon.

Sa ganitong paraan, ang nangyayari ngayong GloBasura ay maging pantasya o kwentong kanto na lamang ng mga bangag.

Huwebes, Hulyo 30, 2015

Lahat ng katinig sa Abakada ay maaaring magamit sa TI_A


LAHAT NG KATINIG SA ABAKADA AY MAAARING MAGAMIT SA TI_A
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Palaisipan ni Jose Marie Gallego sa lingguhang magasing Liwayway na may petsang Agosto 3, 2015, pahina 46, may isang tanong doon na hindi ko agad nasagutan. Apat na titik, ngunit may himaton naman. May sagot na iyong tatlong titik at isang titik na lamang ang kulang upang mabuo ang buong palaisipan. Ang sukat ng nasabing palaisipan o krosword ay 15 x 15, o 15 kahon sa pahalang at sa pababa.

Sa 10-Pahalang, ang tanong ay 'Anino'. Ang nabuo nang sagot ay TI_A. Sa 12-Pababa, ang tanong ay 'Palayaw ng babae', at ang nabuong sagot a _IRA. Maraming palayaw ang babae na maaaring Cira (palayaw ng Ciera), Dira (palayaw ng Indira, tulad ng pangalan ni Gandhi), Lira (na tinutugtog) o Mira (apelyido ng nakalaban noon ni Pacquiao sa boksing). Hindi maaaring ang sagot sa 'Anino' ay CIRA, dahil di palasak gamitin ang titik C sa wikang Filipino, maliban sa mga pangalan ng tao, kaya walang TICA. Hindi rin maaari ang DIRA, dahil wala akong alam na salitang TIDA. Kung LIRA naman, ang sagot sa anino ay TILA na hindi tugma, at kung MIRA, ang sagot sa anino ay TIMA, na hindi rin tugma, at wala akong alam na salitang tima. Kaya ang ginawa ko'y kinuha ang isang diksyunaryo upang tingnan kung ano ang angkop na salita.

Hinanap ko ito sa UP Diksyunaryong Filipino, at nais kong tingnan lahat ng katinig na lalapat sa sagot. Sinimulan ko sa tiba, sumunod ay sa tida, hindi sa tika (sumusunod na kasi sa bagong alpabeto ang nasabing diksyunaryo kung saan kasama na ang c, f, j, q, v, at x na nasa wikang Ingles). Iba ang natagpuan ko. Halos lahat ng titik sa lumang abakada ay may salitang maaaring ilapat sa TI_A.

Ginamit ko ang lahat ng katinig ng lumang alpabeto o Abakada natin. Ibig sabihin ay labinlimang katinig - b, k, d, g, h, l, m, n, ng, p, r, s, t, w, at y. At lahat ay may salitang lalapat para sa TI_A. Halina't isa-isahin natin.

tiba - pagputol ng puno ng saging; pagtanggap ng malaking bayad, pabuya o panalo

tika - pagsisisi

tida - dilaw na sinulid, ayon sa mga Ifugao

tiga - kolokyal ng tiga-; tigas sa Sebuwano at Waray

tiha - Waray o Espanyol sa tisa

tila - pagtigil ng ulan; animo, mistula, wari

tima - maliit na insekto sa damit

tina - pangkulay sa tela, buhok, at iba pa

tinga - munting pagkaing sumingit sa pagitan ng mga ngipin

tipa - pagtugtog ng intrumentong may tiklado tulad ng piyano o paggamit ng kasangkapan upang makasulat tulad ng makinilya o kompyuter

tira - pamumuhay sa isang pook; naiwan o naitabi

tisa - ginagamit na pang-atip; sa bilyar naman ay pulbos na inilalagay sa dulo ng tako

tita - tiyahin, kapatid o pinsang babae ng ama o ina

tiwa - parasitikong bulate sa tiyan ng baboy

tiya - kapatid o pinsang babae ng ama o ina; tita

Ang isinagot ko sa 10 Pahalang ay TILA, dahil sa pagbabakasakaling mali ang tanong na 'Anino' na dapat ay 'Animo' na tutugma sa sagot. Sadyang nakatutulong ang palaisipan upang maisip ang mga hindi agad maisip, tulad ng paghahanap sa angkop na nawawalang titik sa TI_A.

Siyanga, nabili ko ang magasing Liwayway sa Quezon Blvd. sa Quiapo sa halagang P25.00, 52 pahina kasama ang pabalat. At pitong taon na lang, sa 2022, ay sentenaryo na nito.

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Pagsakay sa Dyip

PAGSAKAY SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang dyip ang pangunahing anyo ng transportasyon sa bansa. Ito ang batayang sinasakyan ng mga mayorya sa lipunan, lalo na yaong walang sariling sasakyan. Natatandaan ko, bata pa ako noon nang unang sumakay ng dyip. Hindi ako nakaupo kundi nakatayo lang, dahil wala daw bayad ang hindi nakaupo, sabi ng tatay ko. Kung sumakay man ng dyip ang aking ama't ina na karga ako ay hindi ko pa iyon namalayan noon, kaya hindi ko natatandaan.

Bababa kami sa pagtawid ng tulay dahil ilog pa noon ang kalyeng Nagtahan sa Sampaloc. Una kong sinakyang palagi ang biyaheng Balic-Balic - Bustillos, lalo na tuwing Linggo dahil kailangang magsimba kasama ang aking mga magulang at kapatid. Dalawa kasi ang simbahan sa Bustillos, na M. Earnshaw na ngayon. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT.

Nang magsimula akong tumuntong sa sekundarya o high school, nagsimula na akong araw-araw sumasakay ng dyip, dalawang biyahe papasok at dalawang biyahe pauwi. Sasakay ng biyaheng Balic-Balic - Quiapo, at sasakay naman ng Quiapo - Pier para makarating ng aming paaralan na nasa Intramuros.

Ang dyip ay isang simbolo. Nang minsang pumunta ako ng ibang bansa, sa bayan ng Mae Sot na nasa hangganan ng Thailand at Burma, may babaeng Burmes na nagpakita sa akin ng isang laruang dyip na naka-displey sa kanilang opisina. Noong una'y di ko agad napansin na dyip pala iyon, parang match box, dahil bihira naman ang laruang ganuon sa Pilipinas. Pero sa ibang bansa, may laruang dyip, at alam nilang sa Pilipinas lang mayroong ganuong uri ng pampublikong transportasyon. Ipagmamalaki mong Pinoy ka sa ibang bansa dahil sila pa ang nagpakita ng pagkilala sa iyong kultura.

Gayunman, may mga sinakyan din kami sa Mae Sot na animo'y dyip pero hindi pampasahero at maliit lang. Parang pick up na nilagyan lang ng upuan sa likuran.

Ang dyip ay isang simbolo. Simbolo ng bayanihan, na isa ring kaugaliang Pinoy. Dahil kung atin lamang susuriin, sa loob ng dyip ay may pagtutulungan ang mga pasahero kahit ngayon lang sila nagkita-kita. Makikita iyan sa pag-aabutan ng bayad ng mga pasahero, lalo na kung mula sa dulo malapit sa pasukan ng dyip ang nag-aabot ng bayad, hanggang sa maiabot sa tsuper. Gayon din sa pagsusukli, talagang nagkukusa na ang mga pasahero na iabot sa nagbayad ang kanyang sukli. Bayanihan kahit di nila namamalayan ang kanilang pagtutulungan.

Hindi ba't napakaganda niyon? Hindi ba't kulturang Pinoy iyon? Bayanihan pagkat hindi lang naman sa pagbubuhat ng bahay nakikilala ang bayanihan, kundi sa kusang pagtulong sa kapwa, kahit na maliit at di gaanong pansin. Tulad ng pag-aabot ng bayad at sukli.

Naabutan ko na ang pamasahe sa dyip ay P0.30 lamang. Bago ako mangibang bansa noong 1988 ay P0.75 ang pamasahe. Pagbalik ko galing Japan noong 1989 ay piso na ang minimum na pamasahe. Hanggang sa maging dalawang piso, apat na piso, P5.50, maging otso pesos, maging otso-singkwenta, hanggang sa bumaba ito sa halagang P7.50 sa ngayon. Ngunit minsan, sa halagang P7.50 na minimum na pamasahe, hindi na naibabalik ang sukling singkwenta sentimos pag nagbayad ka ng P8.00. Mas mabuti pa ang magbigay ka ng buong P10.00 dahil minsan ay nasusuklian ka ng P2.50.

Ang dyip ay simbolo ng pagkamalikhain ng Pilipino, o yaong tinatawag na Filipino ingenuity. Ayon sa kasaysayan, nang nag-alisan ang mga Amerikano sa bansa matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig), daan-daang surplus na dyip ang ibinenta o ipinamigay sa mga Pilipino. Inayos at ginawan ito ng bagong disenyo ng mga Pinoy, pinahaba upang marami ang makasakay at mailagay. Pinintahan nila ng sari-saring kulay at masining. Mula noon ay nakilala ang dyip bilang pangunahing pampublikong transportasyon dahil na rin sa kamurahan nito ng pamasahe at makararating ka na sa iyong paroroonan.

Ang dyip ay simbolo ng pagtitiwala sa kapwa. Di tulad ng bus na nagbibigay ng tiket pagkatapos magbayad at may inspektor pang nagti-tsek ng inyong tiket, sa dyip ay wala. Maliban sa mga malalayong biyahe, kadalasang wala ring konduktor sa dyip. Sasabihin mo lang sa tsuper, "Bayad, o", at tatanungin niya kung saan ka galing at saan bababa. Saka ka niya susuklian batay sa layo o bilang ng kilometrong iyong isinakay. Sa batas, ang minimum na pamasahe ay batay sa unang apat na kilometro. Pag lumampas doon ay magdadagdag ka ng kaukulang halaga batay sa bawat kilometrong dagdag sa iyong biyahe. Bukod pa roon, tinatandaan din ng tsuper kung sino na ang mga nakapagbayad, kaya nga marami sa kanila ay may mga nakasabit na paalala, bukod sa "Basta Driver, Sweet Lover", may nakasulat na "God Knows HUDAS Not Pay". Kaya nakakahiya kung mawawalan ka ng dangal dahil lang nag-1-2-3 ka o di nagbayad ng pamasahe.

Pag nasiraan naman ang dyip, ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad upang magamit mo sa iba pang dyip. Kahit walang nakasulat na dokumento, tila may usapan nang ganuon, dahil na rin sa prinsipyo ng pagkamakatarungan na taal na sa atin. Halimbawa, naplatan ng gulong ang dyip o nasira ang tambutso o baka mawawalan ng preno ngunit naitigil din, kusang ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad, at hihingin din naman ng mga pasahero ang kanilang ibinayad. Dahil kung hindi maibabalik, mag-aaway lamang sila. Hindi naman kasi kasalanan ng pasahero na masira ang kanyang sinasakyan.

May mga ruta rin ang dyip kung saan doon lang sa mga lugar na tinukoy ng batas ang kanilang daraanan sa pamamasada. Halimbawa, Balic-Balic - EspaƱa o Lealtad - Quiapo. Hindi pwedeng umiba ng ruta. Kahit na minsan may nagsu-shortcut kung malapit lang upang makaiwas sa trapik. Bawal ang dyip sa EDSA kaya walang ruta ang dyip sa kahabaan ng EDSA, maliban kung sa panulukan lang ng EDSA, tulad ng biyaheng Edsa-Kalentong o Antipolo - Edsa Crossing.

Sa mga kalunsuran, tulad sa Maynila, bawal na ang sabit sa dyip. Ito'y ginawang patakaran upang maiwasan umano ang mga isnatser at maiwasan din ang mga sakuna. Minsan kasi, pag biglang preno ng dyip ay nakakabitaw ang mga nakasabit, at sila'y nadidisgrasya. Sa mga lalawigan ay maaaring mayroon pang sumasakay sa bubungan ng dyip, dahil sa kakapusan ng dyip sa lugar. Tulad na lang nang marating ko ang lalawigan ng Basilan sa Mindanao noong 1994, kasama ang Franciscan Missionary Union, sa aming dalawang linggong pakikipamuhay sa tribu ng mga Yakan at Muslim doon. Bihira kasi ang mga dyip doon, at mula sa Lamitan ay kailangan naming sumakay sa bubungan ng dyip upang makarating sa Tipo-tipo.

Ang mga tsuper ng dyip ay mga karaniwang manggagawa rin. Kayod-kalabaw sa init ng araw para lamang makapag-boundary o yaong halagang kinakailangang ibalik sa may-ari ng dyip, kung hindi ang tsuper ang may-ari at nakikimaneho lang bilang kanyang trabaho. Ang kikitain lampas sa boundary ang kita na ng tsuper. Halimbawa, sa isang walong oras na pamamasada, ang boundary ng dyip ay P500, at kumita siya sa buong panahong iyon ng P800, ang natirang P300 ang kanyang kita at maiuuwi sa kanyang pamilya. Sila'y mga tsuper na may karapatan din bilang mga manggagawa at bilang mga tao na dapat kilalanin ng lipunan.

Anupa't ang dyip ay isa nang simbolo ng pagkakakilanlan natin bilang Pilipino, at kasama na ito sa ating kultura at pang-araw-araw na buhay. Halina't sumakay na tayo ng dyip patungo sa ating pupuntahan.